TOPIC: PAGKAGAT SA KASALANAN

2 0 0
                                    

 "DE KALAMPAG KAMA: Pader na Walang Rehas"

"Magnanakaw! Magnanakaw! Tulungan ni'yo po ako!" habang naglalakad sa may kanto nang hapong iyon ay narinig ko ang pagsigaw ng isang babae na 'di kalayuan sa akin. Kitang-kita ko kung paanong ang mangiyak-ngiyak niyang itsura ay hindi mapakali, habang ang batang nanghiklat ng bag nito'y papalapit na sa akin. Agad kong inihara ang aking mga paa kaya't natalisod ito at natumba dahilan upang ang halos lahat ng nasa paligid namin ng oras na iyon ay mapatingin.

Hindi ko iyon ginawa upang tulungan ang babae, iyo'y upang mas tulungan ang kawatan na gawin ang kanilang plano. Agad na inihagis ng bata ang bag sa isang kasama nito kung kaya't mas nagkaroon sila ng pagkakataong makalayo habang ang bata'y mabilis na nakatayo't nakatakbo. Nagtuloy-tuloy naman ako sa paglalakad.

Ang mundong kinalakhan ko'y punong-puno ng 'di mabilang na masasamang gawi. Nakasalalay sa hanapbuhay kong ito kung paanong maitatawid sa gutom ang kumakalam kong sikmura.

Hindi pa man ako nakapapasok sa loob ay napansin na ako ng aking kasamahan. "O Sandy, mukhang maaga ka ngayon ah? Sakto! Tatawagan na sana kita dahil hinahanap ka na rin ni Bossing." Aniya sa akin.

Pagtango lang ang isinagot ko sa kan'ya saka nagtuloy-tuloy sa pagpasok sa loob. Nakalulungkot isipin na sa dami-rami ng hanapbuhay na papasukin ko'y dito ako napadpad. Nakatapos ako ng High School kaya alam kong marami akong makukuhang trabaho na hindi sakop ng masama ngunit, nababalot nang pighati't pagmamalupit ang aking nakaraan. At ang tanging maibabahagi ko sa mundo'y katulad rin ng mundong aking kinagisnan.

"Wang! Wang! Wang!" napalingon ako sa tunog na iyon. Hudyat na ang katulad kong nagbebenta ng laman at ang tanging panakip ay ang drogang nakapagbibigay lakas upang lumaban ay walang karapatang mabuhay sa tama man o sa maling pamamaraan.

Sinasabi nila, lahat ng sugat nang nakaraan ay nagagamot sa paglipas ng panahon. Subalit, hindi kapani-paniwala ang kasabihang 'yon para sa akin dahil kung totoo man, 'di sana wala ako sa kinalalagyan ko ngayon

"Kailan nga ba ng huli kong makita ang sarili kong ngumiti?" Tanong ko sa aking sarili habang nakayukayok. Napailing ako sa naisip dahil, hindi ko iyon matandaan o marahil ay hindi naman talaga iyon nangyari kahit kailan. Mataman akong tumunghay at saka sinipat ang paligid, nakapaninibago ang lugar na ito sa dati kong kinagisnan.

Inakala kong sa kulungan ang aking bagsak, ngunit bakit nakahimlay ako sa pader na walang rehas?

MGA MAIKLING KWENTOTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon