🍁Gintong Pagmamahal🍁
I
sang gabi. Habang lulan sa barko'y mataman kong sinilip ang panatag na dagat. Ninanamnam ang lamig ng hanging tumatama sa aking balat. Muling nabalot nang lungkot ang aking puso. Mapait akong napangiti at 'di namalayan ang pamamalisbis ng luha sa aking pisngi. Hanggang ngayo'y hindi napapawi ang pagmamahal na laan ko para sa kan'ya.
"Handa ka na bang harapin s'yang muli?" Tanong sa 'kin ni Darwin, ang aking nobyo.Tumango ako. Ilang taon na rin ang nakalipas simula nang umalis ako sa aming Bayan. Pinilit lumayo sa 'king pamilya kahit na wala akong kapasyahan kung saan ako magtutungo.
"Lumayas ka!" Galit na galit na sigaw niya sa akin ng gabing iyon. Sa isipan ko'y nanariwa ang sakit; ang pighating dulot ng kan'yang nakamamatay na mga salita. Ngunit, batid kong bunga ito ng siphayong kan'ya mismong nararamdaman ng sandaling yaon.
"H'wag kang mag-alala, nararamdaman kong maging siya'y nananabik na masilayan ka." nakangiting sabi ni Darwin sa 'kin habang hinahagod ang aking likod dahilan upang mapanatag ang loob ko katulad ng kapanatagang nakikita ko sa kan'yang mga mata maging sa malawak na karagatang aming tinatanaw.
Hindi pa man kami nakabababa ng barko ay nakaramdam na ako ng dumadagundong na tibok sa aking puso, marahil ay dahil sa takot.
Takot na hindi ko alam kung saan nagmumula.
Takot na noon pa ma'y bitbit na ng aking puso-papalisan sa lugar na ito. Ayaw ko silang iwan ngunit, ayaw ko rin silang masaktan.
Takot na s'yang pumigil sa 'kin nang maraming beses, upang balikan sa aking balintataw ang lahat ng sugat na tinamo nang paulit-ulit. Tumatak sa puso't isip kong 'di ako nararapat sa lugar na ito.Umaga na ng makarating kami sa daungan.
"Tayo na?" Aya niya sa akin ng tumigil ang barko at nakitang nagsisibabaan na rin ang ibang pasahero. Nang makababa kami'y mabilis siyang tumawag ng traysikel. Halos nanibago ako sa laki nang ipinagbago ng aming lugar. Makikita ang iba't ibang nagtataasang gusali rito maging ang pagbabago ng dating bako-bakong daan. Hindi ko lubos maisip na muli akong makatutuntong sa Bayang aking tinalikuran ng matagal na panahon.
"Kilala pa kaya nila ako?" Sambit ko. Ang katotohana'y hindi ko alam kung saan ako magsisimula. Kung paano ko sila haharapin. Maraming tanong na nagbabadya sa isipan ko ngunit wala akong mapulot na sagot sa kahit anong anggulo o saan mang dayalogo. Kung tatanggapin nila ako'y hindi ko alam. Natatakot akong maranasan muli ang mamuhay nang mag-isa. Maltratuhin, maliitin at gamiting kasangkapan ng paulit-ulit. Hanggang sa nabalot ng poot ang puso ko. At sa tulong ni Darwin ay nakalaya ako, tila isa akong bagong silang na ibon na hindi makalipad at hindi man lamang nakikita ang ganda ng malawak na himpapawid.
"Narito na tayo," hinawakan ni Darwin ang aking kamay matapos sabihin 'yon saka kami tuluyang bumaba't binayaran niya ang aming pamasahe. Batid kong pinagtitinginan kami ng mga taong naroon mismo sa tapat ng maliit na barong-barong.
Hindi pa man kami nakalalapit ay isang batang babae ang lumabas roon. Kitang-kita ko sa kan'yang mga mata ang pagkagulat habang umiiyak. "Inay!" Rinig kong sigaw niya't mabilis na tumakbo papalapit sa akin. Mainit na yakap ang sinalubong niya habang patuloy sa pag-iyak. Hindi ko mapigilan ang luhang dumaloy sa aking pisngi ng marinig ang kan'yang tinig.
Hindi ko akalain na kilala niya ako.
Ang aking anak.
Na simula ng aking isilang ay hindi ko man lamang nayakap at nahagkan."Inay, s-si Lola, m-matagal ka na po n-niyang hinihintay." Umiiyak na sambit niya. Halos hindi ako makagalaw ng marinig ang sinabi nito. Walong taon kong tinikis ang aking pamilya sa pag-aakalang hindi nila ako minahal dahil anak ako sa labas ng aking ama at matapos ang pagsilang ko sa isang sanggol ay pinalayas ako dahil inakala ni Inay na inagaw ko ang kasintahan ng aking kapatid.
"S-si Lola I-inay, si L-lola." Patuloy sa pag-tungal ang aking anak. Agad na pumaroon ako sa loob ng barong-barong. Doo'y nasilayan ko ang isang maysakit na babae.
Si Inay.
"A-anak Lailanie, pata-patawarin mo ako sa l-lahat ng pag-kukulang ko sa iyo bilang Ina. Noo'y hin-hindi kita t-tanggap bi-lang a-anak da-dahil sa galit. P-patawarin mo sa-sana a-ako," hahapo-hapong aniya sa akin. "S-siya si Ley," turo niya sa batang tinawag akong Inay. "S-siya ang iyong anak. Lagi k-kitang binabanggit sa k-kanya." Muli'y naramdaman ko ang paglandas ng luha sa aking mata. Sabik na sabik na niyakap at hinagkan ko si Inay. Tila nabunutan ako ng tinik ng sandaling iyon. Maging ang aking mga kapatid ay napaluha sa eksenang kanilang nadatnan.
Tama si Darwin.
May tamang panahon para makita ang kahalagahan ko.
At tanging pagpapatawad lamang ang magpapakita ng tunay na pagmamahal. Maging ang pagkakamaling idinulot ng aking nakaraan ay magbubunga ng isang gintong hindi mananakaw ninuman.