TOPIC: "Natatanaw ng Bulag, Nakakikita'y 'di Maaninag"

12 0 0
                                    

🍁LANGIT O IMP'YERNO: TUNAY NA PARAISO🍁

"Ito," inilibot ko ang aking mga mata at napangiti sa ganda ng paligid na aking nakikita.

*****

"Magandang Umaga mga minamahal!" isang nakangiting matandang lalaki ang bumungad sa telebisyon namin ng umagang iyon. Hindi maitatangging muli na naman s'yang magbibigay anuns'yo para sa lahat.

Kada araw ay ginagawa ni Papa ang ganito. Bubuksan ang telebisyon at panonoorin naming pamilya ang anuns'yo roon.

Siya si Vine. Isang magaling at maaasahan na Mayor sa aming Bayan. Lahat ng mamamayan ay sumusunod sa kan'ya. Walang kahit na sino ang kumokontra dahil perpekto ang lahat ng propagandang inihahain niya sa amin. Walang tulak-kabigin sa lahat ng kan'yang ginagawa.

"Katulad ng mga nagdaang araw, nais kong malaman ni'yo na muling darating si Ry upang siguruhin ang inyong kaligtasan sa sarili ninyong mga tahanan." nakangiting anuns'yo pa nito.

Napangiti ako ng marinig ang bagay na iyon. Muli ko na namang mamamasdan si Ry.

Ilang minuto lang ang nakalilipas matapos na patayin ni Mama ang telebisyon ay dumating ang isang matipuno at mabait na lalaki.

"Magandang Umaga, nais ko lamang tiyakin ang inyong kaligtasan maging ng inyong mga anak." nakangiting bungad nito sa aking mga magulang.

"Ikinagagalak namin na muli kang makita Ry," nakangiting sagot ni Papa sa kanya bago tumango. "Umupo ka muna at ng makapag-umagahan ka."

"Babalik na lamang ako. Magdadala na rin ako ng mga pagkain na pagsasaluhan ninyo sa loob ng isang linggo." nakangiti ring sagot nito kay Papa bago tuluyang nilisan ang aming tahanan.

Ang kanyang tindig ay nakapagpapalakas ng dating sa akin. Ang kanyang mga ngiti ay nakapagbibigay ligaya naman sa aking puso.

"Rica, kumain ka na! Sabayan mo na kami!" sigaw ni Mama sa akin na hindi ko namalayang nasa harap na pala ng hapag-kainan.

Hindi pa man ako nakauupo ay may isang lalaking pumasok sa aming bahay. Naka-suot ito ng bonnet kaya, hindi ko makita ang buo niyang mukha.

Ngunit, ang mga mata nito--

Parang nakita ko na ang mga iyon.

Mabilis itong lumapit kay Papa at saka tinutukan ng baril.

Alam kong mangyayari ang bagay na ito sa aming pamilya, ngunit hindi ko akalain na ngayon na ang simula.

"Maaari bang kausapin ko muna ang aking pamilya?" nakangiting tanong ni Papa sa lalaki.

"Oo!" mabilis na sagot nito.  Ngunit, ipinababatid ni Ginoong V na kailangang bukas ang loob mong sabihin sa pamilya mo ang katotohanan." malakas na sabi pa nito.

Tumango si Papa saka nakangiting tumingin kay Mama.

"Karapat-dapat." iyon ang huling katagang narinig ko kay Papa ng sandaling iyon bago siya tuluyang binaril sa sentido ng lalaki. Walang kahit na anong takot akong nakita sa kan'yang mga mata, bagkus ay tila ba sinasabi niyon na ang lahat ay naaayon sa kanilang komunidad.

Mabilis na umalis ang lalaki bitbit ang katawan ng aking Ama. Nakasaad sa aming Saligang Batas na ang lahat ng gumawa ng mabuti sa aming kapwa ay may karampatang parusa.

Kamatayan.

Kaalinsabay nito, hindi maaaring iburol ang bangkay ng lahat nang namatay. Ang lahat ay mapapasa-kamay ni Mayor Vine.

