“Hayop kang demonyo ka!”, ito ang mga salitang sumabay sa isang napakalakas na suntok na pinakawalan ni Jeth. Walang kamalay-malay ang VIP customer na makakatamo siya ng isang matinding tama sa kaliwang pisngi kaya laking gulat niya nang maaninag ang itsura ng lalaking sumuntok sa kanya. “Ang lakas ng loob mo! Hanggang ngayon hindi mo pa rin ba matanggap? Isa kang talunan! Dakilang talunan!”, agad na sagot ng mamang nakahandusay sa sahig kung saan siya pinabagsak ng pagulat na suntok.
Nag-panic lahat ng tao sa loob ng Happy Nights at agad-agad rumesponde ang mga guard ng night club. Maya-maya, dumating si Mrs. Villaluz at inuna ang paghingi ng despensa sa tinamaang customer saka niya nilingon ang galit na galit na warehouseman. “Ano bang problema mo, bata ka? Customer natin iyan. Wala namang ginagawa sa iyo pero bigla mo na lang daw sinuntok. Sobra-sobrang kalasingan na ata yan a. Utang na loob, Jeth!”, sunod-sunod ang mga linya ng pagsesermon ng ale habang inaayos ang damit ng customr pero wala siyang narinig na salita sa binata.
Nang napatigil na sa kakadakdak ang manager ng club, biglang sumingit ang mamang VIP. “Hayaan niyo na misis. Napadami lang yata ng inom ang bata niyo. Papalagpasin ko ito.”, sabay lingon sa binatang matalas pa rin ang tingin sa kanya. “Naku, sorry po talaga sir. Hayaan niyo, sa next visit niyo bibigyan ko ho kayo ng discount.”, sagot ni Mrs. Villaluz. “Next time?? Hmmm… Sige. Gusto ko yan. Hanggang sa muli nating pagkikita, Jethro?”,parang nangungutyang linya ng lalaki habang papalabas ng Happy Nights. Parang may dumaang anghel sa paligid at umalis na din si Jeth pagkatapos siyang bitawan ng mga guard. Dumiretso siya sa kanyang tulugan at agad nakatulog dahil sa dami ng nainom niya.
Bandang alas-kuwatro ng umaga nang magising siya ng pamilyar na kumbinasyon ng mga ingay pero wala siyang makita dahil napakadilim ng paligid. Maya-maya, isang kilalang boses ang narinig niya at ang sabi, “Tonight... The Quest for the Super Rockstar says ‘thank you’ to… Jethro Salvacion! I’m sorry Jethro, you have just been eliminated from the competition.”. Biglang sumabog ang liwanag at nakita na lang niya ang sarili sa gitna ng napakaraming taong nangungutya at tuwang-tuwa sa kabiguang sinapit niya.
“Ambisyoso kasi!”
“Akala mo kung sinong magaling. Andaming alam, talunan din naman!”
“Buti nga sa iyo! Masyadong ma-pride kasi.”
“Ansabe ng santo santito? Ito na ba ang pinagmamalaki mo? Wahaha!!!”
“Asan na ang pinagmamayabang mong ‘savior’? May pa-faith faith ka pang nalalaman diyan!”
Halu-halo na ang mga masasakit na salita ang naririnig ni Jeth sa nakapaligid na mga tao at ang tanging gusto na lang niya ay mag-evaporate o di kaya sumabog na lang na parang granada sa mga oras na iyon. Walang anu-ano’y, lumitaw mula sa kumpol-kumpol na mga tao ang dalawang mahalagang tao sa kanyang buhay. “Anak, bakit mo kami binigo?”, sabi ng kanyang ina. “Anong klase kang anak? Wala kang utang na loob!”, gigil na sigaw naman ng ama niya. “Ginawa ko po ang makakaya ko para sundin ang gusto niyo. Pero nagkamali po ako at mas pinili kong sundin ang passion ko at tuluyan ko kayong pinagpalit sa pinaniniwalaan kong tama. Pinagsisihan ko na po ang ginawa kong pag-iwan sa inyo. Tama po kayo, walang kwenta silang lahat. Pero pakiusap, hayaan niyo pong bumalik ako sa inyo. Pagod na pagod na po akong mag-isa”, sagot ni Jeth sa mga magulang pero biglang nawala ang mga ito at sumingit ang isang boses mula sa kanyang likod. Maiyak-iyak pa ang binata nang liningon niya ang taong may sinusumbat din sa kanya.
