Chapter 11: Bala

66 7 0
                                    

“Walang hiya ang hayop na iyon! Narinig ni Sheena na balak pa rin niya akong ilaglag sa contest kaya sinugod siya ng mahal ko. Pinakiusapan pa nga niya ang matandang demonyo na ‘yon nang magmatigas ito na bawiin ang sinabi sa mga pekeng judge ng contest. Nang hindi pa rin nadala sa pakiusap, nagwala na si Sheena at pinagsasampal ang damuhong iyon. Dahil sa ginawa ng kasintahan ko, napilitan si Montemayor na ilabas ang kanyang baril at ipinutok ito kay Sheena. Isang bala lang at patay agad ang pinakamamahal kong babae! Wala siyang awa! Walang konsensya ang satanas na iyon!

Hindi na ulit tumawag si Tatay kaya hindi ko na muna inintindi kung bakit siya tumatawag bago nagsimula ang contest. Agad kong pinuntahan ang kinaroroonan ng pumatay kay Sheena pero hinarangan ako ng apat na malalaking bodyguard niya at kinaladkad ako palabas ng TV station. Dahil wala akong ideya kung saan niya pinatay si Sheena, naisipan kong sundan ang kotse niya nang pauwi na siya ng kanyang condo. Natunton ko din ang lugar na iyon pero hindi ko mahanap ang bangkay ng mahal ko. Nang makita ko ang pontyo pilatong matanda, hindi na ako nakapagpigil at sinugod ko siya. Napatay ko na sana siya ng sakal pero biglang may mga dumating na bodyguard. Dalawa sa kanila ay hinawakan ang magkabila kong kamay kaya hindi ako nakapalag habang salitang binubugbog ako ng dalawa pang malalaking mama.

Nawalan ako ng malay, duguan at puno ng pasa ang mukha. Nasa kulungan na ako nang nagising ako sumunod na araw. Tiyempo namang dumating si Atty. Montemayor at nakita akong halos paralisado pero pinipilit ko pa ring bumangon mula sa malamig na sahig ng presinto. Tuwang tuwa ang demonyo sa kalunos-lunos na sitwasyon ko. Sana daw magsilbing leksyon sa akin iyon dahil kapag inulit ko pa ang ginawa ko, ang mga magulang ko naman ang isusunod niya. Nang makaalis na siya, agad kong nilabas ang cellphone ko para matawagan ang mga magulang ko. Wala akong kaalam-alam na may isa pa palang masamang balita ang naghihintay sa akin.

Hindi ko ma-contact si Tatay kaya nag-alala ako. Nang makapiyansa ako sa tulong ng mga churchmates ko, agad akong bumiyahe papuntang probinsya namin para makausap nang personal ang aking mga magulang. Sarado at walang tao pagdating ko sa bahay namin.  Narinig ni Aling Perla sa kabilang bahay ang malalakas at sunod-sunod kong pagkatok kaya nilapitan niya ako para sabihing sinugod sa ospital si Nanay at nandoon para magbantay si Tatay. Agad kong pinuntahan ang sinasabing hospital room ng kapitbahay namin. Pero walang tao sa kwartong iyon. Wala si Nanay, wala din si Tatay.

Maya-maya, napansin ako ng isang nurse at nang malaman niyang anak ako ng dating pasyente sa room na iyon, ikinwento niya sa akin ang masalimuot na nangyari sa aking mga magulang. Nasagasaan pala si Nanay at dead-on-arrival kaya wala nang nagawa ang mga doktor. Sinubukan akong tawagan ni Tatay para sa balitang iyon pero hindi ko nasagot kahit isa sa bente unong tawag niya sa akin. Dahil sa tindi ng paghinagpis ng aking ama, bumigay na rin ang puso niya at kakapasok lang sa kanya sa operating room nang dumating ako sa ospital. Hindi ko alam kung ano ang gagawin. Magkasunod na nawala sina Sheena at Nanay. Tapos, si Tatay nasa kritikal na kondisyon pa. Nagdasal ako at halos lumuha na ako ng dugo sa pakikiusap sa tilang natutulog na Diyos. Sa kasamaang palad, sunod na ring binawi niya sa akin si Tatay.

