“Good morning, panget!”
Kauuwi ko lang from night shift. May aksidente ng madaling araw kaya imbes na nagpapahinga lang ako ay ipinatawag ako sa ER at nag-perform ng dalawang surgery.
Alas-dyes na ng umaga ngayon. Pagtapos ng shift ko sa ospital ay dali-dali akong dumaan ng Flora's, ang flower shop na binibilhan ko ng bulaklak araw-araw mula ng mag-disi otso ako. Sa Flora's nanggagaling ang mga bulaklak na pinapadala ko sa mommy ko, kay Tyn, kay Nessy at ngayon, ay sa anak naming si Arabella.
“Good morning, Sir Arrow! The usual?” tanong ni Pamela. Ito ang florist na nag-aayos ng mga bouquet na ibinibigay ko sa mommy ko at kay Nessy. Siya rin ang namimili ng long-stemed roses na araw-araw kong ipinapadala kay Tyn.
“Yes, Pam. Thank you!”
“Sir, wala po pala kaming white roses today. Ano pong ihahanda ko kay Ms. Tyn?”
“Tulips. Bouquet ng tulips tapos ipadala na lang ulit sa HQ.” mabilis kong sabi habang nag-iikot sa shop. “Noted, sir.”
“Pam, anong bulaklak 'to?” turo ko sa bulaklak na umagaw sa atensyon ko. Kulay dilaw ito, sa tantiya ko ay anim ang petals niya. Hindi ko maisip kung anong itsura niya pero parang ang sarap sarap niyang tignan. “Parang gusto kong ibigay sa anak ko.”
“Yellow Trumpet Daffodils, sir. Bagong dala lang po siya ngayong umaga.” nakangiting sagot ni Pamela. “Ang symbolism po ng daffodils ay rebirth and new beginnings. Positive ang dating niya, Sir Arrow. Maganda raw po siya na arrangement sa mga photoshoot for babies.”
“Tamang-tama pala. Bigyan mo na rin ako ng Daffodils. 'Yong kay Tyn, sa HQ. 'Yong sa mommy ko sa bahay nila. Tapos dadalhin ko 'yang daffodils.”
Makalipas ang tatlumpung minuto ay lumapit na sa akin si Pamela. Inaabot ang dalawang bouquet ng bulaklak habang kumukuha ng card at ballpen.
“Tulips bouquet for Ms. Tyn, ito po 'yong card sir. Dozen of pink roses po para sa mommy ninyo. Half dozen of red roses for Ms. Nessy and mini daffodil bouquet for your daughter. Okay na po ba lahat, Sir Arrow?”
Matapos sulatan ang mga card ay binitbit ko na ang dalawang bouquet na ibibigay ko sa mag-ina ko.
“Welcome home, daddy. Good morning! Say hi to daddy, Bella.” biglang ngumiti ang anak ko. Animo naiintindihan kung anong sinabi ng mommy niya.
“Hi, Bella!” inilapag ko ang mga bulaklak sa mesa. Inabot ko ang alcohol sa gilid at mabilis na naglinis ng sarili. Ganoon yata talaga kapag doktor, parte na ng buhay namin ang mag-alcohol bago lumapit sa ibang tao. “Daddy has a gift for you.”
“Ay, wow. Bella, may uwi si daddy. Say thank you daddy.” ngumuso naman ang anak ko na ikinatawa naming dalawa. Lumapit ako sa kanila at madiing hinagkan ang magiging asawa ko. “Hi!”
“Miss mo ko? Diin naman ng kiss na 'yon.” tumawa ito. “May halong gigil.”
“Gusto kitang panggigilan pero pagod ako, eh. Sorry!”
“Uy, okay lang. Nag-breakfast ka na ba? Ipaghahain kita.” pinigilan ko siyang lumayo. Magaan ko silang niyakap ni Bella. Umungol na naman ang anak ko kaya natawa na naman kami ni Nessy.
“Miss you, Bella. Gusto ka i-kiss ni daddy kaso galing pa si daddy sa work, eh.” hinawakan ko ang paa ng anak ko at magaang hinalikan iyon. “Dami kasing emergency patients kanina. May collision kaninang madaling araw. Sampu ang injured.”