TOPIC: INA

2 0 0
                                    

🍁[Pa]gki[t]il sa Buh[ay] 🍁

Sa kasukalan ng gabi, habang tinatanaw mo ang buwan, at ang mga nagkikislapang bituin sa kalangitan, mapait na ninanamnam mo ang hulagpos ng nakaraan. Kung paanong ang siphayo na ‘yong nararamdaman ay nagbunga nang nakasusulasok na pag-uyam sa ‘yong kaisipan. Bali-baliktarin man ang mundo, ‘di na maibabalik pa ang dapat ay matagal nang winakasan.

*****

Nag-iisa kang nilalakbay ang daan pauwi sa inyong bahay ng gabing iyon. Malapit ka na sa plaza, ngunit ramdam na ramdam mo pa rin ang kaba sa dibdib ng mga sandaling iyon. Agad tumahip ang dibdib mo ng maramdaman mo ang hangin na dumampi sa iyong balat, kaalinsabay nito ay napansin mo ang isang babae, nakaupo ito sa duyang naroon. Nakatalikod sa iyo ang babae, pero lalo mo lamang naramdaman ang matinding kaba na nagpakilabot sa iyo ng mga oras na iyon.

“Maaari bang magtanong?” dahil sa malalim na pagkatakot na iyong nararamdaman, ‘di mo alintana ang paglapit ng isang babae sa iyong likuran. Panandalian kang tumigil, tiningnan kung sino ang nagtanong. Nakita mo ang malawak na ngiti ng iyong ina.

“Ma! Anong ginagawa mo dito?” takang-tanong mo sa iyong ina ng makita mo itong nakangiti sa iyong harapan, ngunit kahit naroon na ito ay hindi pa rin nawawala ang pagtaas ng iyong balahibo sa katawan. Wala itong pinagbago kahit na nasa harap mo ang iyong ina. Isinantabi mo ang isiping iyon upang hindi nito mahalata ang takot na iyong nararamdaman

“Nainip ako sa bahay kaya hinintay na kita rito sa daan, ang totoo niyan ay kanina pa kitang sinusundan pero muk’hang malalim ang iniisip mo dahil hindi mo ako napapansin.” Nakangiting sagot nito sa iyo.

Napangiti ka at niyakap ang iyong ina ng mahigpit. Ang pagmamahal nito para sa’yo ay walang katulad.

Ilang sandali pa ay nakarating na kayo sa inyong sa bahay. Agad kang nagpaalam sa iyong ina at nagtuloy-tuloy sa k’warto mo. Pagal na humiga ka sa iyong kama, tumingin sa kisame, hanggang ngayon ay hindi mo pa rin maiwasang isipin ang babae na iyong nakita sa may plaza. Naroon pa rin ang kaba, takot at kilabot na tila hindi nawawala.

“Elisa,” rinig mong tawag ng iyong ina sa iyo habang kumakatok.

“Ma, bakit po?” mabilis mong sagot sa kan’ya.

“Dumating na si Marvin, kasama ang parents niya. Magbihis ka na at ng makakain na tayo!” sagot nito sa kabilang pinto

Agad mong iwinaksi ang nakita mong babae sa iyong isipan at mabilis na tumayo. “Okay, Ma! Bababa na rin po ako maya-maya.” Muli’y sagot mo sa kan’ya.

Dali-dali kang bumaba upang magtungo sa harap ng hapagkainan. Agad mong ipinakita ang ngiti sa iyong labi ng harapin ang iyong bisita.

Ngunit,

Bakas sa kanilang mga mata ang lungkot.

"Itigil mo na ito anak," umiiyak na wika ng iyong ina ng maupo ka sa harap ng hapag-kainan.

Iniikot mo sa paligid ang iyong mga mata.

Doo'y tuluyan kang nahintakutan nang mamasdan ang kabuuan ng inyong bahay.

Napatingin ka sa iyong ina.

Kitang kita mo kung gaano siyang nahihirapan sa kan'yang sitwasyon, maging ang iyong mga bisita.

Ang kan'yang katawang inaagnas kasama ang katawan ng iyong nobyo at ng pamilya nito ay nakaupo sa harap ng hapag-kainan.

Muli kang kinilabutan at nakaramdam ng takot ng pumasok sa bahay mo ang babaeng kanina'y nakita mo sa plaza.

Nagkangisi itong nakatitig sa iyo.

"Ahhhhhhhhh!!!" isang malakas na pagtili ang iyong ginawa ng makitang unti-unting naaagnas maging ang iyong katawan.

MGA MAIKLING KWENTOTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon