Hindi ko alam kung paanong nakarating ako sa hospital ng hindi nababangga sa kakaisip sa anak ko. Halos hindi ko pa naipaparada ng ayos ang kotse ko ay bumaba na ako at nagtatakbo papunta sa loob at dumiretso sa ICU. Halos matumba ako sa nadatnan ko. Ang anak ko.. nirerevive ng mga doktor.
Ang anak ko..
Nag unahan sa pagtulo ang luha ko at walang pag aalinlangang lumapit sa kama ng anak ko kahit madaming nurse ang pumipigil sakin. Hinawakan ko ang kamay ng anak ko at pinisil ito, naramdaman ko din ang bahagyang pagpisil nya sakin.
Lumalaban ang baby ko..
" Anak! L-laban lang a-anak ko! " umiiyak na pagkausap ko sa anak ko habang mahigpit na nakahawak pa rin sa kamay nya.
"Nandito lang si M-mama anak ko.. Hindi ka iiwan ni M-mama k-kaya wag mo rin akong iiwan ha? Baby wag.. Ma-mahal na mahal ka ni Mama.." humahagulhol ng pagkausap ko sa anak ko. Nakita ko ang pagtigil ng mga doktor sa pagrevive sa anak ko kaya naalarma ako at magsasalita na sana ng napatitig ang dalawang doktor sa harap kung saan nakahiga ang anak ko.
Agad akong napaharap sa anak ko at halos matumba ng makitang may mga luhang tumutulo sa mga mata nito. Senyales na nailigtas siya ng mga doktor, senyales na hindi niya ako iniwan. Agad chineck ng mga doktor ang anak ko bago humarap sakin.
" Lumalaban po ang anak nyo Ma'am kaya kung maaari po ay sana makahanap na tayo ng dugo na isasalin sa kanya bago pa sya mapagod at tuluyang bumitaw... " ilang salita lang ang nabanggit mg doktor pero kasabay nito ang pagkakabasag pa ulit ng durog kong puso. Hindi ko alam na posible palang mabasag pa ng pino ang pusong durog na.
Ang hirap..
Napaiyak na lang ako at hindi na nasagot ang doktor dahil agad akong lumapit sa anak ko at niyakap ito.
Hindi ko na alam ang gagawin ko anak..
Nasa ganoon akong posisyon ng lumapit sakin ang isang nurse at sinabing may kailangan silang tingnan sa mga makinang nakakabit sa anak ko. Ayaw ko mang umalis ay napilitan ako. Hinalikan ko sa noo ang anak ko.
"Mahal na mahal kita big boy ko! " bulong ko kasabay ng paghiling na sana ay narinig nya ito.
Lumabas ako sa ICU ng hinang hina. Napakapit pa ako sa pader ng muntik na akong matumba. Naglakad ako ng hindi alam kung saan papunta basta ang alam ko lang ngayon gusto kong mapag isa. Nadaanan ko pa si Mama at Papa pati na rin ang mga magulang ni Ivan na hindi ko alam na nakabalik na galing sa ibang bansa. Narinig ko ang pagtawag nila pero kahit isang beses ay hindi ko sila nilingon at nagdiretso na sa paglalakad. Lakad lang ako ng lakad ng mapatigil ako sa harap ng maliit na chapel sa loob ng hospital. Wala sa sariling pumasok ako at lumuhod sa gitna ng chapel.
" Masaktan po ako ng paulit - ulit... Mahirapan man ako ng paulit - ulit.. Talikuran man ako ng lahat ng paulit - ulit.. Iwan at pabayaan man ako ng lahat ng paulit- ulit.. a-ayos lang po.. okay lang po.. kaya ko.. k-kakayanin k-ko.. " napahikbi ako kasabay ng pagbuhos ng mga luha ko. " Bigyan Niyo man po ako ng napakaraming problema, tatanggapin ko.. kahit ano kaya kong indahin.. wag Niyo lang po munang kunin ang anak ko.. Sya na lang ang meron ako.. sya na lang ang taong hindi ako tinalikuran, hindi ako sinaktan at kahit kailan ma'y hindi ako gugustuhing i-iwan.. sya lang po ang pahinga ko sa nakakapagod na mundo.. parang awa nyo na po huwag muna.." humagulhol na ako at napaupo sa sahig.
" Huwag po muna, nakikiusap po ako.. gusto ko pa syang makasama ng matagal.. makitang mag aral.. makitang maabot ang pangarap nya.. gusto ko pa pong makita ang mga ngiti nya, marinig ang tawa nya at maramdaman muli ang lambing ng yakap at halik nya.. " napaluha ako habang inaalala ang mukha ng anak ko kapag nilalambing nya ako.
Hindi pa.. Alam kong hindi mo pa ako iiwan anak ko..
Ikinalma ko ang sarili ko saka dahan dahang tumayo para lumabas na ng chapel, ngunit napatigil ako sa nakita ko. Napakurap pa ako para masiguradong totoo ang nakikita ko pero sumakit lang ang ulo ko sa ginawa ko.
Kumunot ang noo ko at lalapitan na sana sya pero biglang umikot ang paligid ko at ang sunod ko na lang naramdaman ay ang pagsalo ng dalawang braso sakin para di ako tuluyang bumagsak sa sahig.
Ivan..