TOPIC: KUNG PAANO NAGTAPOS ANG MAYO PARA SA MGA PINAGKAITANG TULAD KO

0 0 0
                                    

🍁LAMPARA: Ikaw ang Nagsilbing Mata🍁

Sa bawat pagpatak nang luha, kaakibat nito'y pighati at pagdaramdam. Sa bawat pagngiti, katumbas nito'y masasayang alaalang pinaluma na ng panahon. Ang buhay ko, na pinagtagni-tagni ng bawat kwento— pinaghintay, ngunit ang kinasadlaka'y pag-asang ibinasura.

Nanatili ang bawat ngiti—kasabay nito ang bawat paghikbi.

***

Mayo, taong 2002

"Sister Rosy, kayo na po ang bahala kay Mae," rinig kong pamamaalam ni Ate kay Sister Rosy, na kasalukuyang hawak-hawak ako sa magkabilang-balikat.

Pinakatitigan ko ang kan’yang mukha, makikita roon ang lungkot at pagkabahala. Matatanaw rin sa kan’yang mga mata ang mumunting butil ng mga luha na ayaw niyang pakawalan, habang ako’y hindi mapigilan ang pagpatak ng mga luha ng oras na iyon, sa unang pagkakataon, magkakahiwalay kami.

"Walang magbabago Lorraine," rinig kong anang ni Sister Rosy. "Ingatan mo ang iyong sarili at nawa'y mapabuti ang iyong kalagayan sa kanila." Dagdag na tugon pa nito saka bumitaw sa akin, at niyakap si Ate.

Ilang sandali pa'y lumuhod si Ate sa harapan ko. "Mae, pakatandaan mong hindi man na tayo magkasama, mananatili ka sa puso ko," saad niya habang pinapahid ang mga luhang naglalandasan sa aking pisngi. “Mananatili ka sa puso ko.” Pag-uulit niya sa huling sinabi.

"Babalikan mo naman ako dito, hindi ba ate?" inosenteng tanong ko sa kan'ya habang pinipigil ang sariling luha.

Tumango siya’t niyakap ako. "Pangako, babalikan kita Mae," saad niya sa akin matapos akong yakapin nang pagkahigpit-higpit ng sandaling iyon. "Ipangako mong hindi ka iiyak." Patuloy niya, ngunit ramdam na ramdam ko ang pigil niyang paghikbi.

"Pangako ate, pangako." Mahigpit na mga yakap rin ang isinukli ko kay Ate, kasabay ang pangangakong hindi na muling makararamdam ng lungkot, maging ang pagluha’y akin ring isinantabi.

"Lagi mong tatandaan na mahal na mahal kita, Mae." Batid ng puso kong ayaw niya ‘kong iwan, ngunit kailangan. Tanggap ko, na darating ang araw na ito ng aming paghihiwalay, ngunit sa katulad kong walang kasiguraduhan kung kailan magiging handa— ang kabuluhan nito’y ang bawat kahinaang datal ng aking puso.

Habang papalayo si Ate sa akin ay mataman kong pinupunasan ang mga luhang walang patid. “Ate! Babalikan mo ako, ha?” impit na sigaw ko habang patuloy siyang lumalayo. Hindi siya lumingon.

“Babalikan mo ako Ate, hindi ba?” muli kong sigaw, ngunit nagpatuloy pa rin siya ng walang lingon-likod hanggang sa tuluyan na siyang makasakay sa isang kotse.

Doo’y tuluyan akong humagulgol. Gusto kong sisihin ang mundo! Gusto kong ipagsigawang kinasusuklaman ko ang lahat nang pangyayaring dumating sa buhay naming dalawa.

Matapos mamatay si Inay at Itay, isang taon pa lang ang nakalilipas, dito kami nasadlak sa Rizal's Foundation, isang bahay-ampunan kung saan pinangangalagaan kami ng mga Madre. Noo'y panatag ang kalooban ko, inakalang 'di kami magkakahiwalay, subalit ang mundo'y mapanlinlang. Sa isipan ko'y nakaukit; na ginusto nitong masadlak kami sa dilim.

Ngayon, ang tanging kalakasan ko'y ang mga masasayang alaala, na iiwan niya sa akin. Ang bawat pagsambit ng mga kataga, na mananatiling bahagi ng aking pagkatao.

Musmos man ang inosente kong puso't isip.

***

Mataman kong pinagmamasdan ang mga bata sa bahay-ampunan. Pilit nananariwa ang isang alaalang hindi matandaan, ngunit sa puso’y may kinukubling kamalayan ng nakaraan.

“Ate, kilala mo po ba ang aking mga magulang?” tanong sa akin ng isang batang babae. Hawak niya ang aking mga kamay ng sandaling iyon. Pinakiramdaman ko ang aking sarili. Payapa ang kalooban kong tinitigan ang kan’yang mga mata. Umupo sa upuang naroon at siya’y kinalong.

“Hindi e, gusto mo ba silang makilala?” tanong ko. Tumango ito at ngumiti ng pilit.

“Marie, nandito ka lang pala! Kanina ka pa hinahanap ni Sir Rowell.” Wika sa akin ni Amelia, isang kasamahan ko sa trabaho bilang Social Worker.

Isa sa aming proyekto ang pagbibigay ng mga kagamitang pang-eskwelahan sa mga batang nasa bahay-ampunan, at inilulunsad ito kada taon ng aming pamahalaan upang ng sa gayon ay makapagbigay serbisyo sa mga nangangailangan.

“Ah, kasi may naalala lamang ako sa lugar na ito. Halika na at ng makapagsimula na tayo.” Pag-aaya ko sa kaibigan. Mataman ko muling binalikan ng tingin ang lugar na nagpapaalala sa akin ng isang pangyayari. Sa dako roo’y napansin ko ang isang babaeng nakaupo sa duyan. Sa tingin ko’y kanina pa niya akong pinagmamasdan.

*******

“Aray!”

“Paumanhin—“

“Mae?” nakaramdam ako ng kaba at agad napaluha ng marinig ang boses na iyon.

Ang pinakamamahal ko.

Alam kong siya ang nasa harapan ko ngayon. Maaaring bulag ako pero hindi nabubulag kailanman ang puso.

“Hi-hindi po, Marie po ang pangalan ko.” Wika nito habang tinutulungan akong tumayo.

“Mae, si Ate Lorraine ito, hindi mo ba ako naaalala?” tanong ko sa kan’ya.

“A-ano po bang sinasabi niyo?”

“Naaksidente ka ng araw na iyon, dahil hindi ako lumingon.” Umiiyak na sagot ko sa kan’ya.

Ayokong makita niya akong nasasaktan at lumuluha. Hindi ko alam na mangyayari ang aksidenteng iyon. Matapos ang pangyayari ay kinakailangan niyang operahan dahil nabulag siya. Kapalit ng mata niya’y ibinigay ko ang aking mga mata upang makita niya ang kagandahan ng mundo, subalit muli kaming nilinlang nito.

Ang buhay namin, na pinagtagni-tagni ng bawat kwento—Ako’t siya’y pinaghintay, ngunit ang kinasadlaka'y pag-asang ibinasura; sa aming mga puso.


Hinawakan ko ang kan’yang mukha, naramdaman ko ang paglandas ng mga luha roon. Hindi ko napigilang yakapin siya ng mahigpit katulad ng dati. Mga yakap na pansamantala kong isinantabi upang sa muli naming pagkikita’y mas mainit at mas maalab, katulad ngayon.

Buwan ng Mayo, taong 2016.

Nananatili ang bawat ngiti—kasabay nito ang bawat paghikbi.

MGA MAIKLING KWENTOTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon