"Ma'am may lead na po kami," humahangos na wika ng mga pulis pagkarating na pagkarating ko sa presinto.
"Talaga? Nasaan siya?" naiiyak sa tuwa na usal ko. Pagkasabing pagkasabi ng pulis kung saan ko siya matatagpuan kahit na hindi pa siya tapos magsalita ay agad na akong pumunta sa kotse ko at pinaharurot ito.
I can finally see you again.
Nang makarating sa isla na sinasabi ng pulis ay inilibot ko kaagad ang aking mata. Natataranta akong naglakad at umikot ikot ngunit hindi ko siya matagpuan.
Nasaan ka?
Ilang oras din akong umiikot hanggang sa mapagod ako at nagdesisyon na umupo muna sa buhanginan.
Where are you? I can't wait to finally see you again love!
Tumayo na ako para sana maghanap uli ng may marinig akong nagtatawanan. Sa paglingon ko ay may nakita akong isang pamilya na naglalaro sa buhanginan. Ang saya saya nilang tingnan. Ang anak ay gumagawa ng sand castle katulong ng ama at ang ina naman ay kinukuhanan sila ng litrato. Wala sa sariling napaupo ako sa buhanginan ng makita ko ang mukha ng ama.
B-bakit? Paano nangyari ito?
"Hindi...h-hindi pwede!" umiiyak na bulong ko. Kasabay ng mga luha ko ay pagbuhos ng ulan pero sa halip na sumilong ay pinanood ko ang mag anak na maglaro sa ulan. Ang halakhak nila ay kasabay ng pagkabasag ng puso ko.
Ang daya ng mundo. Ang daya mo love!
Tumalikod na ako nang hindi ko makayanan ang panoorin sila. Saka ako wala sa sariling naglakad palapit sa kotse at nagdrive paalis. Hindi ko alam kung ikalulungkot o ikatutuwa ko na nakauwi ako ng hindi nababangga. Kasabay ng pagtapak ng mga paa ko sa loob ng bahay ko ay ang pagtakbo rin ng maliit na bata sa akin.
"Mamaaa!" galak nitong bati ng binuhat ko siya. Niyakap ko siya at tahimik na umiyak. Umiyak ako sa bisig ng anak ko dahil sa katotohanang posibleng hindi na niya makilala ang ama niyang halos dalawang taon na niyang hinihintay at gustong makasama. Umiyak ako sa katotohanang hindi na mabubuo ang pamilya namin dahil bumuo na ang ama niya ng kaniya.
"Mama, bakit po ikaw iiyak?" utal na wika ng anak ko. Sa halip na sumagot ay hinalikan ko siya at malungkot na umiling.
Kasi talo tayo anak. Sa gitna ng paghahanap natin sa kaniya, nakahanap siya ng iba.