Kabanata 05 - Munting Kasiyahan

6.9K 215 43
                                    

PALUBOG pa lamang ang araw ay abala na ang lahat sa paghahanda ng makakain. Lahat ay kumikilos, kahit na ang pinaka-bunso sa magkakapatid. Kahit saang anggulo ko tingnan ang pamilyang ito ay kasiyahan ang nakikita ko. Oo, salat sila sa yaman pero hindi sila salat sa pagmamahal. Pakiramdam ko tuloy, ako ang mas nangangailangan, ako ang mas naghihikahos sa buhay. Pakiramdam ko, ako ang hindi pinagpala, ako ang pinagkaitan ng tadhana.

"Knock! Knock!" sabi ni Mumon habang kami'y kumakain.

"Who's there?" sabay-sabay na sagot ng mga bata.

"Come back to me."

"Come back to me who?" sumabay na rin sa pagsigaw si Winona at ang nanay nila.

Tumawa muna si Mumon bago kumanta. "Come back to me-bok ang puso. Wala ka nang magagawa kundi sundin ito."

Nagtawanan ang lahat.

"Knock! Knock!" sabi naman ni Winona.

Napatingin ang lahat sa kanya. "Who's there?"

"Hayop."

"Hayop who?"

"I've got the hayop the tiger," natatawang kanta niya.

Natawa rin ang lahat. Ang sarap sa pakiramdam kapag ganito kayo mag-bonding sa pamilya. Ngayon na lang ulit ako nakatawa nang ganito kalakas at ganito ka-natural. Pumasok sa isip ko ang huling alaala ko kasama ang mga magulang ko, hindi pa sila naghihiwalay noon, masaya rin kaming nagkukuwentuhan sa harap ng hapag-kainan. Madalas akong magkuwento tungkol sa school-- kung ilang star ang nakuha ko sa pagdo-drawing, kung sinong kaklase ko ang nakatulog sa klase, at kung ano ang binili ko sa baong ibinigay nila.

"Ako naman! Ako naman!" sabi ni Nene habang kinakalabit ang mga katabi upang makuha ang atensiyon ng mga ito. "Kami maba."

Nagtawanang muli.

"Mag-knock knock ka muna!" sabi ni May-may.

"Ay! Oo nga pala," kakamot-kamot na sabi ni Nene. "Knock! Knock!"

"Who's there?"

"Kami maba."

"Kami maba who?"

Humagalpak ng tawa si Nene. "Ah! Mabaho raw sila!"

Nakuha ko kaagad ang biro doon at natawa. 'Yung iba ay medyo napaisip pa bago tumawa, lalo na 'yung mga bata. Pakiramdam ko'y puno na ng hangin ang tiyan ko sa katatawa. Marami pang laman ang plato ko at hindi ko maubos-ubos dahil sa kulitan at tawanan namin.

***

MATAPOS kumain ay nagprisinta na akong maghugas ng plato. Ayaw pa ngang pumayag ni Winona pero sa pagpupumilit ko ay sumuko rin siya.

"Marunong ka ba?" nakapameywang niyang tanong.

"Oo naman," sagot ko.

Nagulat ako nang lumapit siya at hinawakan ang kamay ko. "Ohh, ang lambot-lambot ng kamay mo eh. Sigurado akong hindi ka marunong. Sa paghawak mo pa nga lang ng plato parang mababasag na."

"Masyado kang judgmental," nangingiting sabi ko. "Marunong ako, ano? Doon ka na nga! Makipagkuwentuhan ka na muna sa pamilya mo. Huwag mo na akong bantayan."

Napangiwi siya. "Sigurado ka talagang marunong ka, ha?"

"Oo nga!" natatawang sagot ko.

"Okay," sabi niya at tumalikod na.

Sineryoso ko na ang paghuhugas. Sa dami ng hugasin ay parang hindi na ito nauubos. Nananakit na ang likod at batok ko sa pagyuko dahil mababa lang ang kanilang lababo.

The PolicewomanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon