Kabanata 09 - Bagong Simula

5.9K 177 35
                                    

MATAAS na ang sikat ng araw nang magising ako. Pupungas-pungas akong kumapa sa aking tabi. Wala roon si Claire. Iminulat ko ang aking mga mata at naupo sa kama, sapo ang aking ulo. Sinulyapan ko ang orasang nakasabit sa dingding ng kuwarto, alas diyes na ng umaga.

"Claire..." tawag ko. Walang sumagot. Pinakiramdaman ko ang bahay, wala akong naririnig na anumang kaluskos o yabag.

Marahan akong tumayo at lumabas ng kuwarto. "Claire?"

Nagtungo ako sa kusina. Sinalubong ako ng humahalimuyak na amoy ng pagkain doon. Kumulong bigla ang tiyan ko. Naalala kong simula pa kagabi nang makauwi ako ay hindi pa nalalamanan ang aking tiyan. 

Nang madako ang tingin ko sa mesa ay nakita ko na may natatakpan roon. Marahil ay nagluto na ng almusal si Claire. Paglapit ko roon ay napansin ko ang isang sticky note na nakadikit sa takip. Binasa ko ang nilalaman ng sulat. "Roj, honey, I bet you're feeling hungry when you see this. Ipinagluto na kita ng breakfast. Huwag kang mag-alala, walang lason 'yan. I just want to cook something for you, for the last time. It's the least I can do. Hanggang dito na lang. P.S. Mami-miss kita! -Claire"

Habang binabasa iyon ay pakiwari ko'y naririnig ko ang masaya at malambing na tono ng kanyang boses. Tuluyan na nga niya akong iniwan.

Tinanggal ko ang takip ng pagkaing niluto niya. Naupo ako at kumain. Bawat subo ay nagpapaalala sa akin ng bawat pawis na pumapatak sa katawan ni Claire habang niluluto ito. Bawat lunok ay nagpapaalala sa akin ng pag-awit niya sa harap ng lutuan habang hawak ang sandok na ginagawa niyang mikropono.

Mahirap kalimutan ang pag-ibig na nagdala sa'yo sa rurok ng kaligayahan at nagdulot ng sukdulang sakit sa puso mo. Kahit saang sulok ng apartment na ito ako tumingin, si Claire ang naaalala ko. May parte sa akin na gusto nang kalimutan ang lahat pero may parte pa ring gustong yakapin ang nakaraan.

Si Claire ang naging sandalan ko at ang tanging dahilan noon kung bakit patuloy akong lumalaban. At ngayon ngang wala na siya, panahon na ang nagsasabing kailangan ko nang matutunan ang tumayo sa sariling mga paa... ang mabuhay nang hindi dumidepende sa iba. Kailangan ko na ng bagong simula. Kailangan ko nang itama ang aking mga pagkakamali at pagkukulang.

***

MATAPOS kumain ay naligo ako at nagbihis. Pormal na damit ang aking isinuot dahil may mahalaga akong pupuntahan, isang bagay na alam kong kakailanganin ko sa pagsisimula. Binitbit ko ang suman na ibinigay sa akin ni nanay Feli. Sakay ng aking kotse ay bumiyahe ako nang humigit-kumulang isang oras patungo sa isang bahay na ilang taon ko ring iniwasang matuntungan.

Malaki na rin ang pagbabago ng lugar kaya't natagalan ako sa paghahanap. Nang makita ko ang bahay ay agad ko rin naman itong nakilala dahil wala naman itong pagbabago. Kupas na ang kulay nito dahil sa haba ng panahon. Nakapagtataka na hindi nila pinalitan ang pintura nito at hinayaan lamang na mabakbak. Nakatayo na ako sa harap ng bakod nito subalit nag-aalangan akong pindutin ang door bell dahil baka hindi na sila ang nakatira rito.

"Ano po 'yon?" narinig kong tanong ng isang batang babae mula sa aking likuran. Paglingon ko ay nakita ko ang isang dalagitang nakasuot ng bestidang kulay berde. Hawak nito ang isang plastic ng softdrinks at isang balot ng chips, patuloy itong dumudukot doon at ngumunguya. May katabaan ang dalagita, mestisa, at sa palagay ko ay nasa edad trese na.

"Rej? Regina?" nakangiting turan ko.

Napatigil siya sa pagnguya kasabay ng pagsalubong ng kanyang mga kilay.

"Hindi ba, bawal kang kumain ng junk foods?" sabi ko at itinuro ang kanyang hawak.

Itinago niya iyon sa likod. "Sino ka?"

The PolicewomanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon