"Ang tagal nating hindi nagkita," nakangiti kong bungad sa kanya sabay abot ng paborito niyang laruan.
Habang pinagmamasdan ko ang bughaw na kalangitan, maraming tumatakbo sa isip ko.
****
"Anong ginagawa mo d'yan?" kunot-noong tanong ko sa kanya habang iwinawagayway ang laruang ginawa niya para sa akin.
"Daphne, naisip ko na gumawa para sa sarili ko. Heto oh!" nakangiti niyang sagot sa akin.
Makikita sa kanyang mga mata ang saya ngunit may halo iyong lungkot.
Ramdam kong hanggang ngayon ay hindi pa rin niya tanggap ang nangyari.
"Wow! Kung ganoon ay dalawa na tayong mayroon," masayang tugon ko.
Pilit kong pinapasaya ang aking tinig sa pagbabakasakaling kahit na sa anong paraan ay mapasaya ko siya.
Ngunit biglang naglaho ang ngiti sa aking mga labi ng makita ko ang mga luhang pumapatak sa kanyang pisngi.
Hindi nagawang pukawin nang aking mga ngiti ang sakit na dulot ng nakaraan.
Nabigo ako sa aking pangako.
"Huwag ka nang umiyak. Kailangan mong maging matatag." pag-aalo ko sa kanya.
"Masaya ka ba ngayon? Bakit hindi maaaring sabay na lang tayo?" muli'y nasa tinig niya ang lungkot sa tanong na iyon.
"Oo. Masaya ako para sayo. Hindi ko alam ang sagot sa tanong mo, Ngunit pangako, darating muli ang sabay nating pagngiti at pagluha."
****
"Ang tagal nating hindi nagkita," nakangiti kong bungad sa kanya sabay abot ng paborito niyang laruan.
Sa lapag ng kanyang libingan.
Naiiba iyon sa lahat ng naroon.
Ang paborito niyang laruan na Koronang Bulaklak.
Tumingala ako.
Habang pinagmamasdan ko ang bughaw na kalangitan, maraming tumatakbo sa isip ko.
Kung paano akong binigyan ng pagkakataong mabuhay sa kabila ng trahedyang nangyari sa amin.
"Patawarin mo ako, kung ngayon ko lamang natanggap ang lahat."
Tama siya.
Muli kaming magkikita.
"Salamat sa iyong pagbisita sa aking panaginip. Nakita ko kung gaano ka kaligaya, Cristel."