NALINLANG ka na ba ng iyong paningin? Ako, hindi pa. Pero palagay ko, ngayon ay nalilinlang na ako nito. Ang nasa harapan ko'y isang babaeng may tangan na baril, isang matapang at palaban na babae. Isang babaeng walang uurungan at walang sinasanto. Subalit ang nakikita ko'y isang anghel na bumaba sa lupa upang lipunin ang masasamang elemento. Isang anghel na nagkatawang-tao upang iligtas ang sanlibutan sa kasamaan.
Pakiramdam ko'y biglang bumagal ang oras. Bawat galaw ng anghel na ito, bawat kumpas ng kanyang kamay, bawat wagayway ng kanyang buhok ay sadyang mahiwaga. Hindi ko napigilan ang mapatulala sa lubos na paghanga. Utos ng anghel na itaas namin ang aming mga kamay. Kaya't masaya akong tumalima sa utos niya at marahang itinaas ang aking mga kamay.
Nawala lamang ako sa hiwagang bumabalot sa akin nang makalapit na sa amin ang grupo ng kalalakihang may tangan ding baril, nagpakilala ring pulis ang mga ito. Hinawakan nila ako sa magkabilang braso at pinilipit iyon palikod. Tinulak ako ng isa hanggang sa masubsob ang katawan ko sa isang mesa at ang mukha ko'y napalapat doon. Pakiramdam ko'y umaakyat ang dugo ko sa mukha dahil sa lakas ng puwersa ng pagdiin nila sa katawan ko na kulang na lamang ay halikan ko ang mesa.
Nakita kong hinawakan din ng iba pang mga pulis ang dalawang sanggano sa magkabilang braso kaya't hindi na natuloy ang plano ng mga itong tumakbo palayo. Kinapkapan ni Winona ang mga ito at may nakumpiskang baril at iba pang pakete na naglalaman ng wari ko'y shabu o cocaine.
Nakuha naman ang isang bungkos ng pera sa bag ng isang lalaki na siyang ginamit ni Winona kanina bilang pambili sa anumang laman ng inabot na paperbag. Kinapkapan na rin ako ng mga pulis na may hawak sa akin subalit wala silang nakuha maliban sa cellphone at wallet ko.
"Ako, si Winona Reyes na miyembro ng Station Anti Illegal Drugs, ay inaaresto kayo sa salang pagbebenta ng ilegal na droga." Pinosasan niya ang dalawang lalaking hawak ng kanyang mga kasamahan. "May karapatan kayong manahimik. Anumang sasabihin niyo ay maaring gamitin laban sa inyo sa loob ng hukuman. May karapatan kayong kumuha at pumili ng sarili niyong abogado. Kung hindi niyo kayang kumuha ng abogado, ang korte ang kukuha ng abogado para sa inyo." Mabilis niyang binigkas ito at pagkatapos ay binitbit na ng mga kasamahan niya ang dalawa.
"Reyes, paano 'to?" tanong ng isang pulis na may hawak sa akin. "Tuluyan na rin ba natin ito?"
"Dalhin niyo na rin 'yan," sagot niya nang hindi tumitingin sa akin. Nanlaki ang mga mata ko at may pagsusumamong sinundan siya ng tingin.
Tumalima naman ang mga pulis na may hawak sa akin at nilagyan ako ng posas. Pagkatapos ay binitbit na rin akong palabas ng bar. Lahat ng tao sa bar ay napatingin sa amin, lahat ay sinusundan kami ng tingin hanggang sa kami'y makalabas. Gusto ko mang takpan ang aking mukha dahil sa kahihiyan ay hindi ko magawa.
Labing limang metro pa ang aming nilakad bago marating ang isang puting Revo na may tatak na Las Piñas Police. Isinakay ako sa likurang bahagi noon kasama ang dalawang nahuli at isang pulis. Hindi ko alam kung ano ba ang dapat kong maramdaman. May parte sa akin na natatakot at may parte namang hindi dahil alam kong wala naman akong ginagawang masama.
"Ayos ka talaga, tropa!" sabi ng mga kasamahan ni Winona at isa-isang nag-fist bump ang mga ito sa kanya. Ngingiti-ngiti lamang si Winona na noo'y nakaupo sa passenger's seat. Nagkasalubong ang tingin namin nang sumulyap siya sa rear view mirror.
***
TATLUMPUNG minuto ang aming binyahe bago marating ang istasyon ng Pulisya. Tinignan ko ang aking relo, alas dyis y media na ng gabi.
"Baba!" usal ng isang pulis na parang hinulmang bao ang gupit.
Tinapik ito ni Winona sa balikat. "Delgado, ibalato niyo na sa akin 'tong isang 'to." Inginuso niya ako kaya't napatingin sa akin ang kasamahan niya. Tumango ito at 'yung dalawang sanggano na lamang ang kanilang binitbit sa loob ng istasyon.
BINABASA MO ANG
The Policewoman
General FictionMaraming beses nang nabigo sa pag-ibig si Rogin. Kaya't nang lokohin ng huling naging kasintahan ay pinagtangkaan niyang kitilin ang sariling buhay. Ngunit sa 'di inaasahang pagkakataon, nakilala niya ang isang dalagang nagbigay ng panibagong pag-as...