NAKATANGGAP ako ng text message mula kay Winona. Nag-aalangan akong buksan iyon dahil hindi pa ako handang kausapin siya. Hindi ko pa kasi alam sa ngayon kung paano sasabihin sa kanya ang natuklasan ko. Natatakot ako sa magiging reaksiyon niya kapag nalaman niya ang tungkol dito. At alam ko, ang kapal ng mukha ko para paghintayin siya kung kailan ako magiging handa. Mali na magtago ako rito kasama ng mga sikretong ito. Ayaw ko nang maging duwag. Kailangan ko nang harapin ang katotohanan dahil hindi ko ito maitatago habambuhay. Panahon na siguro.
Nagpakawala ako nang malalim na paghinga bago buksan at basahin ang mensahe niya. "Gin, kumusta? May problema ba? Isang linggo ka nang hindi nagpaparamdam. Nag-aalala na ako sa'yo."
Napapikit ako at napasandal sa swivel chair. Nasasaktan ako. Hindi para sa akin kung hindi ay para kay Winona. Alam ko, masasaktan siya kapag nalaman niya ito pero mabuti na sigurong masaktan siya sa katotohanan kaysa paniwalain siya sa kasinungalingan. Mabuti nang kamuhian niya ako ngayon kaysa mahalin nang hindi karapat-dapat. Buong buhay niya'y namulat siya sa kasinungalingan at ayaw ko nang maranasan niyang muli iyon. Ayaw kong makiisa sa mga pangalan ng mga taong sumira sa kanyang tiwala.
Naramdaman ko ang pananakit ng lalamunan ko. Nagbabadya na naman ang luha sa mga mata ko. Dahil nasa opisina, sinubukan kong pigilin ito subalit ayaw magpapigil ng aking damdamin. Tumayo ako at nagtungo sa banyo. Doon ko ibinuhos ang lahat ng sakit. Ilang ulit kong sinuntok ang pader upang malimot ang nararamdaman. Napatigil lamang ako nang may pumasok. Agad akong naghilamos ng mukha at nanalamin. Namumula pa rin ang mga mata ko.
"Dude, ano'ng nangyari sa kamay mo?" tanong ng pumasok na hindi ko na inalam kung sino.
Tiningnan ko ang kanang kamay ko, may dugo ito. Dali-dali ko itong hinugasan at binalot ng tissue. Pinunasan ko rin ang mukha ko at bumalik na sa puwesto. Kinuha ko ang cellphone ko at tinext si Winona. "Magkita tayo. Alas siyete, sa paborito nating kainan."
***
NASA labas pa lamang ako ng tagpuan ay natanaw ko na si Winona. Nakapuwesto siya sa mesang nasa sulok ng restawran, tulalang nakatingin sa kanyang cellphone na nakapatong sa mesa, nakahalukipkip, at tila ba may malalim na iniisip. Hindi ko mabasa sa mga mata niya ang nararamdaman. Nagagalit? Nalulungkot? Naiinip?
Pagpasok ko sa restawran ay dahan-dahan akong humakbang papalapit sa kanya. Sa bawat hakbang ay dama ko ang bilis ng pagtibok ng aking puso. Pilit kong pinakalma ang sarili. Inipon ko'ng lahat ng lakas ng loob. Pinilit ko ang ngiti sa mga labi ko. "Late ba 'ko?"
Nang iangat niya ang tingin ay sumilay rin ang ngiti sa labi niya. "Hindi. Maaga lang ako."
Naupo ako sa harap niya. "Hindi ka pa um-order?"
Umiling siya. Sinenyasan ko ang isang waiter at um-order na kami ng pagkain. Sa pagkikita namin, pakiwari ko'y bumalik sa normal ang buhay ko. Sandali kong nalimot ang problema. Namutawing muli ang saya sa labi ko. Siya lang siguro ang babaeng nagagawa akong pasayahin sa kabila ng kalungkutan, ang nagsisilbing tanglaw ko sa t'wing wala akong makitang liwanag.
Matapos kumain ay naglakad-lakad kami sa parkeng malapit sa restawran. Pareho na kaming tahimik, dinarama ang lamig ng gabi at nilalanghap ang sariwang hanging dala ng mga naglalakihang puno rito. Habang nilalasap ko ang mga sandaling ito, muli kong naalala ang dahilan kung bakit ako narito, kasama niya.
"Okay ka lang?" tanong niya.
Pilit akong ngumiti at tumango.
"Tingnan mo oh! Ang daming bituin," nakangiting sabi niya habang nakatingala at nakaturo sa langit.
BINABASA MO ANG
The Policewoman
General FictionMaraming beses nang nabigo sa pag-ibig si Rogin. Kaya't nang lokohin ng huling naging kasintahan ay pinagtangkaan niyang kitilin ang sariling buhay. Ngunit sa 'di inaasahang pagkakataon, nakilala niya ang isang dalagang nagbigay ng panibagong pag-as...