Ganun-ganon na lang ‘yon. Sa isang iglap, nawala ang tatlong pinakamahalagang tao sa aking buhay. Kahit anong gawin ko, wala akong makitang dahilan para gawin sa akin ng Diyos na kunin ang buhay nila nang halos sabay-sabay. Kung kelan ako nagdesisyong lumakad kasama Siya, saka pa niya ako pinarusahan nang ganito katindi. Kahit sinong tao mababaliw sa ganitong sitwasyon. Mula noon, hindi na ako nagpakita pa sa mga churchmates ko at tuluyan ko nang tinalikuran ang pagiging isang kristiyano.

Binenta ko ang aming bahay at iba pang mga ari-arian pati na ang cellphone ko para mabayaran ang mga hospital bills at iba pang utang ng mga magulang ko dahil sa pagpapagamot ni Tatay. Mabuti nga lang at lahat sila tinanggap na lang ang nakayanan kong pambayad. Pagkatapos noon, nagdesisyon akong bumalik sa syudad kahit hindi ko alam kung ano ang gagawin ko sa walang kwentang buhay ko. Nagpagala-gala ako sa mga kalye at gabi-gabi akong nagpapakalasing, natutulog sa motel kasama ang iba-ibang bayarang babae, at unti-unting nalulong sa pinagbabawal na gamot.

Isang araw, nagka-raid sa hideout ng mga pusher at nagkataong nandoon ako kaya kasama ako sa mga kinaladkad ng mga pulis papuntang kulungan. Narehab ako nang ilang buwan hanggang nakilala ko si Mrs. Villaluz. Hinatid niya lang doon ang isang nene na kunwari ay kukuning katulong ng tagapamahala sa center. Ewan kung ano ang pumasok sa isip ko at kinindatan ko ang matandang manager ng Happy Nights. Dahil doon, kinausap niya ako at inalok ng trabaho. Wala talaga ako sa sarili ko noon kaya hindi ko rin alam kung bakit ko tinanggap ang kanyang offer. Siguro naisip ko na wala na talaga akong bala kaya kailangan ko ng kahit sinong makakapitan paglabas ko ng rehab.”

Natigil ang usapan ng dalawa nang lumapit sa table nila si Mrs. Villaluz at pinapaalala sa kanila na silang dalawa na lang ang natitira sa loob ng Happy Nights na kakasara lamang. Halata namang gusto lang putulin ng matandang ale ang usapan ng magkasintahan dahil sa kanyang inggit. “Hayaan niyo na ho madam. Hindi ko uubusin ang lalaking ito. Titirhan ko po kayo. Hihihi.”, biro ni Maica bago sila tuluyang lumipat sa tinutulugan ni Jeth. “Nek-nek mo! Sa ‘yong sa ‘yo na ang lalaking iyan... Eh ang totoo nga niyan, natutuwa ako sa inyong dalawa... Oo, naiinggit ako. Pero mas gugustuhin kong magkatuluyan kayong dalawa dahil alam kong pareho kayong mabubuting tao at lalong mapapabuti kayo sa piling ng isa’t isa.”, pahabol na sagot ng ale bago tumalikod ang magkasintahan.

Magkasamang natulog sina Jeth at Maica na para bang ganap na mag-asawa. Napagkasunduan nilang itutuloy nila ang pag-uusap kinaumagahan. Walang nangyari sa kanila pero kitang kita sa kanilang pagyayakapan ang pagmamahalan sa isa’t isa hanggang sa sumabog na ang liwanag na nanggagaling sa maliit na bintana sa tulugang iyon.

(Next Chapter: Bulong)

DetourTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon