Naghintay si Jeth sa ospital at pinilit niyang manatiling gising buong magdamag, hindi lamang para bantayan si Jenny, kundi para na rin abangan ang pagdating ni Maica. Labis labis na ang kanyang pag-alala sa kasintahan dahil hindi pa rin niya ma-contact ito. Nang paumaga na, humingi na siya ng tulong kay Aaliyah at agad siyang umalis ng ospital pagkabalik at pagkabalik ni Polo. Ilang segundo lang ang nakalipas at dumating ang hapong-hapong si Maica sa kwarto ni Jenny. “Hala. Kakaalis lang ni Jeth. Hahanapin ka daw niya.”, sabi ni Polo. “Naku! Mag-cha-charge lang ako, kagabi pa kasi naubusan ng battery ang phone ko.”, sagot naman ng dalaga.
Nagulat na lamang si Maica nang biglang gumalaw ang kamay ng pasyente at inabot ang kanyang kanang braso. Dahil nakakaya na ni Jenny na magsalita ng maayos kahit paunti-unti lang, nagkaroon ng pagkakataong mag-usap ang dalawang dating matalik na magkaibigan para humingi ng tawad sa isa’t isa at ayusin ang kanilang nasirang relasyon. Pero saglit pa lang sila nagkakausap, bigla namang dumatng si Aaliyah para sabihin ang napakaimportanteng balita kay Maica:
“Thank God at nandito ka! Maica, parating na dito sina Atty. Montemayor! Nakasabay ko sila sa pagpasok sa carpark ng ospital at mukhang papunta sila sa kwartong ito para mahanap ka. Kailangan mo nang umalis kaagad at sumakay ng bus papuntang probinsya. Iti-text ko na lang sa ‘yo ang address ng safe house na pansamantalang tutuluyan mo.”
“Ha? Eh, paano ang mga kapatid ko, Aaliyah? Si Jeth?”
“Ako na ang bahala sa kanila. Pupuntahan ka namin doon ‘pag naayos na ang sitwasyon dito.”
“OK. Aasahan ko ‘yan. Basta tandaan ninyo. Anuman ang mangyari sa akin, lubos akong nagpapasalamat at nagkaayos na tayong tatlo... at pakisabi sa mga kapatid ko na mahal na mahal ko sila.”
“Sige, tama na muna ‘yan. Kailangan mo nang umalis, Maica! Bilis!”
Sinunod na lang ni Maica ang sinabi ng kanyang kaibigan at mabilisan niyang nilisan ang lugar. Muntik pa nga niyang makasalubong sina Atty. Montemayor sa hallway pero mabuti na lang at nakapasok siya sa isang kwarto kung saan may napulot siyang uniform ng doktor na may kasamang mask at pang-cover sa buhok. Sa kabutihang palad, tuluyan rin siyang nakaalis sa ospital at agad-agad na tinungo ang sakayan ng bus. Naabutan na lang nina Atty. Montemayor sina Aaliyah at Polo na kausap ang pasyente nang narating nila ang kwartong sinasabing pinupuntahan ni Maica. Hindi na sila pinansin pa ng matanda nang makita nitong wala sa lugar ang kanyang hinahanap.
Bago umalis sina Atty. Montemayor sa kwarto ng pasyente, bigla namang dumating si Jeth sa pag-aakalang maaabutan pa niya si Maica. Gulat man sa naabutang eksena, naintindihan naman niya ang pasimpleng senyas ni Aaliyah na nagsasabing kunwari hindi nila kilala ang hinahanap na dalaga. Kahit si Atty. Montemayor, nagulat rin sa hindi inaasahang pagkikita nila ni Jeth, pero ikinatuwa niya ito dahil mapagpapatuloy niya ang paghikayat sa binata na tanggapin ang kanyang offer.
“Saksak mo na lang ‘yan sa baga mong bulok!”
“Wow naman, Jethro. Huwag naman tayong masyadong mapagpanggap. Alam ko namang gustong gusto mo ito.”
“Patay na ang kilala mong Jeth. Matagal mo na siyang pinatay!”
“Ah, ganun ba? Kung wala na si Jeth, edi ikaw na lang. By the way, kamusta na pala ang application mo kahapon? Sobrang delay yata ang tawag sa ‘yo.”
