Kabanata 21 - Tito Ramon

4.4K 137 22
                                    

PAKIWARI ko'y tumigil ang ikot ng mundo sa pagtatagpo ng mag-ama. At sa pagtatama ng kanilang mga mata, bumugso ang damdaming matagal nilang pinanghawakan-- ang pangungulila at ang pananabik ay nasasalamin ko rito. Dahan-dahan silang humakbang papalapit at sinalubong ng mahigpit na yakap ang isa't isa. Doo'y napatunayan ko ang hiwagang bumabalot sa lukso ng dugo, na kahit wala kayong sabihin, alam niyo sa isa't isa na iisang dugo lamang ang dumadaloy sa inyong mga katawan.

"Oh, bahala na kayo riyan at matutulog na ulit ako," sabi ng babae na walang kaalam-alam sa kung gaano kahiwaga ang gabing ito sa mag-ama. Pumasok na ito sa bahay.

"Ramona, anak," sabi ng ama ni Winona kasabay ng pagbuhos ng luha sa mga mata nito.

Kumalas sa pagkakayakap si Winona at pinunasan ang pisnging nabasa rin ng luha. Yumuko siya at may pag-aalangang sinabi, "Hindi ko po alam kung ano'ng dapat kong itawag sa inyo."

"Tawagin mo akong papa tulad noong maliit ka pa," nakangiting sagot nito.

Inangat ni Winona ang tingin at ngumiti. "Papa?"

Muli nilang kinulong sa kanilang mga bisig ang isa't isa. Pinagmasdan ko sila nang may mga ngiti sa labi. Hindi ba't ang sayang makatunghay ng ganitong pangyayari? Bigla tuloy sumagi sa isipan ko ang naging pagtatagpo rin namin noon ni daddy matapos ang ilang taong hindi kami nagkita. Napakasarap sa pakiramdam na para bang bawat paghinga mo'y sariwang hangin ang nalalanghap.

"Ahhh... Pa, si Rogin po pala," pakilala ni Winona sa akin.

Tumingin ito sa akin.

"Magandang gabi ho, tito," nakangiting sabi ko at nagmano.

"Kaawaan ka ng Diyos, hijo," sabi nito at saka muling tumingin sa anak. "Nobyo mo ba siya, anak?"

Natawa kami ni Winona.

"Hindi po... magkaibigan lang kami," sagot ni Winona at sumulyap sa akin.

Matabang ko siyang nginitian. Aaminin ko, natutuwa ako sa tuwing may nag-aakala na nagmamahalan kami. Pero sa tuwing sasabihin namin kung ano talaga ang mayroon kami, para akong ginising mula sa isang magandang panaginip.

Maya-maya'y naramdaman ko ang ilang patak ng ulan. Isinilong ko ang ulo ni Winona sa ilalim ng aking mga palad. "Umuulan."

Dali-dali naman kaming pinapasok ni tito Ramon sa loob ng bakery. Binigyan niya kami ng mauupuan at ipinihit sa direksyon namin ang bentilador. "Pasensiya na kayo, medyo masikip dito."

"Ayos lang ho," sagot ko at inilibot ang tingin. Malawak naman ang bakery, tanging ang mga kagamitan lamang sa pagluluto ng tinapay ang nagpasikip dito.

"Dito ka natutulog?" tanong ni Winona habang inililibot din ang tingin.

Noo'y inaayos ni tito Ramon ang ilan pang gamit na nakakalat. "Ahh... Oo. Mabuti nga ay pinayagan nila akong tumuloy rito."

"Nila?" muling tanong ni Winona.

Napaangat ang tingin ni tito kay Winona at matipid na ngumiti. "Si kuya Greg at ang pamilya niya."

"Hindi sa'yo ito?" muling tanong ni Winona.

Umiling si tito Ramon. "Nakikitira lang ako rito. Si aling Baby, 'yung babae kanina, iyon ang asawa ni kuya Greg."

Muling napatingin si Winona sa akin. Nasalamin ko ang kanyang iniisip, ang akala niya siguro'y asawa iyon ng kanyang ama kaya't nag-alangan siyang ipakilala ang sarili na anak ni tito Ramon.

"Bakit nagtitiis ka rito?" muling tanong ni Winona.

"Kakaunti lang kasi ang sinasahod ko rito. Hindi ko kayang mangupahan. Mag-isa lang naman ako kaya ayos na rin 'to. Kahit papaano ay may matutuluyan."

The PolicewomanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon