NAKAHIGA ako sa aking kama, abot-tainga ang ngiti at tulalang nakatingin sa kisame. Naglalaro pa rin sa isip ko kung paanong hinatak ni Winona ang kamay ko at hinalikan ako sa pisngi matapos siyang ihatid kanina. Pakiramdam ko'y biglang nagyelo ang katawan ko nang mga sandaling iyon. Hindi makapaniwalang napatingin lamang ako sa kanya at para bang bumagal ang lahat-- ang pagkurap ng kanyang mga mata, ang pagbukol ng mapipintog niyang pisngi, ang paglabas ng mapuputi at pantay-pantay niyang ngipin, at ang pagtalikod niya sa akin at pagpasok sa dormitoryo. Walang mapaglagyan ang sayang nararamdaman ko ngayon. Ibig sabihin ba noon ay may pag-asa na ako?
Subukan ko mang ipikit ang mga mata'y ang matamis na ngiti pa rin niya ang nakikita ko. Hinayaan ko na lamang na ihele ako ng alaala niya hanggang sa unti-unti, nakaramdam na ako ng antok. Subalit bago pa man ako tuluyang bumigay sa antok ay biglang tumunog ang telepono. Nabalik ako sa ulirat, hindi ko inakalang gumagana pa ang teleponong ito dahil simula nang mawala si Claire, hindi ko na naasikasong bayaran ang mga bills na dumarating bukod sa bills ng kuryente at tubig na sa mismong apartment ko binabayaran.
Naupo ako sa gilid ng kama. Hinipan ko muna ang telepono bago sagutin ang tawag. "Hello?"
"Magandang gabi ho. Si sir Rogin Del Rosario ho ba ito?"
"Yes. Speaking."
"Sir, sa guard house ho ito ng apartment. Mayroon ho kasing lalaki rito na gusto raw ho kayong makausap."
"Sino raw?"
"Ayaw ho sabihin ang pangalan eh. Kailangan lang ho raw niya kayong makausap dahil may mahalaga raw siyang sasabihin."
Sandali akong napaisip ng isasagot. "Sige... bababa ako."
"Sige po, sir. Salamat."
Boxer shorts lamang ang suot ko kaya't sandali akong naghalungkat ng sando at maong shorts sa cabinet at isinuot iyon. Habang pababa ay iniisip ko kung sino ang posibleng lalaki na naghahanap sa akin. Hindi kaya si daddy o isa sa mga kapatid ko? Pero bakit hindi man lang nag-text na pupunta rito?
"Magandang gabi, sir!" pagbati ng dalawang guwardiya.
Tumango ako bilang tugon. "Nasaan siya?"
"Nasa labas ho," sagot ng isa.
Lumabas ako ng gate at nakita ang isang mataba at maliit na lalaking nakatayo roon. Noong una'y hindi ko siya namukhaan dahil ang kanang bahagi lamang ng mukha niya ang nakikita ko. Nang lumingon siya at magkasalubong ang tingin namin ay nakilala ko na.
"Kuya Juls?" may pagtatakang sabi ko.
Matipid siyang ngumiti at lumapit sa akin. Si kuya Juls ay panganay na kapatid ni Claire. May sarili na itong pamilya. Noong kami pa ni Claire, madalas siyang dumalaw rito kasama ang isa o dalawa sa mga anak niya. Bagay na ikinatutuwa ko dahil kahit papaano'y nagkakaroon ng libangan si Claire lalo pa't naging abala rin ako noon sa trabaho.
"Kumusta?" tanong ko.
"Heto malakas pa naman, bayaw-- Ay pasensiya na... nakasanayan lang."
"Ayos lang, kuya. Hindi ka na naman iba sa akin eh," nakangiting sagot ko at tinapik siya sa balikat. "Tara, pasok muna tayo sa bahay!"
"Hindi na. May sasabihin lang ako. Hindi naman ako magtatagal."
Unti-unting nawala ang ngiti sa labi ko. Hindi ko alam kung bakit sobra akong kinakabahan. May hindi ba magandang nangyari kay Claire? Sa magulang nila? O sa isa sa mga anak niya? Sana'y wala naman. Kung pera ang problema'y madali ko namang masosolusyunan. Lumunok muna ako bago maglakas-loob na itanong kung ano'ng sadya niya.
"May kailangan kang malaman."
"Tungkol saan?"
"Sa inyo ni Claire."
BINABASA MO ANG
The Policewoman
General FictionMaraming beses nang nabigo sa pag-ibig si Rogin. Kaya't nang lokohin ng huling naging kasintahan ay pinagtangkaan niyang kitilin ang sariling buhay. Ngunit sa 'di inaasahang pagkakataon, nakilala niya ang isang dalagang nagbigay ng panibagong pag-as...