“Akala ko ba mahal mo ako? Hindi ba nagsumpaan tayong walang iwanan? Napaka-selfish mo, Jeth. Pinagpalit mo ako sa ambisyon mo. Pinagsisisihan ko na ikaw ang minahal ko!”
“Sheena? Patawarin mo ako, mahal! Ako na ang pinakahangal na tao nang oras na pinakawalan kita. Hindi mo ako iniwan kahit ilang beses na kitang pinagtabuyan. Wala na akong mahahanap na katulad mo. Alam kong hindi ko deserve na mahalin mo uli pero sana mapatawad mo ako.”
“Alam mo naman pala Jeth e! Pero huli na ang lahat. Masyado mo na akong nasaktan at ginusto mong maubos lahat ng pagkakataon mo. Ngayong isa ka nang dakilang talunan, alam mo na kung gaano kawalang kwenta ang ginawa mong desisyon. Buti nga sa iyo! Magdusa ka!”
“Saglit mahal, huwag ka munang umalis. Huwag mo akong iwaaaaan!”
Nawala rin sa paningin ni Jeth si Sheena, ang kanyang dating kasintahan, at bumalik ang halu-halong mga pamilyar na boses. Gulong-gulo si Jeth. Halos mababaliw na siya sa nangyayari pero hindi siya makagalaw at wala siyang ibang magawa para hindi marinig ang sunod-sunod na masasakit na salita.
“Palakpakan ang Super Rockstar!! Rockstar ng bodega!! Hahaha!”
“Magbigay-pugay sa ating bida-bidahang walang binatbat! Wahaha”
“E paano kasi, nagpapakasanto pero ubod ng pagka-ambisyoso!”
“Tumayo ka diyan, boss! Nasaan na ang yabang mo?”
“Anyare, bata??? Bakit di ka humingi ng tulong sa diyos mo?”
Napatigil bigla si Jeth sa huling boses na narinig. Nanggigil at pinilit na sugurin ang taong iyon. “Hindi! Hindi! Hindi!!! Hayop kaaaaa!!!”, buong puwersang sigaw niya nang nagising siya mula sa bangungot na paulit-ulit na bumabagabag sa kanya. Pinilit niyang habulin ang kanyang paghinga habang nakaupo sa gilid ng kanyang recycled na kama. Napatigil siya, napatingin sa malayo, at nanatili siyang ganito nang mahigit isang oras. Nabuo sa kanyang isip ang isang maitim na balak.
Pumatak ang alas-otso ng gabi at agad nilisan ni Jeth ang night club. Gaya ng napag-usapan kanina, nakipagkita siya kay Maica, isa sa mga suki niyang superstar ng Happy Nights, sa napagkasunduang fast food chain ilang kanto mula sa kanilang pinagtatrabahuhan.
“Alam kong magaling ka sa mga ganito. Heto ang address.”
“Ganun ganun na lang ba? Hoy Jeth, baka akala mo porke labs kita, gagawin ko ito ng libre.”
“Pag-usapan natin yan pag nagawa mo na. Alam mo namang ikaw ang pinaka-labs ko. Bukas, dating gawi tayo. Heto, yung budget na lang muna.”
“Talaga? Ako ang number one mo? Sige, keri yan. Kita na lang tayo bukas.”
At nag-kanya kanya na ng daan ang dalawa pagkatapos ng isang mainit-init na halikan. “Humanda ka Montemayor. Pagsisisihan mong nagpakita ka pa sa akin muli.”, bulong ni Jeth sa sarili habang naglalakad pabalik ng night club.
_________________________________________________________________________________
Next Chapter: Balak
Please feel free to give your comments and suggestions. Kindly vote also if you liked the story.
For updates and other interesting posts, please visit
and LIKE: https://www.facebook.com/akunideisyusero
_________________________________________________________________________________
BINABASA MO ANG
Detour
ActionSi Jeth, isang binatang patapon ang buhay sa mata ng lahat. Kinalimutan na niya ang dating siya matapos ang sunod-sunod na trahedyang nangyari sa kanyang buhay. Sa ngayon, nabubuhay siya sa dilim - sa mundo ng galit at poot, sa mundo ng mga bisyo at...