Natapos ding i-record nina Jeth at Jenny ang pinagawa sa kanilang campaign jingle ni Atty. Montemayor pero hanggang ngayon, wala pa ring kaalam-alam ang matanda na may mga nakatagong kontrobersyal na mensahe sa likod ng mga lyrics ng nagawang kanta. Kagaya ng napag-usapan, agad na bumyahe papuntang Sitio Berde ang mag-singing partner kasama si Mrs. Villaluz at ang buong Tono Band para kunwari ay gagawa ng music video. Ganun din sina Eliseo at Aaliyah na siguro munang nasa mabuting kalagayan ang mga bata bago nila nilisan ang pinagtataguang condo unit sa isang malayong syudad.
“Hello, Aaliyah. Parating na kami sa lugar. Tyumempo lang akong walang bantay ngayon kaya nakatawag ako sa ‘yo. Basta huwag na huwag niyong ipaalam ang tunay niyong katauhan sa kahit sinong tao. Isa pa, hindi niyo kami makikilala kaagad dahil magdi-disguise kami para makalusot sa mga bantay ni Montemayor. Hintayin niyo na lang na sabihin namin ang eksaktong password na ‘ROMANS CHAPTER 6 VERSE 23’ bago kayo umaming kayo sina Eliseo at Aaliyah. Kapag tinawag kayo sa pangalan ninyo na wala ang password, magpalusot kayo at pasimple kayong umalis, saka niyo gawin ang lahat para makalayo sa taong iyon. Nasa Heralds Cafe na kami around 12 noon at kami na ang bahalang mag-approach sa inyo.”, mabilis na habilin ni Jenny bago niya tinago ang kanyang secret sim card.
Nang makarating na sa napag-usapang lugar, agad na hinanap nina Jeth at Jenny ang mga sinabing palatandaan ng mga taong tatagpuin nila. Pasimple lang sila sa kanilang mga kilos na parang namamasyal lang sila sa lugar dahil alam nilang nasa kanila ang mga mata ng mga pinadalang bantay ng kanilang big boss. Maya-maya, may nakita rin silang isang babaeng may suot na pulang shades at orange na handbag, kasama ang isang lalaking mahaba ang buhok at naka-blue na camouflage shirt.
Gumawa ng paraan sina Jeth para mawala sa kanila ang atensyon ng mga bantay. Mabuti na lang at may pila sa counter para sa free sample ng bagong variant ng espresso. “Sige, pila muna kayo at i-enjoy niyo ang free coffee niyo. Minsan lang tayo makapunta dito kaya sulitin niyo na ‘yan. Tingin-tingin lang kami sa mga katabing stores.”, pasimpleng pang-eengganyo ni Jeth para pansamantala silang tigilan ng mga mamang naka-barong. Sinamahan pa nina Mrs. Villaluz, Gary, at Polo ang mga bantay sa kanilang pagpila at pagpapahinga sa cafe. Hindi pa man sila nakapagsimulang magkape, inaya na nila ang mga kasamang mag-lunch sa katabing buffet restaurant at walang kamalay-malay namang kumagat sa patibong ang mga ito.
Nakalusot din ang mag-partner kaya agad-agad silang pumunta ng CR para makapagbihis at ibahin ang kanilang pagkatao bago nila dahang-dahang in-approach ang mga nagtatagong kaibigan. “ROMANS... CHAPTER 6... VERSE 23”, mahinang bati ni Jenny sa nilapitang couple. Isang mabilis na kindat ang naging sagot ni Eliseo at nagkaintindihan na sila sa kanilang mga susunod na hakbang. Sumakay sila sa isang nag-aabang na rental car at mabilis nilang tinungo ang isang Christian church kung saan may mga grupo-grupong nagpupulong.
“Sa wakas, nagkita-kita rin tayo ulit!”, masiglang simula ni Jenny sa usapan. “Grabe! Sino ba naman ang nakapag-isip na kayong dalawa pala ang magkakatuluyan? Akalain mo, isang nerd na reporter at isang madaldal na pulis, pwede palang magka-inlaban?”, bati naman ni Jeth at natawa lang ang kanilang mga kaibigan. “Well... Iba talaga kapag si Lord ang nagplano.”, sagot ni Aaliyah. “And speaking of plano, let’s thank God dahil patuloy Niya tayong ginagabayan sa misyong ito.”, singit ni Eliseo at marami pa sana siyang sasabihin pero nagpigil siya dahil naalala niyang hindi pa handang magbalik-loob ang kanyang matalik na kaibigan. Tuloy-tuloy ang naging pag-uusap nila at pagbibigayan ng kopya ng mga kakailanganing files para sa kanilang malaking pasabog sa parating na eleksyon. Pagkatapos magkasundo sa mga susunod nilang aksyon, nagkaroon ng pagkakataon sina Jenny at Aaliyah na mag-usap nang masinsinan.