“Huwag mong sabihing...”
“Jeth, Jeth, Jeth.. Mukhang nakalimutan mo na yata kung ano ang mga kaya kong gawin. Actually, wala naman akong hindi kayang gawin. I’m sure tatanggapin at tatanggapin mo rin itong offer ko. Masyado ka lang pa-hard-to-get.”
“Sinasabi ko na nga ba! Demonyo ka talagang hayop ka!”
“Kalma lang, Boy... Wala ka namang magagawa kapag ako na ang gumalaw para makuha ko ang gusto ko. Sa susunod na Sabado, aasahan ko ang pagpunta mo sa entablado ng studio namin. Doon mo na malalaman lahat ng detalye sa offer ko at doon na rin tayo magco-contract signing.”
Aalma pa sana si Jeth sa mga pinagsasabi ng abogado nang biglang lumapit ito at ibinulong sa kanya “Magaling umakting ang mga kaibigan mo. Pero as what i’ve said, wala akong hindi kayang gawin. Alam ko na ang buong katotohanan, lalong lalo na ang tungkol sa inyo ni Maica. Sa mga sandaling ito, nakasunod na ang mga tauhan ko para hulihin at dalhin siya sa aking resthouse sa probinsya. Mukhang mangyayari na naman ang nangyari dati. Excited ka na ba, Jeth? Sige, mauna na ako. Alam mo na ang dapat mong gawin.”. Hindi na nakasagot ang binata dahil bumalik na naman sa kanyang alaala ang nangyari sa kanyang dating kasintahang si Sheena.
Pagkaalis ng matandang VIP, sinabi ni Jeth kina Aaliyah ang binulong sa kanya ni Atty. Montemayor. Sakto naman ang pagdating ni Eliseo kaya agad niya ring nalaman ang tungkol sa nangyaring eksena. Pero sa kasamaang-palad, nakalimutan palang kunin ni Maica ang naka-charge na phone niya sa outlet na malapit sa kama ng pasyente. Nagulat na lamang sila nang mapansin ito ni Jenny at tinanong sa kanila kung kaninong phone ang tumutunog. Dahil wala silang ibang paraan para makausap si Maica, napilitan si Jeth na agad-agad umalis para sundan ang kanyang kasintahan. Sumama naman sa kanya si Eliseo at pati na rin si Aaliyah na nag-alok ng kanyang kotse na sasakyan nila papunta sa posibleng kinaroroonan ni Maica.
Dahil sa sobrang antok, hindi namalayan ni Jeth na nakatulog siya habang nasa mahabang biyahe. Napanaginipan na naman niya ang tungkol sa nangyari noong huling pagtunton niya sa entablado ng “The Quest for the Super Rockstar”. Muli na naman siyang ginambala ng bangungot ng kanyang nakaraan kaya nagising siyang bumubuhos ang luha at nagsisigaw ng “Hindi! Hindi! Hindiiiii!!!!”. Agad na hininto naman ni Aaliyah ang kotse dahil nagkataon namang napadaan sila sa isang gasoline station. Habang nagpapa-gas, ikinwento ni Jeth sa mga kasama na napanaginipan na naman niya ang nangyari dati sa pagitan nila ni Atty. Montemayor.
“Sariwa pa sa aking alaala ang kahayupang ginawa ng matandang iyon! Pero ang hindi ko lang maintindihan ay kung bakit this time, hindi na mukha ni Sheena ang nakikita ko sa parehong mga eksenang pabalik-balik sa mga panaginip ko. Si Maica na ang nakikita kong duguan matapos tumamo ng bala galing sa baril ng hayop na ‘yon!”, emosyonal na pagkwento ni Jeth na nagpabahala rin kina Aaliyah at Eliseo.
(Next Chapter: Alinlangan)
BINABASA MO ANG
Detour
ActionSi Jeth, isang binatang patapon ang buhay sa mata ng lahat. Kinalimutan na niya ang dating siya matapos ang sunod-sunod na trahedyang nangyari sa kanyang buhay. Sa ngayon, nabubuhay siya sa dilim - sa mundo ng galit at poot, sa mundo ng mga bisyo at...