KALARO ko ngayon ang dalawa kong nakababatang kapatid, si Regina at Roger. Malalaki na sila at mas kumulit. Nakayakap silang dalawa sa akin at ang mga paa'y nakaangat sa sahig habang ako'y nagpapaikot-ikot sa sala. Umaalingawngaw sa kabahayan ang kanilang hiyawan.
Noong umalis ako rito, hindi pa tuwid magsalita si Roger subalit ngayo'y napakadaldal na. Si Regina naman ay ganoon pa rin, matakaw at laging pagkain ang hawak. Bilugan pa rin ang kanyang pangangatawan subalit hindi maikakailang unti-unti nang lumalabas ang mga senyales ng pagdadalaga.
"Ohh! Papagurin niyo naman ang kuya niyo!" sabi ng isang pamilyar na boses. Paglingon ko'y nakita ko ang nakangiting si tito Jun, asawa ni mommy. Kusang kumalas sa akin ang dalawang bata kaya't nagkaroon ako ng pagkakataong lumapit at makapagmano kay tito Jun.
***
NAGLUTO si mommy ng sinigang na baboy para sa pananghalian. Sumabay na ako sa kanilang mananghalian at doo'y nagkaroon kami ng pagkakataong makapagkuwentuhan. Maraming masasayang bagay pala akong napalagpas noon tulad nang magtapos na valedictorian si Regina sa mababang paaralan. At si Roger naman, naging mahusay na chess player sa kanilang eskuwelahan. Iba't ibang lugar na ang napuntahan nito dahil inilalaban siya dala ang pangalan ng kanilang paaralan. At sa bawat laban, nag-uuwi ito ng medalya.
Nalaman ko rin ang mga problemang kinaharap nila noon. Nanganib daw ang buhay ni Roger nang magkasakit ng dengue noong siya'y limang taong gulang pa lamang. Hindi pa sila nakakahinga nang maluwag ay natuklasan naman nilang may breast cancer si mommy. Malaking pera ang nawala sa pagpapagamot kay Roger at higit lalo, kay mommy. Nalungkot ako dahil ngayon ko lamang natuklasan ang mga ito. Imbis na nakatulong ay naging karagdagan pa ako sa pasanin nila dahil patuloy pa rin nila akong pinadadalhan ng pera noon.
***
BAGO magtakip-silim ay nagpaalam na ako dahil bago matapos ang araw na ito, nais kong maitama ang lahat ng mali sa buhay ko. Nais kong makabawi sa mga magulang ko at muling buksan ang pintong ilang taon kong iniwang nakakandado. Isa na lang ang kailangan kong puntahan, si daddy.
Muli akong bumiyahe sakay ng kotse. Mula Cavite ay nagtungo ako ng Quezon City kung saan na naninirahan sina daddy at ang pamilya niya. Alas siyete na ng gabi nang makarating ako sa address na isinulat ni mommy sa kapirasong papel. Muli kong tiningnan ang papel upang masigurong iyon nga ang numero ng malaking bahay na nasa tapat ko. Nang makasiguro ay bumaba na ako ng kotse.
Hindi ko pinansin ang malakas na pagkabog ng dibdib. Inunahan ko na ang kaba. Mabilis at mariin kong pinindot ang door bell. Ilang sandali lamang ay bumukas ang isang maliit na bintana sa gate at tumambad ang mukha ng sa tantiya ko'y labing anim o labing pitong taong gulang na dalaga.
"Ano po'ng kailangan nila, sir?"
"Good evening. Dito ba nakatira si Mr. Samuel Del Rosario?"
Tumango siya. "Sino po sila?"
"Nariyan ba siya ngayon?"
"Sir, pasensiya na po. Hindi ko maaring sabihin ang mga impormasyon tungkol sa kanya kung hindi niyo po muna ipakikilala ang sarili niyo. 'Yun po kasi ang utos sa amin ni--"
Itinaas ko ang kanang kamay dahilan upang mapatigil ito sa pagsasalita. Kinuha ko ang pitaka ko at mula doo'y inilabas ang isang ID. "Pakisabi narito ang anak niya," pinakita ko ang ID sa dalaga, "na si Rogin Del Rosario."
Hindi makapaniwalang napatingin sa akin ang dalaga. "Sandali lang po, Sir Rogin."
Umalis siya at naiwan akong naghihintay sa labas. Naupo muna ako sa plantbox. Limang minuto ang nakalipas nang makarinig ako ng mga yabag. Bumukas ang gate dahilan upang mapatayo ako mula sa kinauupuan. Hindi pa man nakakatayo nang tuwid ay yumakap sa akin ang isang lalaki na hindi ko nagawang tingnan kung sino. Sa bilis ng pangyayari ay muntik na akong mawalan ng balanse, mabuti na lamang ay agad kong naitukod palikod ang isa ko pang paa.
BINABASA MO ANG
The Policewoman
Narrativa generaleMaraming beses nang nabigo sa pag-ibig si Rogin. Kaya't nang lokohin ng huling naging kasintahan ay pinagtangkaan niyang kitilin ang sariling buhay. Ngunit sa 'di inaasahang pagkakataon, nakilala niya ang isang dalagang nagbigay ng panibagong pag-as...