Kabanata 03 - Ang Pamilya Reyes

8.2K 231 39
                                    

DAHIL sa ininom na kape, nawala ang antok ko at sa tingin ko'y ganoon din si Winona. Nagpaalam siyang magbibihis at pumasok sa isa sa mga kuwarto. Naiwan ako sa sala. Isa-isa kong tinignan ang mga larawang nakasabit doon. Nakita ko ang larawan ni Winona noong siya'y bata pa, napakaamo ng mukha niya na hanggang ngayo'y taglay niya. Kay sarap nitong pagmasdan.

Nakita ko rin ang larawan niya noong siya'y nagtapos ng kolehiyo. Nakatutuwang makakita ng ganitong larawan sa ganitong klase ng tahanan. Nakahahanga dahil dama ko ang halaga ng edukasyon sa kanilang pamilya. Katabi ng larawang ito ay mga medalya na tingin ko'y sa kanya ring lahat. Iginala ko pa ang tingin at nakita ang isang larawan ng may edad ng lalaki, naka-uniporme ito ng pulis. Luma na ang larawan. Kupas na ang ibabang bahagi nito subalit makikita pa nang malinaw ang mukha ng lalaki. Lumapit ako at pinagmasdan ito. Sa itaas na bahagi nito, may sulat kamay na P/Insp. Winardo Reyes.

"Siya ang tatay ko," narinig kong sabi ni Winona na hindi ko namalayang naroon na pala. "Hindi ko siya tunay na tatay pero itinuring niya akong tunay na anak."

Muli kong tinignan ang larawan at pagkatapos ay tuminging muli sa kanya. Malayo nga ang mukha nila sa isa't isa. Kanina lamang ay nakita ko ang larawan ng nanay niya subalit hindi niya rin iyon kamukha. Kung titignan kasi si Winona, aakalain mong galing siya sa isang marangyang pamilya. Maganda ang kutis niya, maputi. Matangos ang kanyang ilong na kung titingnan ang kabuuan ng kanyang mukha ay iisipin mong may lahing puti na may pagka-tsinita. Samantalang ang kanyang ina naman ay morena at pinay na pinay ang itsura.

"Pulis pala ang tatay mo?"

Tumango siya. Inabutan niya ako ng damit. "Magpalit ka muna para presko sa pakiramdam."

Kinuha ko iyon at tinignan, isang puting sando at jersey shorts. "Parang hindi ito kakasya sa akin?"

Inagaw niyang muli ang damit at itinapat iyon sa katawan ko. "Kasya naman!"

"Fitted."

"Uso naman ang fitted ngayon."

Natawa na lang ako at muling kinuha ang damit. "Sige na nga. Saan ang banyo niyo?"

Binuksan niya ang pinto sa kusina na noon ko lamang napansin at sinenyasan akong lumapit. Nang makalapit ako'y may itinuro siya sa labas. "Ayon 'yung banyo."

Natigalgal ako. "Bakit nasa labas?"

"Ganito talaga ang mga banyo sa probinsiya. Masanay ka na."

"O-okay," sagot ko habang hindi pa rin makapaniwalang tinitignan ang banyo sa 'di kalayuan.

"Magbibihis ka lang ba o maghihilamos na rin?"

"Pareho."

Lumabas siya at nagtungo sa banyo, sumunod ako sa kanya. Pumasok siya rito at paglabas ay may bitbit nang dalawang balde at inabot iyon sa akin.

"Igiban mo doon," sabi niya at itinuro ang poso sa 'di kalayuan. Ganito ba talaga sa probinsiya, lahat magkakalayo? Kunot-noo ko siyang tinignan.

"Ayaw mo?"

"Samahan mo 'ko," sabi ko, "hindi ako marunong."

Natawa siya at naglakad nang papunta sa poso. Bitbit ang dalawang balde ay sumunod ako sa kanya.

"Ilapag mo na 'yang balde," utos niya nang marating namin ang poso.

Inilapag ko naman iyon.

"Aba'y itapat mo naman sa labasan ng tubig!"

Napakamot ako at natawa. Ang lakas pala maka-ignorante ng ganitong bagay? Hindi ko alam kung saan lalabas ang tubig. Dahil sa totoo lang, ngayon lang ako nakakita ng ganito. Tinignan ko ang kabuuan noon at sinubukang alamin kung saan nga lalabas ang tubig.

The PolicewomanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon