NAGSIMULA ang lahat sa isang gabing puno ng pighati. Mag-isa akong naglalakad, sinusubukang lutasin ang mga katanungan sa aking isipan. Saan nga ba ako nagkamali? Naging masama ba akong tao upang danasin ang ganito? Bakit nga ba lagi na lang akong niloloko? Bakit nga ba lagi na lang akong iniiwan?
Kahit pagbali-baliktarin ko ang isipan ko'y wala akong matamong kasagutan. It's excruciating. Maaari mo pa rin palang mahalin ang isang tao kahit ang sakit-sakit na? Kahit ayaw mo nang umasa sa mga bagay na imposible dahil araw-araw mo lang sinasaktan ang sarili mo.
Lahat ng bagay na pinagpaguran ko para sana sa magiging pamilya namin, ngayo'y nawalan na ng saysay. Ang pitong taon naming pinagsamahan, naging parte na lang ng nakaraan. Gusto nang magpahinga ng puso ko. Dahil ano pa'ng silbi nito kung ang tanging laman nito ay pagsamo?
Paano nga kaya kung bigla na lang akong maglaho?
May makapapansin kaya?
May maghahanap kaya?
***
MATAPOS ang humigit-kumulang isang oras na paglalakad ay nakakita ako ng tulay. Naupo ako sa konkretong harang noon. Takot ako sa matataas na lugar subalit manhid na ako sa anumang klase ng emosyon. Dahil kapag nasanay ka na sa sakit, balewala na sa'yo ang mga bagay na maaari pang makasakit sa iyo.
Tumingala ako sa langit, napakagandang pagmasdan ng buwan at mga bituin. Huminga ako nang malalim, maaaring ito na ang huli na makalalanghap ako ng sariwang hangin. Dumungaw ako sa ibaba, naaninag ko ang tuloy-tuloy na pag-agos ng tubig sa ilog.
Ipinikit ko ang aking mga mata. Pinakiramdaman ko ang paligid— ang ingay na dala ng umaagos na tubig sa ilog, ang malamig at sariwang simoy ng hanging hatid ng mga naglalakihang puno, ang tunog ng mga kuliglig, at ang liwanag ng buwan na tanging nagbibigay tanglaw sa gabi. Dinama ko ang lahat ng ito na parang isang batang nangungolekta ng bulaklak sa hardin. Batid kong hindi ko madadala ang lahat ng ito sa aking pupuntahan subalit nagpapasalamat ako na natunghayan ko ang kagandahan ng mga ito ngayong gabi.
Nang handa na akong lisanin ang lahat, iminulat ko na ang aking mga mata. Mula sa bulsa ay inilabas ko ang isang kutsilyo. Nanginginig ang mga kamay kong itinapat iyon sa aking pulso kasabay ng paglandas ng luha sa aking mga mata. Marahil ay ito na rin ang huling luha na papatak sa aking mga mata.
"Panginoon. . . patawarin mo ako sa aking mga pagkakasala," nanginginig ang mga labi kong bulong.
"Masyado naman atang maliit ang kutsilyo mo."
Nagulat ako sa narinig at napalingon sa pinanggalingan ng tinig. Sa 'di kalayuan ay naaninag ko ang nakangiting mukha ng isang babae. Muli kong inalis ang tingin sa kanya at pasimpleng pinunasan ang basang pisngi. Itinago ko ang kutsilyong hawak sa aking nakakuyom na palad.
"Ito na lang ang gamitin mo," aniya.
Muli akong napalingon sa kanya at nakita ang inaabot niyang army knife. Hindi ako makapaniwalang napatingin sa mga mata niya. Totoo ba ito? Ang isang babae, inuudyukan akong gumamit ng mas malaking kutsilyo sa halip na pigilan ako sa gagawin?
"Excuse me, miss? Ano'ng sabi mo?" paniniguro ko. Hindi ko kinuha ang army knife sa kamay niya.
Naupo siya sa tabi ko. "Gusto mong magpakamatay, hindi ba? I'm just trying to help."
Binigyan ko siya nang mapanuring tingin. "Nang-aasar ka ba?"
Umiling siya. "Sabi ko nga, I'm just trying to help. Hindi ka naman mamamatay sa kutsilyo na 'yan, e!"
"Nakikita mo ba ang ilog na ito?" sabi ko at tumuro sa ibaba. "Siguro naman, pagkatapos kong maglaslas at tumalon dito ay mamamatay rin ako?"
Humalakhak siya. "Hindi ka taga-rito, ano? Mababaw lang 'yan! Magmumukha ka lang tanga. Magpapakamatay ka na nga lang 'yong mukhang tanga pa."
BINABASA MO ANG
The Policewoman
General FictionMaraming beses nang nabigo sa pag-ibig si Rogin. Kaya't nang lokohin ng huling naging kasintahan ay pinagtangkaan niyang kitilin ang sariling buhay. Ngunit sa 'di inaasahang pagkakataon, nakilala niya ang isang dalagang nagbigay ng panibagong pag-as...