UNTI-UNTI nang nalalagay sa ayos ang pamilya nila Winona. Muling tinanggap ni tita Felicidad si tito Ramon matapos marinig ang mga paliwanag nito. Nakamit na rin ni tito Ramon ang pangarap na makasamang muli ang kanyang mag-ina. Inampon na rin niya ang mga anak ni tito Winardo. Minahal niya ang mga ito at itinuring na sariling mga anak tulad ng ginawa ni tito Winardo kay Winona noong wala siya roon upang maalagaan ang anak.
Mahirap man kalimutan ang lahat ay pinili nilang tatlo na patawarin na si tito Winardo sa mga kasalanang nagawa nito. Marami mang pinagdaanan ang pamilya nila, ang mahalaga ay nagsama-sama silang muli sa huli.
Walang mapaglagyan ang sayang nababakas sa mukha ni Winona. Buong galak siyang nagpasalamat sa Panginoon para sa biyayang kaloob sa kanya. Ngayon ay ine-enjoy muna niya ang buhay kasama ng kanyang pamilya. Isang buwan siyang naka-leave sa trabaho upang tulungan ang ama sa pag-aasikaso ng kanilang bagong bukas na negosyo.
Pinuhunan ni tito Ramon ang perang naipon mula sa sahod niya sa bakery at nagtayo ng sariling bakery sa Laguna. Ramona's bakery ang ipinangalan niya rito. Katulong niya si Mumon, ang binatilyong kapatid ni Winona, sa pagluluto ng tinapay. Hinahasa na niya ito upang magkaroon siya ng kahalili.
Noong nakaraang linggo ay dumalaw ako roon. Napansin kong mas lumawak ang bahay nila Winona dahil dinugtungan ito ng bakery at sari-sari store. Sa mga susunod na buwan raw ay ipapaayos nila ang buong bahay at pagagandahin, malakas naman daw ang kita ng bakery dahil ito ang kauna-unahang bakery sa lugar at nagsawa na rin ang mga tao sa nabibiling nakabalot na tinapay sa mga tindahan na nagmula pa kung saan. Pati nga taga-kabilang barrio ay dumarayo rito upang bumili ng bagong lutong tinapay.
Si tita Felicidad ang taga-bantay sa bakery. Magaling din pala ang marketing strategy niya dahil inaalok pa niya ng mga palaman sa tinapay o di kaya'y ng tinatawag na "panulak" ang mga mamimili at madali naman niyang nakukumbinsi ang mga ito sa kanyang malambing na pananalita.
Sa umaga nama'y naglalako sina Mumon at Nunoy ng pandesal gamit ang bisikleta. Kaya't noong ikalawang araw ko roon ay sinubukan ko ring maglako nito kasama si Nunoy na nakaangkas sa likod ng bisikletang minamaneho ko. Mabilis na naubos ang pandesal na nilako namin. Hindi naman sa pagmamayabang pero karamihan ng bumili sa amin ay mga kababaihan na kung hindi tatanungin kung taga-saan ako ay pangalan ko naman ang tinatanong. Natatawa na lang si Nunoy at binibigyan ako ng mapanuyang tingin sa tuwing may babaeng lalapit. Pagbalik namin ay nagulat si tito Ramon dahil ang bilis naman daw naming makabenta.
Pagkatapos noon ay nakipaglaro ako ng basketball sa mga bata. Gumawa ako ng basketball ring na ipinako ko sa may puno ng niyog. Inalisan namin ng mga damo at bato ang paligid upang walang makatalisod sa aming pagtakbo-takbo roon. May dala akong basketball na siyang ginamit namin sa paglalaro. Nakisali rin sa amin si Winona na mas magaling pa atang mag-basketball kaysa sa akin. Sa liksi niyang kumilos ay hindi ko maagaw ang bola. Nagsitabihan na nga ang mga bata sa takot na mabalya namin sa aming pag-aagawan.
Natigil lang kami sa paglalaro at tawanan nang tawagin na kami ni tita Felicidad upang mananghalian. At tulad ng dati, nagbatuhan na naman ng mga nakakatuwang biro ang mga bata. Kaya't himbis na mabusog sa pagkain ay una kaming nabusog ng hangin sa katatawa. Lalong lumakas ang tawanan nang lumubo ang sipon ni Nene sa katatawa.
Matapos mananghalian ay nagtulong kami ni Winona sa paghugas ng plato. Siya ang nagsabon at ako naman ang nagbanlaw at nagsalansan nito sa pamingganan. Pagkatapos noo'y lumabas ako at nahiga sa duyan. Pasipol-sipol lang ako noon at ine-enjoy ang sariwang hangin nang lumapit sa akin si Winona. Mula sa pahigang posisyon sa duyan ay naupo ako.
"Usog," sabi niya at naupo sa tabi ko.
"Hindi ba ito mapuputol?" tanong ko.
"Magaan lang naman ako."
BINABASA MO ANG
The Policewoman
General FictionMaraming beses nang nabigo sa pag-ibig si Rogin. Kaya't nang lokohin ng huling naging kasintahan ay pinagtangkaan niyang kitilin ang sariling buhay. Ngunit sa 'di inaasahang pagkakataon, nakilala niya ang isang dalagang nagbigay ng panibagong pag-as...