🍁Huling Tagpuan🍁
Habang nakaupo ka't matamang nakatingin sa kawalan, ang mga ilog ng kapaitan ay dumudulas mula sa iyong mga mata. Pilit na iniluluwa ng 'yong mga alaala ang nakalipas. Doo'y walang pagsidlan ang 'yong ligaya't galak.
Batid mo ang kawalan nang pag-asang mararating pa ang 'yong pinapangarap. Sa huli, pinili mo na lamang na tumakas dahil, batid ng iyong kaluluwa ang lahat ng paghihirap na dinaramdam.
Ngunit—
***
"Mahal Kita." walang pagsidlan ang ngiti sa 'yong labi ng marinig mo ang mga katagang paulit-ulit na pumupukaw ng damdamin mo para sa kanya. Sa isip mo'y ito na ang pinaka-maligayang araw na sumidhi sa 'yong puso. Tumayo ka sa iyong kinauupuan at lumapit sa kanya. Isang mahigpit na yakap ang isinukli mo sa lalaking nasa iyong harapan.
"Mahal din kita Chris, mahal na mahal." tugon mo sa kan'yang sinabi. Ilang buwan mo ring inasam na marinig sa mga labi nito ang katagang iyon.
Inakala mo na ang kawalang-pansin niya para sa 'yo ay hindi na magbubunga katulad ng pagtingin na iniuukol mo sa kan'ya sa mahigit na ilang taon. Totoong hungkag at lango sa pag-ibig niya ang puso mo ng mga sandaling iyon kung kaya't hindi mo alintana ang mga matang nagmamasid sa 'di kalayuan.
Ang pagpaparamdam mo ng pagmamahal para sa kan'ya ay hindi nawalan ng kabuluhan. Mas pinag-igting pa ito ng mga panahong lumipas. Ni sa hinagap, ay hindi ka nakaramdam nang pagkatuliro. Ang mundo mo'y nabalot ng 'di malirip na kaligayahang patuloy ni'yong pinagsasaluhan. Nakatuon ang isip mo na ang mga bisig niya ang 'yong sanggalang at daungan sa lahat ng sitwasyong maaari mong pagdaanan ngunit, nabulag ka ng pagmamahal mo para sa kan'ya. Hindi mo namalayang ang lahat ay magkakaroon ng pagbabago.
Napukaw ang pagbabalik ng kasalukuyan sa 'yong balintataw ng marinig mo ang pagdadalamhati ng gitara. Napatingin ka sa dalawang tao at nakikita mo ang ngiti sa kanilang mga labi. Isang ngiti ang ipinaabot mo sa kanila bago ka tuluyang lumapit.
"Congratulations sa inyong dalawa," nakangiting winika mo ng makalapit ka sa kanila saka tuluyang nakipagdaupang-palad "Hangad ko ang kaligayahan ni'yo."
"Salamat Remy," kitang-kita mo sa mukha niya ang galak ng sabihin niya ang mga salitang iyon. Ramdam na ramdam mo ang mainit niyang pagpapasalamat sa pang-unawa at pagbibigay kaluwagan sa kanilang mga naninikip na dibdib ng mga panahong hindi mo pa nakakayanan ang lahat.
Marahil, tuluyan mo nang nalimot ang hapdi ng nakaraan. Ang ligayang dulot niya'y maaaring nasa memorya mo na lamang at hindi na mawawala pa ngunit, nababatid mong mapapalitan ito ng mas higit na ligaya.
***
Ngunit—
Tuluyan ng bumitaw ang guhit-tagpuan mong mga pangarap dahil—nakaharap ka ngayon sa sarili mong himlayan habang pumapatak ang 'yong mga luha.