Subalit, pinapanatili pa rin nito na ang lahat ay ligtas at nabubuhay ng naaayon sa Saligang Batas na isa sa kanyang mga magagandang propaganda.

Iyon ay sa tulong ni Ry.

Tama.

Nagkamali si Papa hindi lamang sa Mayor ng aming Bayan kun'di maging sa aming Batas.

*****

"Rica," ilang ulit ko ng tinatawag ang kan'yang pangalan upang gisingin.

Nakikita ko ang lahat. Nakikita ko kung paano sila hawakan sa leeg ng kanilang Mayor na kinilala nila bilang isang mabuti at matapat.

Ngunit, hindi!

Ang lahat ng kanilang mga nakikita ay pawang pag-kontrol sa kanilang kaisipan. Wala silang karapatang mabuhay ng naaayon sa tama. Ang lahat ng kinagisnan nila ay kabulaanan. Lahat sila'y binulag ng kasakiman.

"Rica," muli ay mahina ko siyang tinawag.

Naramdaman ko ang pagbangon ng dalaga.

"Ry--"

"Sssshhh!" agad na pinatahimik ko siya. Hindi dapat malaman ng sinuman sa kanilang pamilya na naroon siya. "Magmadali ka! Aalis tayo sa magulong komunidad na ito." mabilis na sabi ko sa kan'ya.

"Ano bang sinasabi mo?" mahina ngunit naroon ang pagkalito sa kan'yang tinig ng sandaling iyon.

"Makinig ka Rica, impyerno ang lugar na ito. Hindi dito ang buhay na nararapat para sa inyo." paliwanag ko sa kan'ya.

"Ngunit--"

"Maniwala ka sa akin. Hindi kita sasaktan." paki-usap ko.

Siya ang babaeng pinapangarap kong makasama kaya, hangga't may magagawa akong paraan makatakas lamang siya sa lugar na ito ay gagawin ko.

Tama na ang paghihirap na pinagdaanan ko sa mahabang paglilingkod sa matandang iyon.

Tama na.

"H-hindi ba ikaw rin 'yung lalaking bumaril sa Papa ko?" nagulat ako ng marinig ang tanong niyang iyon.

Ni minsan ay 'di ko pa ipinakita ang aking mata sa kahit na sino.

Ang aking mata.

Ang katotohana'y binulag ako ng nakaraan. Sinanay at tinuruan upang walang kahit na sino ang makaalam.

Kaya, nakapagtatakang nalaman niya ang bagay na iyon.

"Patawad, wala akong magawa dahil nasa Batas na kapalit ng pagiging mabuti sa kapwa ay---"

"Kamatayan." nakangiting sagot niya sa akin.

"Ngunit, hindi iyon makatarungan para sa lahat," sagot ko sa kan'ya. "Rica, ang Bayan na ito'y nababalot ng kabalintunahan ng aking Ama. Matagal na panahon niyang plinano ang lahat ng ito. Binulag niya ako ngunit sinanay sa maraming bagay upang ako mismo'y maging alipin niya. Maniwala ka." patuloy sa wika ko sa kan'ya.

Halata sa mukha niya ang pagkagulat sa narinig. Tanging ako lamang ang nakaaalam ng bagay na iyon.

Ako lamang.

At nais kong malaman niya ang lahat ng ito.

"Sige, hintay-- Ry!" bago pa man siya tumalikod sa akin ay narinig ko na ang pagputok ng baril mula sa aking likod.

Huli na.

Dahil maging ang katawan ko'y nakaratay na.

*****

"Ito," inilibot ko ang aking mga mata at napangiti sa ganda ng paligid na aking nakikita.

Tama ba ang nakikita ko?

Sa palagay ko, isa itong Paraiso.

Napatingin ako sa lalaking katabi ko.

"Tama ka, ang Bayan natin ay isang imp'yerno dahil narito tayo ngayon sa tila perpektong mundo."

Napangiti siya ng mapait saka tuluyang naglaho sa aking paningin.

Nagkamali ako.

Nasa Imp'yerno pa rin siya.

MGA MAIKLING KWENTOTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon