Sinakdal na Kaibigan
Sa harap ng salamin ay patuloy ang aking pag-indayog. Ang mga ngiti'y makikita sa aking mga labi. Napakaganda ng araw na ito. Sa sandaling lumabas ang katotohana'y magiging markang hindi na mabubura sa isipan nang lahat.
Ang bawat pagsira sa kanilang pagkatao'y magiging malaking kasiyahan para sa akin. Silang mga sumira sa aking buhay, kailanman ay hindi sila magiging maligaya.
Dahil, patuloy kong sisirain ang bawat sandaling sila'y malaya.
*****
"Tulungan mo ako Mildred, pakiusap. Tulungan mo ako." Umiiyak na sambit niya sa akin habang nakahiga sa maliit na eskinitang naroon. May lungkot rin sa mga mata niya, habang patuloy na humihingi ng tulong sa akin. Ang kan'yang katawan ay puno ng dugo sa hindi ko malamang rason. Mabilis ang mga kilos kong iniwasan siya ng tingin. Tuluyan akong lumakad palayo at iniwan siyang nakahiga sa lugar na iyon.
"Tigilan mo na ako! Pakiusap, tumigil ka na!" malakas na sigaw ko sa kan'ya. "Hah!" pawisan akong napabalikwas sa aking kinahihigaan. Muli na naman niya akong dinalaw sa aking panaginip.
Ang babaeng iyon. Ang kan'yang mga mata na patuloy na lumuluha. Ang kan'yang impit na paghingi nang tulong. Wala akong nagawa. Wala. Mabilis akong bumangon at nagtungo sa kusina upang kumuha ng tubig na maiinom. Pinipilit kong burahin sa isipan ko ang nangyari, ngunit paulit-ulit rin siyang nagpapakita sa akin.
Ilang taon na ang lumipas matapos ang gabing iyon, kahit gusto ko siyang tulungan ay hindi ko magawa. Natatakot ako. Nangangamba sa posibleng mangyari sakali man na tulungan ko siya, kaya tumakas ako. Tumakbo at nilisan ang lugar na iyon upang hindi ako mapahamak.
Gusto kong mabuhay nang malaya, ngunit pakiramdam ko'y unti-unti niyang nilalason ang aking kaisipan.
*****
Nasa may beranda na ako ng bahay ni Eric nang matanawan ko ang aking mga kaibigan na masayang pinagsasaluhan ang kanilang matagumpay na plano para sa akin ng gabing iyon. Nakaramdam ako nang galit. Hindi ko inaasahang marinig mismo sa kanilang mga bibig ang katotohanang pinaglalaruan lamang nila ako.
Si Eric at higit lalo ang itinuring kong matalik na kaibigan na si Mildred, ang nagbunyag nang pinakamasakit sa lahat. Unti-unting namuo ang mga luha sa aking mata, ngunit mabilis kong pinalis iyon at dahan-dahang lumapit sa kanila ng may ngiti sa mga labi.
"Buti naman may naabutan pa ako." nakangiting bungad ko sa kanila. Kitang-kita ko ang gulat sa kanilang mga mata ng sandaling iyon. "Tapos na ba? Mukhang marami-rami na rin ang boteng naubos ninyo ah!" nakangiti pa ring tanong ko, ngunit kay Eric ako nakatingin, habang patuloy na lumalapit sa kan'ya. Nang makalapit ay saka ko siya hinalikan sa labi, sa mismong harap ng mga kaibigan namin at ni Mildred— ang totoong kasintahan niya.
"Wohooo!" sigawan ng lahat maliban kay Mildred na halata ang pagkainis sa aking ginawa. Mabilis na tinapos ko ang halik na iyon saka humarap sa lahat.
"Pasensya na sa inyo kung nahuli ako ng dating, tinapos ko pa kasi ang trabaho ko." Ani ko matapos umupo. "Anong pinag-uusapan ninyo?" usisa ko pa.
"Ah w-wala, wala Babe!" agad na singit ni Eric na halatang kinakabahan ng mga sandaling iyon. "T-tapos na rin kami, hindi ba?" dugtong na aniyang tanong niya sa mga kaibigan.
Nagpalitan ng tingin ang bawat isa na animo'y hindi nila maunawaan ang sinasabi ng kaibigan. Banaag sa kanilang mga mata ang pagkadisgusto sa narinig mula sa kay Eric.
"O-oo nga, t-tapos na kami. Mag-uuwian na rin sana kami," nakangiting sagot ni Ashley na halatang napipilitan dahil ang mga mata niya'y hindi mapakali kung saan titingin. Mabilis na tumayo ang lahat sa kanilang kinauupuan, maging si Mildred.
"Ah ganun ba? Saying naman!" kunwari'y angil ko. Hindi ako nagpapahalatang narinig ko ang usapan nila kani-kanina lang. "Ihahatid mo ba ako, Babe?" malambing na tanong ko kay Eric matapos na kapitan ang kan'yang braso.
"Lasing na ako, Babe. Hindi na kita maihahatid." Sagot niya sa akin.
"Okay, pano? Aalis na ako, sabay-sabay na tayo?" tanong ko sa kanila.
"S-sure." Sagot ni Aldwin na marahang hinigit si Ashley.
"Good Bye Babe—" hindi ko natapos ang pamamaalam ko ng mga oras na iyon ng marinig ko ang malakas na pagkabasag ng bote, napalingon ako at nakita ko ang galit na galit na mga mata ni Mildred saka isinaksak sa akin ang isang matulis na bagay.
"Babe—"
"Dapat ka ng mamatay!" malakas na sigaw niya saka tuluyang ibinaon ang boteng hawak niya. At bago ako tuluyang pumikit, naaninag ko ang walang humpay nilang pagtawa.
Wala silang karapatang maging malaya.
*******
"A-ako, ako ang pumatay kay Ate Regine! A-ako!" nanginginig ang boses kong pag-amin habang nasa harap ng mga prosecutor kasama ang aking mga kaibigan. Hindi namin plano na patayin siya, ngunit wala akong nagawa. Nang gabing iyon, nakaramdam ako ng masidhing galit, alam kong nakita at narinig niya ang lahat.
Sagabal siya sa buhay ko!
Ngunit narito na kami. Lahat kami'y ipinasyang sumuko, kami ang nagdesisyong palayain ang mga sarili namin sa walang kapanatagan pagkawasak ng aming puso't isipan simula nang mangyari ang krimeng aming ginawa. Tatlong taon na akong nakakulong sa sarili kong pagkakamali. Tatlong taon naming tiniis ang mabuhay na kasama ang masalimuot na bangungot ng araw na iyon.
"Patawad, Ate Regine! Patawad." umiiyak na bulong ko ng mga oras na iyon kasabay ang malakas na pagbuhos ng ulan.
Ang aking mga kaibigan na ikinulong ko rin sa karimlan ay malayang tatanggapin ang hatol—
Hatol nang pagkalaya sa krimeng aming ginawa.
Sa aking kapatid.