Sa Bawat Tikatik ng Pag-ibig
Nakapapagod ang dagliang pag-angkin ng kalawakan. Nakaririmarim! Habang ang mga titig nila'y nagbibigay datal sa aking pagkatao.
Nakapanlulumo.
Nakasusulasok ang aking karumihan!
Hindi ko nabatid ang kanilang pakay— naka-aawang tupa ang kinasadlakan ng aking buhay.
***
Taong 1956
Nakatayo ako sa harap ng dalampasigan, at malayang pinagmamasdan na lamunin nang dilim ang haring araw ng mga sandaling yaon. Nakangiting pinananabikan ng aking puso na muling masilayan ang bukang-liwayway.
Muli na naman kaming magbabalik sa lugar na iniingatan, bilang sagisag ng aming pagmamahalan.
"Roberta! Halina't tulungan mo akong samsamin ang mga isdang nakabilad!" agad akong napalingos nang marinig ko ang sigaw na iyon ng aking ina, habang abala ito sa pag-samsam ng mga ibinilad niyang isda kanina, bago sumapit ang sikat ng araw. Nakangiti ko siyang nilapitan, at dali-daling tinulungan sa kan'yang ginagawa.
"Inay, hayaan na lamang po nin'yo ako sa pagsamsam ng mga ito," nakangiting sabi ko ng makalapit ako sa kan'ya, pilit na inaagaw ang hawak-hawak niyang bilao na lalagyan ng mga iyon. "Kayang-kaya ko na po itong gawin." Patuloy kong wika na hindi nawawala ang ngiti sa mga labi.
"Ikaw ba'y may balak na ipagpaalam sa amin ng iyong Itay, anak?" kunot-noong tanong niya sa akin.
"Wala ho Inay! Bukas pa ho iyon," umiiling na sagot ko sa kan'ya. Kilalang-kilala talaga ako ni Inay, alam na alam niya kung kailan ako hihingi ng pabor sa kanila ni Itay. "Magkikita ho kasi kami ni Henry bukas, Inay."
"Anak, hindi naman sa minamasama ko ang pakikipag-ugnayan mo kay Henry, subalit—"
"Inay, mabait ho at mapagmahal si Henry, alam ko hong hindi niya ako sasaktan." Putol ko sa sasabihin niya. Hindi nagsalita si inay ngunit, tanaw ng aking balintataw ang kalungkutan sa kan'yang mga mata. Sigurado ang aking puso na nais lamang niyang mapabuti ang aking kalagayan, kaya tutol siya kay Henry.
Si Henry.
Ang aking nobyo na nabibilang din sa katulad namin— isang kahig, isang tuka. Ngunit, pinagsisikapan nitong makaahon sa kahirapang kinakaharap.
Kinabukasan, maaga pa lamang ay nakabihis na ako. Kasabik-sabik na muling mayakap ang lalaking aking iniibig. Nagmadali akong pumaroon sa sinumpaang lugar ng aming pagmamahalan.
***
Nakaririndi ang katahimikan. Ang tikatik ng makinilya lamang ang tanging maririnig. Bawat pagtipa dito ay ang bawat sagot na nararapat; walang kalituhan, walang pagtigil, kahit patuloy ang pag-agos ng mga luha sa aking pisngi.
Ang lahat ng taong naroon ay nakatitig sa akin, animo'y isa akong pulutan. Ang makinilya ay waring umiikot sa aking pagkatao. Sinisisid maging ang kaloob-looban ko, ngunit wala akong magawa.
"Ano ang nangyari ng umagang iyon, hija?" muli'y tanong ng isang pulis sa akin.
"G-ginahasa p-po n-nila ako," nangangatal at takot na takot na tugon ko ng sandaling iyon. Muli kong narinig ang paglagitik ng makinilyang gamit ng pulis sa harapan ko. Iniisip, kung may espasyo nga ba ng hustis'yang nakalaan para sa aming isang kahig, isang tuka.
"Maaari mo bang isalaysay sa amin ang buong pangyayari?" muli'y tanong nito sa akin.
May pighati't takot na isinalaysay ko ang nangyari, hindi iniinda ang mga matang pawang nangmamaliit sa akin. Mga isipang nagbibigay na ng maling pananaw kahit, hindi pa naririnig ang buong istorya sa kabilang panig.
**
"Ikaw, Roberta Magsalin, ay kinaakusahan sa salang pagpatay kay Henry Magsino at Narciso Guerrera, at inaatasan ng hukumang ito na mabilanggo sa loob ng dalawampu't limang taon, anim na buwan at dalawang linggo!" nagkakarerahang pagtibok ng puso ang tanging naririnig ko matapos ang inilahad ng oras na iyon.
Hindi ko nabatid ang kanilang pakay— naka-aawang tupa ang kinasadlakan ng aking buhay. Ang makinilyang inakala kong magliligtas sa 'kin, ang siyang nagdusta ng karimlan sa hustisyang aking hinangad makamtan.