MAMAYANG gabi ay uuwi na kami ng Maynila ni Winona. Napagkasunduan namin ito noong nakaraang araw. Dala ko ang kotse ko nang magpunta rito kaya't hindi kami mahihirapan sa pagbiyahe. Pero bago umuwi ay sasabihin na niya sa akin ang napagdesisyunan niya. Hindi ako mapalagay dahil sa magkahalong takot at pananabik. Hindi pa rin niya ako kinikibo. Sa palagay ko'y kakausapin lamang niya ako kapag nakapagdesisyon na siya.
Nagluto siya ng buttered shrimp para sa aming pananghalian at si nanay Feli naman ay nagluto ng chopsuey. Gusto ko sanang tikman ang luto niya kaya lang may allergy ako sa hipon. Pero... naisip ko, wala namang nakakaalam at hindi naman siguro masama kung titikim ako ng kaunti. Kumuha muna ako ng kanin at chopsuey 'tsaka inabot ang serving spoon ng buttered shrimp, nagkasabay kami sa paghawak nito at sabay rin kaming napabitaw.
"Ikaw na muna," aniya.
"Hindi... ikaw na muna," sagot ko.
"Ikaw na nga."
"Ikaw na."
"Ano ba kayo?" tanong ni nanay Feli.
Natigilan kami at sabay na napatingin dito.
"Kanina pa kayong ganiyan. May problema ba kayo?"
Inalis namin ang tingin dito nang hindi sinasagot ang tanong nito. Hinawakan na ni Winona ang serving spoon at kumuha na ng ulam. Pagkatapos niya'y ako naman ang kumuha at tahimik na kaming kumain. Wala pang limang minuto ay tumayo na si Winona, ubos na ang pagkain sa plato niya. Binuhat niya iyon at inilagay sa lababo. Lahat kami'y may pagtatakang sinundan siya ng tingin.
"Ang bilis mo namang kumain," puna ni tito Ramon.
"Busog na po ako," tugon ni Winona at nagtungo na sa bakery upang magbantay.
Nang makaalis siya'y sa akin naman nabaling ang tingin ng pamilya niya. Agad akong nag-iwas ng tingin at tinuloy na ang pag-kain, kunwari'y wala akong alam sa nangyayari. Pinuno ko ng pagkain ang bibig ko sa sunod-sunod na pagsubo. Nang maubos na ang ulam ko'y muli akong kumuha.
"Ano'ng nangyayari sa inyo?" tanong ni tito Ramon. Napaangat ako ng tingin dito. Lumulobo pa ang pisngi ko sa pagkain kaya't nakahanap ako ng dahilan upang hindi sumagot. Tinuloy ko ang pagnguya habang iniisip ang sasabihin.
Inilapit nito ang sarili sa akin. "Magkaaway kayo?" pabulong na tanong nito.
Nilunok ko muna ang pagkain sa bibig. Binitawan ko ang tinidor at kutsarang hawak at uminom ng tubig. Nag-ayos ako ng upo at tumingin kay nanay Feli at tito Ramon. "Papayag... ho ba kayo kung... ligawan ko si Winona?"
Nagkatinginan ang dalawa.
"Aba'y oo naman, anak. Wala akong nakikitang dahilan para hindi ka payagan. Hindi ka na iba sa amin," nakangiting saad ni nanay Feli.
"Nasabi mo na ba sa kanya ang tungkol dito?" tanong ni tito.
Tumango ako.
"Ano'ng sabi niya?"
"Pag-iisipan daw ho niya."
Tinapik niya ako sa balikat. "Gusto kita para sa anak ko pero... kung ano'ng desisyon niya ay doon ako."
"Naiintindihan ko po," sagot ko.
***
ISANG oras matapos mananghalian ay nakaramdam na ako ng pangangati. Marahil dahil sa tensiyon kong naramdaman kanina ay hindi ko na napansin na naparami ang kain ko ng hipon. Lumabas ako at nag-igib sa poso. Maliligo na ako, baka-sakaling mawala ang pangangati at ang init na nararamdaman ko.
Matagal kong ibinabad sa tubig ang katawan ko pero hindi pa rin nawawala ang pamumula at mga pantal sa buo kong katawan. Nagkulay kamatis na ang mukha ko sa pamumula. Nakakahiyang lumabas sa banyo na ganito ang itsura ko. Habang sinusuri ko ang sarili sa salamin ay nakarinig ako ng katok sa pinto.
BINABASA MO ANG
The Policewoman
Fiksi UmumMaraming beses nang nabigo sa pag-ibig si Rogin. Kaya't nang lokohin ng huling naging kasintahan ay pinagtangkaan niyang kitilin ang sariling buhay. Ngunit sa 'di inaasahang pagkakataon, nakilala niya ang isang dalagang nagbigay ng panibagong pag-as...