IVAN.
Isang araw nagising na lang ako sa isang isla na walang kahit anong naalala.
"Ang pangalan mo ay Eric.. Ako si Melissa, ako ang iyong asawa at sya naman si Trisha ang anak natin.. " sabay turo nya sa tingin ko'y isang taong gulang na bata na buhat nya. " Wala kang naalala sapagkat noong naghahanap ka ng trabaho ay nabangga ka ng isang sasakyan na dahilan ng pagkakabagok ng ulo mo.. " marami pa syang ipinaliwanag pero lahat ng yun ay hindi ko na naintindihan dahil unti unti ng sumasakit ang ulo ko. Napapikit ako at napahawak sa ulo ko.
"Mahal! Excited na ako! Paris here we comeee!" tinig ng isang babae. Sino ka? Sigurado akong hindi ka itong kasama ko ngayon.
Napatungo ako at napasigaw na sa sakit hanggang sa tuluyang magdilim ang paligid.
Muli ay nagising na naman ako pero natatandaan ko pa rin naman ang sinabi ni Melissa na asawa ko raw, una ay parang labag na labag sa loob kong tawagin o ituring syang asawa pero pagtagal ng panahon na nakasama ko sila, lalo na si Trisha na anak ko daw ay sumaya ako. Nakuntento ako kahit pakiramdam ko lagi ay may mali at kulang.
"Mahal! Anak! Tingin kayo dito kukuhanan ko kayo ng litrato.. " haharap na sana ako sa asawa ko ng may mahagip ang mata ko. Isang babaeng umiiyak habang nakaupo sa buhanginan, agad akong napaiwas ng tingin.
Bakit? B-bakit parang nasasaktan din ako?
Ipinagsawalang bahala ko na iyon at ngumiti na lang ng pilit ng kuhanan kami ng picture ni Melissa. Bumuhos ang ulan at nagyayang maglaro ang anak ko kaya agad kong pinagbigyan ng mahagip na naman ng mata ko ang babae kanina pero hindi na sya nakaupo ngayon sa buhanginan, nakatalikod na sya at hinang hinang naglalakad palayo. Napawi ang ngiti ko at inaya na lang silang umuwi na.
Naguguluhan na ako..
Pero mas lalo lang akong naguluhan ng isang araw ay bumungad sya sa pintuan ng bahay namin at pinipilit na may ako daw si Ivan at may anak daw kami. Sumakit ang ulo ko kaya napilitan syang umalis kasama ang isang lalaki na hindi ko alam kung bakit kanina ko pang gustong suntukin sa palagiang paghawak nya sa babae.
"Nasan ang Mama mo? " takang tanong ko kay Trisha bago sya binuhat.
" Hindi ko po alam.. Umalis po.. " wika ng anak ko. Inihiga ko na lang sya sa kama nya at pinatulog bago napagdesisyunang hanapin si Melissa. Hinanap ko na sya kung saan saang lugar dito sa bayan namin pero hindi ko sya makita, hanggang sa mapadpad ako sa isang coffee shop kung san lagi kaming kumakain pagkakagaling namin sa Simbahan upang sumimba tuwing araw ng Linggo.
Pagkapasok na pagkapasok ay hindi ko alam ang mararamdaman ng makitang nakaluhod si Melissa sa harap ng isang babae na nakatalikod mula sa gawi ko at tila nagmamakaawa. Dali dali ko syang nilapitan at sinanggi ang kaharap nya dahil sa galit ko sa nadatnan kong itsura nya. Nang ibaling ko ang tingin ko sa kausap ay hindi ko alam kung bakit bumilis ang tibok ng puso ko lalo na nang makita kong tila nasasaktan sya.
Bakit? Bakit pakiramdam ko mali ang ginagawa ko? Bakit pakiramdam ko mali na sinasaktan kita? Anong gagawin ko? Gusto kitang yakapin sa hindi malamang dahilan.
Bago ko pa sya magawang yakapin katulad ng iniisip ko hinila ko na si Melissa paalis pero saktong paglabas namin ay niyakap nya ako. Niyakap ko sya pabalik kahit naguguluhan.
"Huwag mo kaming iiwan please.. hindi namin kakayanin.. nakikiusap- " hindi ko na nasundan pa ang sasabihin nya ng makita kong pumasok sa sasakyan nya yung babae at dumukdok sa manibela nya na parang umiiyak. Napabitaw ako kay Melissa at napahawak sa dibdib ko.