Alam ni Jenny na may pinag-usapan sina Jeth at Atty. Montemayor na ayaw ipaalam sa kanya. Pero hindi na muna niya ito inintindi dahil ang mas mahalaga sa ngayon ay mapagplanuhan nila ang pakikipag-ugnayan kay Mitch. Sakto naman ang pag-uusap ng mag-partner at tumawag si Aaliyah habang walang mga galamay ng kanilang big boss ang nasa paligid.
“Jenny, nakausap na namin si Mitch. Medyo nahirapan lang kaming tyumempo dahil maraming bantay na nakapaligid sa kanya.”
“Oo nga, Aaliyah. Tumawag nga siya kay Jeth at sinabing kinausap niyo raw siya.”
“Heto ang napakalaking rebelasyong nakuha namin sa pag-uusap namin ni Mitch. Isa pala siyang dating desperadong aspiring singer. Napakagaling niyang kumanta at total performer pa siya pero kahit anong pagpapakitang gilas niya at kahit hindi siya nauubusan ng lakas na loob na mag-submit ng demo CDs niya, paulit-ulit pa rin siyang nare-reject ng recording company ni Atty. Montemayor. Hindi daw kasi mabebenta ang itsura niya.”
“Hindi ko ma-gets. Maganda naman ang itsura at katawan ni Mitch ah.”
“Ngayon, oo... pero hindi noon.”
“So ang ibig mong sabihin, pinaretoke lang ang mukha ni Mitch at pinasadya pang gawin siyang kamukha ni Maica?”
“Exactly! At hindi lang ‘yun. Balak talaga ipapatay ni Atty. Montemayor si Maica nang malaman niyang kasabwat pala siya ni Jeth. Pero kasabay nun, kumuha na siya kaagad ng isang taong pwede niyang gawing kapalit ni Maica para gamitin niya sa pag-ipit kay Jeth na tanggapin ang ino-offer sa kanya.”
“Ha??? Pero papaano naman niya nakumbinsi si Mitch na sundin ang kanyang masamang balak laban kay Jeth?”
“Siyempre, tuso talaga mag-isip ang matandang iyon. Kahit pangarap ni Mitch na sumikat at gumanda, labag pa rin sa kanyang loob ang mga pinapagawa sa kanya ni Montemayor. Nang maisipan niyang gawing kamukha ni Maica si Mitch, inalam niya kaagad kung saan matatagpuan ang mga mahal sa buhay ng dalaga at pinagbantaan siyang isa isang papatayin ang mga taong iyon kapag hindi siya sumunod sa mga ipapagawa sa kanya. Ang sabi pa nga niya sa akin, madalas ay ginagawa rin siyang parang sex slave sa tuwing nalalasing at naiisip ni Montemayor si Maica.”
“Napakasama talaga ng demonyong iyon! ‘Di bale, pupunta na rin kami diyan next week. Naisip naming mas makakabuti kung diyan na tayo magkita. Mahihintay niyo ba kami diyan?”
“Pasensya na, hindi kami pwedeng magtagal dito. Walang kasama ang mga bata sa bahay... Pero pwede naman kaming bumalik next week para dito na tayo magkita.”
“Sige, Aaliyah... pero make sure na pag-uwi niyo, hindi kayo masusundan ng kahit sino man sa mga tauhan ni Montemayor.”Pagkatapos magkasundo nina Jenny at Aaliyah sa eksaktong lugar at oras ng pagkikita, inaya ni Jenny sina Polo at Jeth na mag-coffee para doon ikwento ang napag-usapan nila ng kanyang kaibigang pulis. Lalong nanggigil ang binatang rockstar sa kanyang natuklasan at hindi niya namalayang nabitawan na niya ang kanina pang hawak-hawak niyang nilamukos na piraso ng papel. Dinampot iyon ni Jenny at napansin niyang nakasulat doon ang pangalan ni Maica kaya habang nakasubsob ang mukha ng binata sa mesa at hawak-hawak ang buhok nito, dahan-dahan niyang binuklat at binasa ang sulat ng kanyang kaibigan.
Hindi nakapagpigil si Jenny at bumuhos ang kanyang luha nang mabasa ang kahuli-hulihang mensahe ni Maica para kay Jeth. Hindi niya lubos akalain na siya pa ang naisip ng kanyang dating bestfriend na pagkatiwalaan ng pinakamahalagang bagay na meron siya kung sakali man may mangyaring masama sa kanya. Kung dati si Jenny ang nagpaubaya nang nagkasamaan sila ng loob nang dahil lamang sa isang lalaki, ngayon naman si Maica na ang nagpapaubaya sa pag-ibig ng kanyang nobyong si Jeth. Dahil sa tila namamaalam na sulat ng kaibigan, biglang nakaramdam si Jenny ng matinding pag-aalala na baka nga matagal nang napahamak ito.
“Huwag kang mag-alala, Jenny. Kung nasaan man si Maica ngayon, alam kong masaya siyang makitang naaabot mo na ang matagal mong pangarap sa buhay. Bukod pa diyan, sigurado akong matutuwa siya kapag nalaman niyang nakahanap ka na rin sa wakas ng taong tunay mong mamahalin.”, pampalubag-loob ni Polo sa kaibigang singer sa pag-aakalang hindi ito naintindihan ni Jeth. Pinilit ni Jenny na pigilan ang pagtubig ng kanyang mga mata pero nagawa niya lang ito nang iniahon ng kaharap niyang lalaki ang mukha nito mula sa pagkakayuko sa mesa.
No comment si Jeth at nagkunwari siyang walang narinig dahil hanggang sa puntong ito, hindi pa rin niya maisip palitan sa puso niya si Maica. Ayaw niyang bitawan ang kakarampot niyang pag-asang magkikita pa sila ulit ng kanyang mahal na girlfriend, hindi dahil sigurado siyang si Maica ang itinakda para sa kanya, kundi dahil hindi niya alam kung paano magsimulang muli nang wala na ang tanging taong totoong nakiramay sa kanya noong nasa pinakamadalim na mga sandali siya ng kanyang buhay. At isa pa, iniisip niyang masyadong mabait at malinis si Jenny para sa isang kagaya niyang minsan nang naging patapon ang buhay.
Pagkatapos ng halos kalahating oras ng nakakabinging katahimikan sa pagitan ng tatlo, nagawa rin ni Jenny na magsalita ulit. Nagkunwari naman si Polo na kailangan niyang mag-CR para lang mabigyan ng pagkakataon ang mga kasama niyang mag-usap nang sila lang dalawa.
“Nakakainis naman itong si Maica. Nanganganib na nga ang buhay niya, nakuha pa niyang magbiro nang ganito.”
“Nabasa mo na rin pala. Huwag kang mag-alala, Jenny. Hindi ko naman sineryoso ang biro niyang iyon.”
“Alam ko naman, Jeth eh. Iyon nga lang, lalo akong nag-alala nang mabasa ko ang sulat na ‘yan. Kung nakaligtas man siya sa aksidente, napakalaki naman ng chance na nahulog siya sa kamay ni Atty. Montemayor.”
“Ako din. Malakas ang kutob kong may kinalaman ang hinayupak na iyon sa pagkawala ni Maica dahil kung hindi man, gagawa at gagawa siya ng paraan para makapagpadala sa atin ng kahit anumang mensahe.”
“Kaya naisip kong oras na para mas bilisan pa natin ang pagkilos sa tulong nina Aaliyah at Eliseo. Lakasan lang natin ang ating pananampalataya dahil hinding hindi hahayaan ni God na habangbuhay magwawagi ang kasamaan.”Dahil sa huling nasambit ni Jenny, napakalma si Jeth kahit todo-kontra ang kanyang isipang pakinggan ang kahit anumang ay kinalaman sa Diyos. Gumaan din ang loob ng dalaga nang makitang bahagyang nabawasan ang pagkabalisa sa mukha ng binatang nasa harapan niya.
(Next Chapter: Hakbang)
BINABASA MO ANG
Detour
ActionSi Jeth, isang binatang patapon ang buhay sa mata ng lahat. Kinalimutan na niya ang dating siya matapos ang sunod-sunod na trahedyang nangyari sa kanyang buhay. Sa ngayon, nabubuhay siya sa dilim - sa mundo ng galit at poot, sa mundo ng mga bisyo at...