Chapter 6: Tono

86 8 0
                                    

"Hindi yata naging maganda ang lakad mo.", bati ni Jeth sa nagmamadaling showgirl. Walang sagot na narinig ang binata kaya naisipan niyang sundan si Maica. Dali-daling nagbihis ang babae pero hindi pa rin niya tinatanggal ang kanyang suot na shades. Maya-maya pa, hindi na nakatiis si Jeth at bigla niyang hinablot ang pantakip ni Maica sa kanyang mga namamagang mata. "Ano ba, Jeth?! 'Wag ngayon, please!", agad na sigaw niya sa nangungulit na binata. Natahimik at napatingin sa kanila lahat ng mga babaeng nagbibihis at nag-aayos sa dressing room. Wala nang salita salita, nag-walk out na lang si Jeth.

Ayaw mang aminin ni Jeth sa sarili, nakaramdam siya ng matinding pag-aalala sa babaeng naging malapit sa kanya sa nakalipas na dalawang taon. Hindi siya mapakali pero ayaw niyang makita ng ibang tao ang kanyang tunay na nararamdaman. Naging mabait si Maica sa kanya. Bukod sa pagiging kaeksena niya sa dilim kung minsan, ang babaeng 'yon ay ang tanging tao na nagpakita ng totoong pagmalasakit sa kanya mula nang mapadpad siya sa hawla ng Happy Nights. Matagal nang hindi nakitaan si Jeth ng kahit anong emosyon, maliban sa pagiging mainit ang ulo. Sa pagkakataong ito, hirap na hirap na siyang pigilan ang sarili kaya minabuti na lang niya na magtago para walang makakapansin sa kanyang di-mapaliwanag na pagkabahala.

Kinaumagahan, maaga pang bumangon ang gwapitong warehouseman. Hindi siya nakatulog dahil sa magdamag na pag-aalala. Agad-agad siyang nag-ayos ng sarili para sa isang mahalagang lakad. Pagkalipas ng halos kalahating oras, nasa labas na siya ng isang apartment unit na dalawang liko lang mula sa kanyang pinagtatrabahuhang night club. "Uy, himala! Anong nakain mo at napasyal ka dito? May session ba tayo ngayon, mahal? Masyadong maaga pa yata para diyan.", sabi ni Maica pagkabukas niya ng pinto at pagkakita niya sa di-inaasahang bisita. Napatitig lang ang binata sa kanyang kaharap na magdalena.

"Ayan ka na naman. Pupunta ka dito tapos dededmahin mo lang ang mga sinasabi ko. Bakit ka nga ba naparito?", dagdag na linya ni Maica pagkatapos ng lagpas tatlong minuto na titigan sa pagitan nilang dalawa. Sa kaloob-looban niya, gustong gusto niyang yakapin si Jeth at ilabas ang kanyang dinaramdam. Pero pinanindigan niya ang pagiging mataray na parang walang nangyari noong nakaraang gabi. Alam niyang nakita ni Jeth ang pamamaga ng kanyang mga mata dahil sa kakaiyak niya. Alam din niyang kahit papaano ay naapektuhan ang binata sa inasal niya kagabi. Pero nanaig sa kanya ang pride, lalong lalo na dahil ang kanyang kaharap ay kilala bilang isang lalaking walang emosyon, walang pakialam sa damdamin ng iba.

Sa di-malamang dahilan, napangiti si Jeth at ikinagulat ito ni Maica. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakita niyang ngumiti ang lalaking talong taon nang namumuhay sa dilim. "Mabuti naman at okay ka na.", pagkasabi at pagkasabi nito ni Jeth, agad siyang tumalikod at umalis sa lugar na iyon. Hindi nakasagot si Maica. Natulala siya pagkarinig sa mga nakakapanibagong salita mula sa kanyang babaerong kasintahan-kuno. Ngayon lang siya nakaramdam ng kahit konting pag-aalala mula sa isang katrabaho niya. Dahil dito, bahagyang gumaan ang kanyng pakiramdam at nagkaroon siya ng lakas ng loob para lalo pang pagbutihin ang kanyang pag-review para sa nalalapit nilang finals exam.

Tumuloy na si Jeth sa kanyang trabaho sa bodega. Sa unang tingin, mukhang kagaya pa rin siya ng dati. Hindi siya umiimik at hindi nagpapatinag sa kahit anong subok ng ninuman na makipagbiruan sa kanya. Pero may isang kakaiba sa itsura niya ngayon. Wala na ang lukot sa kanyang noo at hindi na halos nagsasalubong ang dalawa niyang kilay. Gusto man siyang punahin ng kanyang mga katrabaho, hindi nila magawa dahil alam nilang madali siyang magalit kapag naiisturbo sa kanyang ginagawa. Tuloy, nanatili na lang usap-usapan sa kanila ang napansing pagbabago sa gwapitong warehouseman.

Isa't kalahating oras na lang at magbubukas na ang Happy Nights. Okay na ang band setup. Kasalukuyang nagre-rehearse ang Tono nang biglang may nangyari sa bokalista nilang si Jenny. Na-overfatigue siya, dala ng kaliwa't kanang mga raket. Agad siyang isinakay sa taxi para madala sa pinakamalapit na ospital. Napagpasyahan ng mga band members na si Polo, ang lalaking bokalista, na lang ang magdadala kay Jenny dahil pwede namang instrumental muna ang performance nila ngayong gabi at nandiyan naman ang lead guitarist nilang si Gary para kumanta ng ilang piyesa nila. Para hindi mainip ang mga tao, naisip nilang sa bawat kanta nila, pipili sila ng isa sa mga audience para mag-request ng kantang tutugtugin ng banda at kakantahin niya.

May naisip na magandang ideya si Jeth. Bago mag-umpisa ang performance ng banda, nilapitan niya si Gary at may binulong siya. Tumango at ngumiti naman ang pansamantalang bokalista, senyales ng pagsasang-ayon sa gustong mangyari ni Jeth. Hindi kagaya ng nakagawian, isang bote ng alak lang ang kanyang inorder at natagalan pa bago niya inumpisahang inumin ang laman nito. Tahimik pa rin siya habang nanonood sa tumutugtog na banda. Kahit ayaw man niyang aminin at magpahalata, nagustuhan niya ang naging desisyon ni Mrs. Villaluz na magpabanda sa pagbubukas ng Happy Nights hanggang alas onse ng gabi, isang oras bago magsimula ang totoong happy hours na specialty ng night club na ito. Ito ang naging paraan ng ale para mas matakpan ang mga itinatago nitong serbisyo sa dilim.

Malapit nang mag-alas onse at dumating na rin sa wakas si Maica. Agad naman siyang nilapitan ni Jeth para makausap nang biglang magsalita si Gary sa mikropono. "For our last song tonight, we are requesting on stage Happny Nights' very own Mr. Jeth.", sabi ni pansamantalang bokalista. Napatingin si Maica sa gwapitong bodegero. "Diyan ka lang muna.", sabi sa kanya bago umakyat ng stage. Lahat ng nagtatrabaho sa night club na ito ay napatigil sa kani-kanilang gawain. Lahat sila gulat na gulat at gustong makita ng kanilang dalawang mga mata kung ano kaya ang gagawin ng binatang pinaakyat sa stage ng banda. Hayan na, nag-umpisa nang magtugtog ang banda para sa kanilang huling kanta ngayong gabi. Tila tumigil sa paghinga ang mga katrabaho ni Jeth, pati na ang mga babae at mga binabaeng nasa audience na napako ang mga mata sa nakakabighaning itsura at tindig ng binata.

(Next Page: Silaw)

DetourTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon