Chapter 22: Tatak

19 2 2
                                    

"Hindiii!!! Humanda kang hayop ka!", malakas na sigaw ni Jeth pagkagising niya isang gabi dahil sa muling pagdalaw ng bangungot ng kanyang kahapon. Kagaya ng napanaginipan niya noong araw na nadisgrasya ang sinasakyang bus ni Maica, hindi na si Sheena ang nakikita niyang duguan sa harap ni Atty. Montemayor matapos siyang walang awang binaril sa noo. Malinaw na malinaw sa kanyang panaginip ang mukha ng babaeng nakilala niya at walang sawang sumuporta sa kanya noong nasa Happy Nights pa siya at patapon na ang kanyang buhay. Kitang kita niya ang malakas na tawa ng tusong abogado habang nakaluhod at nagmamakaawa si Maica bago niya ito kinitilan ng buhay.

Dahil bukas ang kwarto ni Jeth, minabuti na nina Jenny at Polo na pasukin ito para gisingin siya mula sa pagkakabangungot. Tila wala pa rin sa sarili ang binata habang pinapainom siya ng tubig. Pawis na pawis siya, tulala, at tuloy-tuloy ang pagbuhos ng kanyang luha. "Napanaginipan ko na naman si Maica. Nakagapos siya at sunod-sunuran sa mga pinapagawa sa kanya ng demonyong abogado, kagaya ng nangyari noon kay Sheena. Ang sabi niya, mahal na mahal niya daw ako kaya mas gugustuhin pa niyang mapahamak siya para sa kapakanan ko. Hindi pwede iyon! Bakit kailangan niyang magsakripisyo para sa akin?", kwento ni Jeth sa mga kaibigan.

"Jenny, bakit hinahayaan ng Diyos na may mangyaring masama sa mga mabubuting tao? Una, si Sheena. Devoted Christian siya at napakabait kahit sa mga taong gumagawa ng masama sa kanya. Tapos, si Maica naman. Kahit hindi maganda ang naging trabaho niya dati, sigurado akong napakabuti ng kanyang kalooban. Siya pa nga ang nag-eencourage sa akin noon na magbagong-buhay na at magbalik-loob sa Diyos. Napilitan lang talaga siyang kumapit sa patalim dahil bukod sa kanyang mga sariling kakulangan, ipinagkait sa kanya ng mga taong nakilala niya ang buhay na nararapat para sa kanya.", mahabang tanong ni Jeth sa kaharap na dalaga.

"Alam mo, Jeth, anuman ang nangyayari sa buhay natin, kailangan palagi nating isaisip na may mabuting plano ang Diyos para sa atin. Hindi tayo dapat naghihintay ng magandang kapalit sa tuwing gumagawa tayo ng mabuti o nananatiling mabuti."

"Eh para saan pa ang pagiging isang mabuting tao kung parang random lang ang kanyang binibigyan ng biyaya o parusa? Jenny, bakit nauuna pang mabiyayaan ang ilang mga taong masasama at halang ang kaluluwa?"

"Alam ng Diyos ang nilalaman at nakatatak sa ating puso – ang ating mga pangarap, ang ating nararamdaman, ang mga taong mahalaga sa atin. Gawin lang natin ang tama at ang naaayon sa kanyang kagustuhan at natitiyak kong ibibigay niya ang nararapat sa iyo sa takdang panahon, hindi man sa paraang inaasahan natin."

"Pasensya ka na Jenny, pero hindi ko talaga maiintindihan kung bakit ganun."

"Jeth, isipin mo na lang itong halimbawa: ang isang bata noong early 90s ay gagawin ang lahat para magkaroon ng cassette player at tapes ng mga paborito niyang singer. Tuwang-tuwa na siya noon habang dala-dala ang malaking battery-operated na radyo sa kanyang balikat at ang bente na cassette tape na isiniksik sa loob ng kanyang masikip na backpack. Ipinagyayabang pa niya na kahit saan siya magpunta, may dala-dala siyang halos 400 songs na pwede niyang pagpilian. Sa sobrang tuwa niya sa cassette tapes, hindi na niya namalayang may nauso na palang mas convenient at mas higit pa ang quality, hanggang makita na lang niya ang kanyang sarili na napag-iwanan na ng mga taong may dala-dalang libo-libong kanta sa palad ng kamay nila —- walang kailangang mabigat na player at sangkatutak na cassette tapes."

"OK. May point ka diyan... kaya lang... dapat ko pa bang hayaang magpatuloy ang kasamaan ni Montemayor habang hindi pa dumarating ang itinakdang panahon ng Diyos para bigyan ng hustisya ang nangyari sa mga mahal ko sa buhay?"

"Pwede, pero hindi lang 'yun. Jeth, kung iisipin mong mabuti, palaging merong mas hihigit sa buhay kumpara sa anumang bagay o pangarap na inaasam-asam natin. Anumang maganda sa mata natin ay hindi nangangahulugang natatanging maganda o pinakamagandang bagay na narito sa mundo. Kung nasaan man si Sheena, o marahil, pati si Maica ngayon, nasisiguro kong nakuha na nila ang pinakanararapat na biyaya para sa kanila."

"Salamat, Jenny.... pero anong dapat kong gawin? Bibitawan ko na ba ang pag-asa kong matagpuan pa si Maica kung hindi man siya si Mitch?"

"Hindi ako ang makakabigay sa 'yo ng pinakamainam na sagot para diyan."

"Ha? Eh sino?"

"Alam mo na 'yan, Jeth. Pwedeng pwede mo siyang i-contact anytime. Ikaw nga lang ang hinihintay niyang lumapit sa kanya. Sige, mag-uumaga na pala. Maghahanda na kami ni Polo. Maaga pa kasi ang rehearsal namin ngayon."

Iniwan ng dalawa si Jeth sa kanyang kwarto na tila hati ang pag-iisip sa kanyang dapat gawin. Nandiyan pa rin ang kanyang pride na tumatak na sa kanyang isipan at nagtutulak sa kanya para maniwalang kaya niyang gawin ang anumang gusto niya sa sarili niyang kakayahan. Kasabay nito ay ang munting tinig sa kanyang kaloob-looban na nagsasabing hindi pa huli ang lahat para magsimula muli at ipasa-Diyos na lang ang hustisyang inaasam-asam niya. Pagkatapos ng mahigit dalawang oras na pag-iisip habang nakatingin sa kawalan, nanaig pa rin sa kanyang isipan at damdamin ang pagnanais na makapaghiganti sa taong kinamumuhian niya.

Kinahapunan, nagkataon at walang ibang tao sa studio maliban kina Jeth at Mitch. Nagkaroon ang binata ng pagkakataong kausapin ang babaeng pinaniniwalaan niyang si Maica, pero lingid sa kanyang kaalaman, nagpalagay si Atty. Montemayor ng maliliit at di-halatang CCTV cameras na may audio recorder sa lugar. Alam ito ni Mitch pero wala siyang magawa para bigyan ng babala ang mapilit na kausap dahil sa hindi niya masabi-sabing dahilan.

"Kahit hindi na tayo madalas nagkakasama sa trabaho ngayon, nararamdaman ko pa ring ikaw si Maica. Hindi ko man naiintindihan kung bakit pero naniniwala akong napipilitan ka lang ipagkaila ang iyong tunay na pagkatao."

"Please lang, Jeth. Huwag mo nang pahirapan pa ang sarili mo. Maayos na ang kanya-kanyang buhay natin ngayon. Huwag na nating sirain."

"Alam ng Diyos na hindi na ito ang ninanais kong buhay. Oo, halos isakripisyo ko na noon ang sarili kong buhay para makamit ang pangarap kong ito. Pero ngayon ko lang na-realize, aanhin ko pa ang ganitong buhay kung wala ka, Maica."

"Hindi nga ako si Maica!"

"O sige, ituloy mo lang ang iyong pagpapanggap. Gagawa at gagawa pa rin ako ng paraan para itakas ka mula sa kamay ng demonyong iyon."

Nang marinig ni Atty. Montemayor sa kanyang monitor ang pag-uusap nina Jeth at Mitch, agad niyang ipinatawag ang isa sa kanyang mga tauhan. "Papuntahin mo si Mitch dito, may pag-uusapan kami. Mag-assign ka rin ng karagdagang bantay sa lalaking 'yan. Nag-uumpisa na siyang maging hot na naman.", utos niya sa kanyang dakilang assistant habang naka-evil smile at patuloy na pinakikinggan ang usapan ng dalawa.

(Next chapter: Koneksyon)

DetourTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon