PINATULOG na ni Winona ang mga bata dahil hapon na at sabi niya'y kailangang matulog ng mga ito nang lumaki pa sila. Napansin ko ang pagod ni Winona habang inaalagaan ang kanyang mga kapatid subalit sa isang ngiti lamang ng mga ito, napapawi ang kanyang pagod.
Nang makatulog na sila ay nagkaroon na kami ng oras makapag-usap ni Winona. Magkatabi kami sa sala. Paminsan-minsan ay kinakailangan naming tumigil sa pag-uusap dahil may bumibili sa kanilang tindahan.
"Bakit ka nga pala umiyak kagabi?" tanong ko nang muli siyang naupo sa tabi ko.
Ngumiti siya at napayuko. "Natuwa lang ako sa sinabi mong I'm a strong woman. Sa totoo lang... napapagod rin naman ako. Dumarating din ako sa puntong pakiramdam ko'y hindi ko na kaya... na parang gusto ko nang sumuko. Nakita mo naman 'yung sitwasyon ko, hindi ba? Pero nananaig pa rin 'yung pagmamahal ko sa mga kapatid ko at kay nanay. Gusto ko rin silang maiahon sa hirap. Gusto ko na makapagtapos rin sa pag-aaral ang mga kapatid ko. Kaya kahit na nahihirapan ako, kailangan kong magpakatatag para sa kanila. Kasi kung susuko ako, sino na lang ang mangangarap para sa kanila?"
Bigla akong nakaramdam ng lungkot.
"Mahal na mahal ko sila," aniya. "Gagawin ko ang lahat para sa kanila. Handa akong isakripisyo kahit pa ang sarili kong kaligayahan para sa kanila."
"Hindi ba, sabi mo, kapag nagmamahal dapat hindi kakalimutan ang sarili? Karapatan mo ring maging maligaya at alam ko gusto rin nilang makita kang masaya."
Ngumiti siya. "Mahirap rin kasing sumugal, Gin. Sa sobrang dami ko nang pinaglalaanan ng pagmamahal ko, parang wala ng puwang pa ang ibang tao rito sa puso ko."
"Ibig mo bang sabihin hindi ka pa nagka-boyfriend?"
Umiling siya. "May nanligaw sa akin noon. Tatlong taon din siyang nanligaw. Maraming beses ko siyang binigo at iniwasan pero nagpatuloy pa rin siya. College palang ako noon. Aaminin ko, nahulog din ang loob ko sa kanya pero isinantabi ko iyon. Natakot kasi ako. Siguro dahil na rin sa nangyari kay nanay at sa tunay kong ama. Idagdag mo pa na ako ang panganay at ayaw kong mabigo sina nanay at tatay sa akin."
"Nasa sa'yo naman iyon kung gagamitin mo ang pagmamahal bilang kalakasan o kahinaan."
"Wala eh, naunahan na ng takot. Kaya ayon, sumuko rin siya. Siguro nga, nakakapagod ipaglaban ang taong hindi ka kayang ipaglaban. Nakakapagod na ikaw lang ang lumalaban. Pero masaya na siya ngayon... sa pamilya niya," tumingin siya sa akin at pilit na ngumiti. "At masaya na rin ako para sa kanya."
Ang hirap pala ng sitwasyong kinasasadlakan niya. Naipit siya sa sitwasyong mahirap takasan. Matakasan man niya, mumultuhin naman siya ng kanyang konsensiya dahil maraming pangarap ang mabibigo. Siniko niya ako nang mahina. "Ikaw naman ang magkuwento."
"A-ano naman ang ikukuwento ko?"
"Puwede mo bang ikuwento kung bakit ka nagtangkang," luminga-linga muna siya, "magpakamatay?"
Napalunok ako sa tanong niya. Alam kong ito ang itatanong niya subalit hinihiling na sana ay hindi.
"Kung ayaw mong ikuwento, hindi naman kita pipilitin."
Yumuko ako. "May girlfriend ako. Pitong na taon na kaming magkarelasyon at nitong taon lang ay nagpasya na kaming magsama. Nang magsama kami ay pinag-resign ko na siya sa trabaho simply because I don't want to share her to the world. I just want to keep her by myself. And I admit, naging selfish ako.
"Noong unang mga buwan ng pagsasama namin it was like living in paradise. Ang sarap sa pakiramdam iyong uuwi ka ng bahay at madadatnan roon ang mahal mo, hinihintay ka habang nakahain sa mesa ang pagkaing iniluto niya para sa'yo. Pero sabi nga nila, sa una lang masaya. Nang tumagal, naging madalas na ang pagtatalo namin. Naging iritable na siya at nang tanungin ko kung bakit siya nagkakaganoon, ang sabi niya'y gusto na niyang magtrabahong muli. I didn't let her. Hindi naman kasi niya kailangang magtrabaho. Kaya ko naman siyang buhayin.
BINABASA MO ANG
The Policewoman
General FictionMaraming beses nang nabigo sa pag-ibig si Rogin. Kaya't nang lokohin ng huling naging kasintahan ay pinagtangkaan niyang kitilin ang sariling buhay. Ngunit sa 'di inaasahang pagkakataon, nakilala niya ang isang dalagang nagbigay ng panibagong pag-as...