"SA LIKOD NG: PA[L]SO N[I] [K]UP[IDO]"
"Talaga bang minahal mo ako?" tanong ko sa kanya habang matamang nakatitig sa kanyang mukha, siya naman ay nakayuko lamang ng mga sandaling iyon.
Nakaupo kami sa silya habang nakikinig sa sermon ng pari na nasa aming harapan. Hindi siya sumagot. Siguro dahil nahihiya siya sa dami ng taong nasa paligid namin ngayon.
Ang totoo'y hindi ko alam kung saan ko nakuha ang mga katanungang iyon. Basta na lamang siyang pumasok sa isip ko.
Ilang sandali pa'y nakita kong tumahimik ang lahat, animo'y binibigyan siya ng pagkakataon na makapagsalita.
'May balak na yata siyang pakasalan ako.' natawa ako sa sarili kong naisip dahil alam ko namang hindi mangyayari iyon dahil wala na kami.
Nakipaghiwalay siya sa akin, isang linggo pa lamang ang nakalilipas.
"A-alam mo, h-hindi k-ko a-alam kung p-paano ko 'to sasabihin sa'yo," gumagaralgal ang tinig niya ng sambitin iyon.
Panandalian akong natahimik. "Bakit?" takang-tanong ko sa kanya. Ang tinig niyang iyon ay humahaplos sa aking puso.
"Ang sakit-sakit Allen, ang sakit-sakit!" nakikita ko sa mga mata niya kung gaano siya nasasaktan ng mga sandaling iyon. "Pero kailangan kong maging matatag dahil ako naman ang nagdesisyon nito. Ako at hindi ikaw." lumuluhang dugtong niya.
Ramdam ko ang sakit sa bawat salitang binitawan niya. Gustong-gusto ko siyang yakapin. Gustong-gusto kong punasan ang mga luha sa kanyang mga mata. Pero ayokong bigyan siya ng t'yansang muli kaming babalik sa dati. Hindi na kami magiging katulad ng dati.
'Malabo na iyon,' mga salitang nakatatak sa isip ko at alam kong maging ang isip niya'y katulad rin ng iniisip ko.
"Hindi naman kita sinisisi sa naging desisyon mo, Russel. Mahal kita at patuloy na mamahalin pa." mahinang bulong ko sa kanya.
Umiling siya at pinunasan ang kanyang mga luha pero hindi iyon nabawasan kahit kaunti. Mas lalo akong nakaramdam ng paghihinagpis sa nakikita kong itsura niya ngayon.
"A-allen, p-patawarin mo sana ako," muli siyang nagsalita at saka biglang napaluhod sa aking harapan. Dinig na dinig ko ang paghagulhol niya.
Muli'y hindi ako sumagot pero ramdam na ramdam ko sa'king mga pisngi ang pagbagsak ng aking mga luha. Nasasaktan din ako habang nakikita ko siya ngayon dahil maging ako'y nakapag-desisyon na rin nang huli kaming mag-usap. At hindi ko na pwedeng baguhin pa iyon. Nararamdaman ko rin na higit pa sa paghingi nang tawad ang nais niyang sabihin sa akin. Alam kong maraming tanong ang gusto niyang masagot. Ganon din naman ako, marami akong katanungan na nais rin nang kasagutan pero laging natutuldukan.
"Nagpunta lang ako dito para magpaalam sa'yo, sana'y hindi mo na ipinakita sa aking mahihirapan ka dahil nagdadal'wang-isip na ako ngayon," sinabi ko iyon sa kanya na tanging siya lang ang nakaririnig.
Mas lumakas ang pag-iyak niya.
"Ingatan mo ang kapatid ko katulad ng pag-iingat na ginawa ko para sa'yo." iyon ang huling katagang sinabi ko sa kanya bago ako tuluyang umalis sa harapan niya.
"Ayoko A-allen! Ayoko! Pakiusap, bumalik ka na," rinig kong sigaw niya sa akin.
Hindi na ako tumugon sa pakiusap niyang iyon, ni hindi na rin ako lumingon. Hindi dahil sa hindi ko na siya mahal. Mahal ko siya pero kailangan kong tanggapin ang katotohanang hindi kami para sa isa't isa.
"Kahit masakit ay tatanggapin kong pinilit mo lamang akong mahalin para mapalapit sa taong pinili mong mahalin."
Hanggang sa tuluyan nang ibaba ng mga taong malapit sa akin ang aking kabaong.
Oo!
Ang katawan ko'y isa na ngayong bangkay.
Dahil tuluyan ko nang winakasan ang aking buhay.