Napilitan na lang sumakay si Maica ng kahit anong provincial bus para makalayo kaagad sa lugar. Hindi na kasi niya pwedeng balikan ang kanyang phone sa ospital at wala siyang idea kung saan ang sinasabing safe house ni Aaliyah. Mabilis ang takbo ng bus na sinasakyan niya kaya sa kasamaang palad, habang nasa pang-apat na oras ng mahabang pagbiyahe, biglang nawalan ng control ang driver ng bus nang tinatahak nito ang isang matinding liko. Dumiretso ang bus sa gilid ng kalsada at bumangga ito sa isang malaking puno. Halos lahat ng mga pasahero ay namatay sa aksidente at nang magkamalay ang nakaligtas na driver, agad-agad siyang naghanap ng iba pang survivors dahil anumang oras ay sasabog ang bus dulot ng matinding pagkakabangga nito.
Saka naman naabutan ng mga tauhan ni Atty. Montemayor ang sinakyang bus ni Maica nang sumabog na ito. “Sa tindi ba naman ng pagkakasabog ng bus na ‘yan, siguradong kasama na ang babaeng pinapatugis ni Boss.”, sabi ng isa sa kanila. Dahil wala silang makitang mga taong nasa paligid na maaaring nanggaling sa nadisgrasyang bus, naniniwala silang walang nakaligtas sa aksidente at dali-dali nila itong ibinalita sa kanilang amo. “Siguraduhi niyo ang sinasabi niyong ‘yan! Huwag kayong umalis diyan hanggang hindi kayo nakakahanap ng sapat na ebidensya na magsasabing patay na nga si Maica!”, ito ang utos sa kanila ni Atty. Montemayor.
Samantala, papaalis na sina Jeth sa tinigilang gasoline station nang mapanood nila sa TV ng katabing convenience store ang breaking news tungkol sa nadisgrasyang bus. Dineklara ng balita na walang nakaligtas sa nangyaring aksidente at kitang kita ng binata ang halos tuluyang nasunog na maleta ng kanyang kasintahan sa pinapakitang video footage ng balita. “Hindi! Hindi ito maaari! Buhay pa si Maica... Hindi siya maaaring mamatay!”, walang pag-alinlangang paniniwala ni Jeth. “Sana nga tama ka, Jeth. Ang mabuti pa, tayo na. Malapit na tayo sa lugar na ‘yun.”, sagot naman ni Aaliyah. “Bro, huwag kang mag-alala. Kung anuman ang mangyayari, siguradong may mabuting dahilan si Lord at parte ito ng plano niya para sa inyo ni Maica.”, pampalubag-loob pa ni Eliseo habang pumapasok na sila ng kotse.
Palakas nang palakas ang kaba at pag-alala ni Jeth habang palapit na sila sa lugar ng nangyaring aksidente. Kahit anong pagpapalakas ng loob ang ginagawa niya, hindi pa rin siya mapakali hanggang hindi nakikita ng dalawang mata niya na buhay si Maica. Nang marating na nila ang lugar, dali-daling pinasok ng binata ang sumabog na bus kahit na pinagbawalan siya ng mga nag-iimbestigang pulis. “Buhay pa si Maica! Nararamdaman ko... sigurado ako! Wala siya sa lugar na ito!”, sigaw ni Jeth bago siya humagulgol sa pag-iyak habang hawak-hawak siya ng mga pulis at ng kanyang mga kasama. Sa tindi ng pagkakawindang sa nangyari, nahimatay na si Jeth at halos hindi na tumitibok ang kanyang puso kaya agad siyang isinugod nina Aaliyah at Eliseo sa pinakamalapit na ospital.
Mahigit isa’t kalahating araw ang lumipas bago nagkamalay ulit si Jeth. “Maica!!!”, agad na sigaw niya pagkabukas at pagkabukas ng kanyang mga mata. “Huminahon ka, Jeth. Makakasama sa iyo kapag pinilit mong bumangon ngayon.”, sabi ni Eliseo habang pinipigilan ang paggalaw ng kaibigan. “Sa ngayon, wala pang official na findings tungkol sa mga natagpuang bangkay sa sumabog na bus. Manalig lang tayo na hindi kasama si Maica sa mga namatay sa aksidente.”, dagdag pa ni Aaliyah. Napaiyak na lang si Jeth habang iniisip kung paano pa siya mabubuhay kung tuluyang mawawala sa kanya ang taong tinuturing niyang tanging dahilan ng kanyang pangalawang buhay. Nang huminahon na siya, biglang may tumawag sa kanyang phone. Sinagot ito ni Eliseo pero napilitan rin siyang iabot ito sa kaibigan dahil may napakaimportanteng mensahe daw ang caller ni Jeth.
“Kamusta na, Boy? I’m sure, nabalitaan mo na ang nangyaring aksidente noong isang araw.”
“Demonyo kang pontyo pilato ka! Sigurado akong kagagawan mo na naman ‘to!”
“Op! Hinay-hinay lang, kaibigan. Kayang kaya kong gawin ‘yon pero ang totoo niyan, hindi sana iyon ang pinaplano kong mangyari.”
“Lokohin mo ang kakambal mong si Satanas!”
“Jeth naman... Huwag masyadong hyper... May good news pa naman ako sa iyo at sigurado akong hindi mo ito papalampasin. Kaya payo ko sa ‘yo, huwag na huwag kang aabsent sa meeting natin mamaya.”
“Hayop ka! Magdasal ka na sa panginoon mo sa impyerno dahil sa susunod na pagkikita natin, sisiguraduhin kong huling araw mo na sa mundong ito!”
“Aba, nakakatakot ka namang kutong lupa ka... Pero actually, ang galing mo palang magpatawa at may mga ganyan ka nang nalalaman... At tsaka, hindi ka ba nae-excite sa hinanda kong sorpresa para sa ‘yo? I’m sure, sabik na sabik ka nang makita siya ulit ngayon.”
“Nasa ‘yo si Maica?!!! T*ngina kang demonyo ka! Kapag may ginawa kang masama sa kanya, kahit kaloob-looban ng impyerno papasukin ko, mapatay ka lang!”
“Syete! Anlaki na talaga ng pinagbago mo, Jethro Salvacion! Eh wala naman akong sinabing pangalan... at paano mo naman naisip na buhay pa si Maica? Anyway, kung iyon ang sa tingin mong sorpresa ko sa iyo, see it for yourself kapag nagkita na tayo sa contract signing.”
Hindi na nag-alinlangan pa si Jeth tungkol sa sariling kondisyon kaya kahit kailangan pa niyang magpalakas ulit matapos maging stable ang kanyang puso, nagpumilit siyang magpa-discharge na sa hospital para makabalik kaagad sa syudad at makapunta sa pagkikita nila ni Atty. Montemayor. Hindi na niya pinasama sina Aaliyah at Eliseo dahil iyon ang bilin ng matandang abogado. At isa pa, ayaw niya ding may iba pang madamay kung sakaling matuloy ang pinaplano niyang madugong pagtatagpo nila ng taong pinakakinamumuhian niya. “Rinerespeto ko ang desisyon mo, Jeth, basta tandaan mo lang, huwag mong ilagay sa kamay mo ang batas. Sigurado akong may dahilan kung bakit hahahayaan ni God matuloy ang pagkikita niyo ni Atty. Montemayor. Aasahan kong gagawin mo pa rin ang tama, kaibigan.”, huling habilin ni Eliseo bago humiwalay sa kanila ang kaibigan.
Pagkapasok ni Jeth sa studio ng istasyong pagmamay-ari ni Atty. Montemayor, agad na nagpakita sa kanya ang kanyang mortal na kaaway. Nakangiti ito at tuwang tuwa sa pagdating ng kanyang bisita. “Maligayang pagbalik sa studio ko, Jeth! Bago tayo magsimula, nais kong makilala mo ang espesyal na taong makakasama natin sa meeting na ito. Siya ang magiging singing partner mo.”, bati ng matandang abogado. Nanlaki naman ang mga mata ni Jeth nang makita ang babaeng lumabas mula sa isang kwarto at agad na tumabi kay Atty. Montemayor.
(Next Chapter: Anino)

BINABASA MO ANG
Detour
ActionSi Jeth, isang binatang patapon ang buhay sa mata ng lahat. Kinalimutan na niya ang dating siya matapos ang sunod-sunod na trahedyang nangyari sa kanyang buhay. Sa ngayon, nabubuhay siya sa dilim - sa mundo ng galit at poot, sa mundo ng mga bisyo at...