“Kamusta naman kayo ni Jeth?”
“Iyon... Sa tingin ng mga tao, nakamit na namin ang tagumpay na pinakapinapangarap ng marami. Pero ang totoo niyan, pare-pareho lang kaming hawak sa leeg ni Montemayor.”
“Alam kong alam mo na hindi iyan ang ibig sabihin ng tanong ko.”
“Ha? Hindi kita ma-gets, Aaliyah.”
“OK. Panahon na para malaman mo ang mga hinabilin sa akin noon ni Maica. Lahat naman tayo pinagdadasal na hindi siya talaga kasama sa aksidente at balang araw ay magpapakita siya ulit sa atin. Pero alam mo bang matagal nang pinaghandaan ng bestfriend natin ang posibleng paghihiwalay ng landas nila ni Jeth?”
“Naku, pati ba naman ikaw, naniniwala sa biro niyang iyon?”
“Ikaw talaga Jenny... Masyado ka pa ring pa-humble effect hanggang ngayon. Ang totoo niyan, matapos aminin ni Maica ang kanyang sitwasyon noon sa Happy Nights at ang kanyang mga naumpisahang hakbang laban kay Montemayor, inamin niya sa akin na kinausap daw siya ni Lord at sinabing aalagaan daw niya si Jeth hanggang sa huling hininga niya, hindi para sa kanyang sarili, kundi para sa ‘yo.”
“Hi... hin... di... kita... maintin... dihan.”
“Basta ito lang ang tandaan mo and i’m sure alam mo ito. Hindi aksidente na kayong dalawa ni Jeth ang naging major singers ng network ni Montemayor.”Habang hinahayaang magkausp ang dalawang babae, pinag-usapan naman nina Jeth at Eliseo ang tungkol kay Maica. Sa umpisa, mukhang ayaw pang ilabas ng binatang rockstar ang kanyang pangungulila sa nawawalang kasintahan, pero hindi rin nagtagal at nai-open rin niya sa kaibigan ang kanyang pinagdaraanang emosyonal.
“Hindi ko talaga maintindihan. Kung nakikinig ang Diyos sa akin at kung totoong mapagmahal Siya, bakit Niya hinahayaang maging miserable ang buhay ng ilang mabubuting tao?”
“Bro, tandaan mong si God lang ang may kapangyarihan at karapatang magtakda ng buhay na nararapat sa atin, pero kahit ganun pa man, binigyan Niya tayo ng free will para sa puso natin manggagaling ang desisyon kung susundin natin o hindi ang Kanyang kagustuhan para sa buhay natin. Ganyan Niya tayo kamahal.”
“Eh paano naman si Maica? Si Sheena? Bakit kailangan pa nilang magbuwis ng buhay nang dahil lang sa kademonyohan ni Montemayor?”
“Ako man ay nalulungkot sa nangyari sa kanila at kung ako lang ang masusunod, hindi ko hahayaang may ibang tao pang magbubuwis ng buhay para sa akin. Pero alam mo, marahil silang dalawa ang naging instrumento para i-remind ka sa unconditional love ni God na minsan na Niyang pinakita nang isinakripisyo Niya ang Kanyang sariling anak sa krus.”Napaluha na lang si Jeth sa bagay na tinulungan siya ni Eliseo na ma-realize. Sa kaloob-looban niya, may naramdaman siyang di-mapaliwanag na pagkagaan ng kanyang loob na para bang may binitawan siyang napakabigat na bagahe. Samantala, isang oras matapos silang apat nagkita-kita, dumating na rin ang taong inaasahan nilang magpapakita sa kanilang meeting place.
(Next Chapter:Buhangin)
BINABASA MO ANG
Detour
ActionSi Jeth, isang binatang patapon ang buhay sa mata ng lahat. Kinalimutan na niya ang dating siya matapos ang sunod-sunod na trahedyang nangyari sa kanyang buhay. Sa ngayon, nabubuhay siya sa dilim - sa mundo ng galit at poot, sa mundo ng mga bisyo at...