🍁LUSAW NA BALINTATAW🍁
"P-patawad," lumuluhang sambit niya sa aking harapan ngunit napugnaw na ang lahat ng masasaya naming alaala.
****
"Beatrice, narito ako!" malakas ang naging paghiyaw ko habang patuloy sa pagkaway ang aking mga kamay upang mas madali niya akong makita.Nakangiti siyang lumapit sa akin at mabilis akong niyakap.
Ilang taon din ang nakalipas nang huli kaming magkita at masasabi kong napakaraming nagbago sa kanyang postura.
"S-sino siya, Mariella?" tanong ni Beatrice habang nakaturo sa aking likuran.
Napalingon ako sa itinuro niya. Nakalimutan kong kasama ko nga pala ang aking nobyo sa pagsundo sa kanya.
"J-jeremy, siya si Beatrice, ang matalik kong kaibigan.
Siya iyong malimit kong banggitin sa mga k'wento ko. Beatrice, siya si Jeremy, ang nobyo ko." ipinakilala ko sila sa bawat isa bago kami tuluyang umalis sa lugar na iyon.****
"Masaya ba talaga ang magmahal?" tanong niya sa akin na may lungkot sa kanyang mga mata."Oo, masaya ang magmahal. Masarap. Nakapapawi ng lungkot. Minsan may pagsubok pero iyon ang magiging daan para mas maging matibay ka," sagot ko sa kanya.
Gusto ko siyang yakapin ngunit may takot akong nararamdaman na baka ipagtabuyan niya ako.
"Sinasabi mo lamang ang lahat ng iyan dahil masaya ka," sagot niya sa akin kasabay ang likidong tumutulo sa kanyang mga mata.
"Hindi! Maniwala ka, hindi. Simula ng lumayo ka'y hindi na ako naging masaya." mahinang sambit ko. Sapat upang marinig ko lamang ang sarili ko.
Sa tuwing titignan ko siya'y laging naroon ang sakit.
Aaminin kong masaya ako sa buhay ko ngayon, kasama ang aking asawa't mga anak, ngunit ramdam na ramdam ko ang kulang sa aking pagkatao.
Hindi pa rin nawawala ang pagmamahal ko sa kanya sa kabila ng mga nangyari sa mga nakalipas na taon.
"Kung ganoon, mahal pa rin niya ako?" tanong niya sa akin.
"Gusto ko lamang naman maging maligaya, maging masaya sa piling niya. Ginawa ko naman ang lahat, hindi ba?" muli'y tanong niya sa akin.
"Oo, ginawa mo ang lahat. Wala kang mali dahil nagawa mo ang lahat para sa kanya." nasasaktan ako habang nakikita ko kung gaano siya nasasaktan.
At hindi ko alam kung paano ko maibabalik ang lahat ng saya sa kanyang mga mata.
Mabilis ang pagkilos kong niyakap siya ngunit naramdaman ko ang pagkagulat niya nang kusa niyang kalasin ang pagkakayakap ko sa kanya.
"S-sino k-ka?" gulat na tanong niya.
"P-patawad," iyon ang huling katagang binanggit ko habang umiiyak bago tuluyang lumabas sa kwartong kinaroonan ni Mariella.
Ilang taon na siyang nakakulong sa k'wartong iyon dahil sa akin at sa aking asawa.
****
"S-sino ka?"May pagtataka.
Nagtataka akong napatitig sa kanya.
Mabilis siyang umalis.
Tinitigan ko siya.
Kahit nakatalikod.
Kahit wala na siya sa aking harapan.
"P-patawad," lumuluhang sambit niya.
Ngunit, napugnaw na ang lahat nang masasaya at mapapait na alaala.
Sa aking isipan.
Dahil ngayon,
Ako'y isang baliw na.