Kabanata 22 - Ang Katotohanan

4.5K 144 14
                                    

HABANG maingat naming idini-display sa iskaparate ang mga nalutong tinapay ay isang lalaki ang pumasok sa bakery. Sa laki ng boses nito'y kamuntikan ko nang mabitawan ang hawak na isang tray ng tinapay. Salungat naman sa laki ng boses nito ang kanyang height.

"Aba, may mga kaagapay ka ngayon ah," nakangiting sabi nito kay tito Ramon.

"Ohh... Kuya Greg, anak ko pala. Si..." sabi ni tito Ramon at itinuro si Winona, "Ramona."

Napatingin ako kay Winona, waring normal na sa kanya ang tawagin sa pangalang iyon. Lumapit siya kay kuya Greg at nakipagkamay. "Magandang umaga, sir."

"Naku, hija, kuya Greg na lang. Medyo tumatanda ako riyan sa sir na 'yan eh," nakangiting sabi nito.

"At ito naman si Rogin, kaibigan ng anak ko," pakilala ni tito Ramon sa akin.

"Ka-ibigan?" nakangiting tanong nito.

"Kaibigan po," paglilinaw ko.

Natawa ito at lumapit sa akin. Kinamayan niya ako at binulungan. "Kung gusto mo siya, ligawan mo na. Huwag kang matakot sa tatay, akong bahala diyan. Ikaw rin, kailan ka pa kikilos, kung may nauna na?"

"Naku, hindi--"

"Hhmmm... Ano ka ba? Alam ko na 'yang mga ganyang galawan. Papunta ka pa lang, papunta na rin ako."

"Hindi ho ba pabalik na kayo?" pagtatama ko na idinaan na lang sa biro.

"Nakailang balik na ako eh. Di ba, p're?" nakangiting sabi nito at tumingin kay tito Ramon.

Tumango si tito Ramon kahit hindi alam kung ano iyon at ipinagpatuloy na ang ginagawa. Tiningnan ako ni Winona nang may pagtatanong. Nakangiti lamang akong umiling.

Nakipagkuwentuhan muna sa amin si kuya Greg at maya-maya'y umalis na. Pagbalik niya'y may dala siyang tinimplang kape para sa aming tatlo. "Oh, magkape na muna kayo. Diyan na lang kayo kumuha ng tinapay. Kumain kayo kahit ilan ang gusto ninyo," nakangiting sabi nito.

Pagkaalis niya ay parang gutom na leon kaming dumampot ni Winona ng iba't ibang klaseng tinapay na nais naming matikman. Nakaeengganyo kasi ang amoy ng mga ito. Para bang ang sarap gumising araw-araw na ganito ang una mong malalanghap. Natawa kami ni Winona sa kalokohan namin at kahit puno ang bibig ay hindi namin mapigil ang mapahagikgik.

"Dahan-dahan lang. Mabulunan kayo riyan. Marami pa, hindi kayo mauubusan," sabi ni tito Ramon habang binubuksan na ang bakery. Muli kaming napahagikgik ni Winona dahil ang akala namin ay hindi kami napansin nito.

***

KASABAY naming nananghalian si tito Ramon. At habang kami'y nanananghalian ay inusisa nito ang mga personal na bagay tungkol sa akin. Nang malaman niyang isa akong inhinyero na tubong Cavite ay napakunot ang noo niya. Paano raw ba kaming nagkakilala ni Winona. Mahabang kuwento, iyon na lamang ang tangi naming naisagot dito. Buti na lamang ay hindi na ito nag-usisa pa at napasarap na sa pag-kain.

Bandang alas dos ng hapon ay nagpaalam na kami sa kanya. May duty pa kasi si Winona mamayang gabi at ako nama'y dadalaw kila mommy sa Cavite. Ipinagbalot kami ng tinapay ni tito Ramon at sandali niyang kinausap si Winona. Nakita kong inaabutan niya ito ng pera subalit tumanggi naman itong tanggapin iyon.

"Sige na, 'nak, pandagdag sa panggastos mo."

"Hindi na, pa, may pera pa naman ho ako."

"Ngayon ko lang magagawa ito, tatanggihan mo pa ba?"

"Hindi naman, pa, pero kasi..."

"Sige na... tanggapin mo na," pagpupumilit nito at isinuksok ang pera sa bulsa ni Winona. Nang mapatingin si Winona sa gawi ko'y nagkunwari akong tinitignan ang oras sa relos ko.

The PolicewomanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon