Chapter 1: Ligaw

633 14 0
                                    

Makukulay at gumagalaw na mga ilaw, nakakakabang tunog ng bass speakers, di-mabilang na mga camera sa iba’t ibang sulok ng studio, at mga naghihiyawang tao sa audience – halu-halo na ang pakiramdam ni Jeth pero nananaig sa kanyang damdamin ang pag-asang hindi siya ang uuwing luhaan sa gabing ito.

Hayan na, mag-aanounce na ang speaker at tila tumigil ang mundo. “Tonight, The Quest for the Super Rockstar says ‘thank you’ to…”. Di na makahinga ang binatang nangangarap na sumikat ang kanyang pangalan, lalo na ang kanyang sariling musika. “Tonight, The Quest for the Super Rockstar says ‘thank you’ to… Jethro Salvacion! I’m sorry Jethro, you have just been eliminated from the competition.”

“Hindiiiiiiiiiiii!!!!!”. Di nakapagpigil si Jeth at buong-lakas niyang naisigaw ang di pagsang-ayon sa sinabi ng announcer. “Hoy! Binabangungot ka na naman. Gising! Tanghali na!”, sabi ng aleng namamahala sa night club kung saan namamasukang warehouse man ang binata. “Pasensya na Madam. Napadami lang ang lamon ko bago ako natulog kagabi.”, dali-daling bumangon ang binata at bahagyang inayos ang sarili.

Paalis na si Jeth para simulan ang mga gawain sa puwesto niya nang hinarang siya ni Mrs. Villaluz para kausapin. “Ano nga ba talagang bumabagabag sa yo? Ilang beses ka nang binabangungot nang ganyan at wala ka nang ibang nababanggit kundi ang matinding ‘Hindi! Hindi! Hindi!’. Aba, nag-aalala na ako sa yo, bata ka!”. Di umimik ang binata at nagpatuloy na sa kanyang pagtungo sa warehouse ng Happy Nights. “Utang na loob Jeth, konting respeto naman! Kung ibang tao lang ako, matagal na kitang nasampal at napalayas!”, pahabol na sigaw ng ale na nagsilbing bagong magulang niya sa nakalipas na tatlong taon.

Medyo madilim ang paligid at may mga lamok na animo’y pinagtatawanan lang ang mahinang buga ng bentilador sa puwesto ni Jeth. Pero di niya ito alintana dahil sa lahat ng oras, kung hindi siya tulala habang nagtatrabaho, ay mainit naman ang ulo niya kapag may mga taong nangungulit na kausapin siya. Tuloy-tuloy lang sa pagtatrabaho ang binatang laging nasa ibang dimension ang isipan. Para siyang pinaghalong zombie at robot dahil tila wala siyang kaemo-emosyon bukod sa pagsimangot.

Kung tutuusin, malaki ang pakinabang ng Happy Nights kay Jeth. Trabaho lang siya nang trabaho sa buong dose oras na pasok niya, at kung wala nang gagawin, hindi siya tumatanggi kapag inuutusan siyang mamalengke, magbayad ng bills, maningil sa mga mangungutang ni Mrs. Villaluz, at  kung anu-ano pang mga trabaho na di-sakop ng kanyang pagiging warehouse stockman. Hindi siya mareklamong tao. Natural lang talaga sa kanya ang pagsimangot kahit na gaano pa kaganda o nakakatawa ang sabihin ng sinuman sa kanya.

Pagdating ng alas-otso ng gabi, malaya na si Jeth. Saka naman magbubukas ang pinto ng night club para sa mga gustong mag-happy happy, sa mga naghahanap ng pansamantalang solusyon sa problema, at sa mga lalaking naghahanap ng konting aliw para mairaos ang lamig ng gabi. Isang tipikal na lisensyadong night club ang Happy Nights. Pero sa paglalim ng gabi, nag-uumpisa na ang mga ‘beyond legal zone’ na eksena sa mga tagong kuwarto sa loob ng lugar na ito. Nakikita lahat to ni Jeth. Isa pa nga siya sa mga mismong suki ng negosyong pinamamahalaan ni Mrs. Villaluz. Kung hindi siya magdamag na nagpapakalasing,  kaliwa’t kanan naman ang nakaka-table niya, na madalas ay nate-takeout niya bago sumabog ang liwanag.

Palaging si Jeth ang unang nakaka-table ng mga baguhan sa night club. Kahit na marami na silang naririnig tungkol sa kanya, nagugulat pa rin sila kapag nakakaharap na nila mismo ito. Tahimik lang siya at walang kaemo-emosyon kahit anong paglalambing ang mga ginagawa nila sa kanya. Kontento na siya sa mga galaw ng malikot niyang kamay na parang sinisigaw ang tanging pakay niya sa mga katabing magdalena. Nakukuha niya sa tingin ang mga nakaka-table niya na para bang nahi-hypnotize sila para sumunod sa gusto niyang mangyari.

Sanay na ang mga tauhan ng Happy Nights sa mga tagpong namumukadkad sa dilim. Bukod sa mga VIP rooms, sa tulugan ng binata sa isang maliit na kuwarto ng stockroom nangyayari ang mga ito halos gabi-gabi. Kadalasan, ang babae ang unang bumabangon at umaalis sa ‘scene of the crime’ habang si Jeth ay malalim ang tulog dahil sa dami ng nainom na alak. “Ayoko pa sanang iwan ka, pero may raket pa ako kaya go na muna ako”, ito ang madalas na farewell line ng mga magdalenang nabibihag niya.

Siyempre, kailangan ding kumita ng mga babaeng nakakaeksena niya sa kuwarto kaya hangga’t may mga lalaking may makapal na pitaka na naglalasing sa night club, doon muna sila makikipaglandian. Kapag may extra time na lang sila magpapabitag ulit sa gwapitong warehouse stockman. Dahil halos dalawang dosena silang babae ang nag-aagawan sa mga customers ng night club, madalas may iilan sa kanila ang nababakante kaya hindi nawawalan ng kaeksena ang binatang subsob na sa kamunduhan.

“Wag na nating pag-usapan yan. Sayang ang gabi. I-enjoy na lang natin.”, ito naman ang ‘signature’ line ni Jeth sa mga babaeng gustong mag-usisa ng personal na buhay niya. Walang nakakakilala sa kanya. Wala din namang makukuhang matinong sagot ang mga nagtatanong sa kanya. Sa tingin ng lahat, patapon na ang buhay niya – walang direkson, walang kabuluhan. Kahit nga siya mismo, ganun ang tingin sa sarili. Para sa kanya, isang malaking kalokohan ang isiping may magandang bukas pa ang naghihintay sa mga tulad niyang pinagkaitan ng tadhana.

Isang gabi habang nasa kalaliman ng paglalasing si Jeth, biglang may pumasok na mamang mukhang VIP na ngayon pa lang napadpad sa Happy Nights. “Isang bucket nga tsaka yung specialty pulutan niyo.”, order ng lalaki sa waiter habang maangas na kinikilatis ng tingin ang paligid. Biglang nawala ang kalasingan ni Jeth, nandilim ang paningin niya, at lubhang nanggigil na napisa pa niya ang bote ng alak na iniinom niya. Kilala niya ang taong ito at isang bagay lang ang tumatakbo sa isipan niya sa mga sandaling ito – basagin ng suntok ang mukha ng VIP na yon.

_________________________________________________________________________________

Next Chapter: Guho

Please feel free to give your comments and suggestions. Kindly vote also if you liked the story.

For updates and other interesting posts, please visit

and LIKE: https://www.facebook.com/akunideisyusero

_________________________________________________________________________________

DetourTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon