DINALA ako ni mommy sa Luneta Park. Sabi niya'y napaka-memorable daw ng lugar na ito sa aming pamilya.
"Dito tayo madalas mamasyal noon kasama ng daddy mo," nakangiting sabi niya habang inaalalayan ako sa paglalakad. Sa mga ngiti ni mommy, pakiwari ko'y muling bumabalik sa kanyang alaala ang mga masasayang alaala.
"Naaalala kong namamasyal tayo rito pero hindi ko naaalala ang mga ginagawa natin," sabi ko.
"Nakikita mo ba ang fountain na iyon?" tanong niya at itinuro iyon. "Doon ka madalas tumakbo at magpaikot-ikot. Sa tuwing pupunta tayo rito, tinatanong mo kami ng daddy mo kung puwede ba tayong manghuli ng isda roon kahit wala ka namang isdang nakikita.
"Tapos, dito naman sa malaking punong ito, dito tayo nagpi-picnic. Wala pa kasing mga mall noon kaya't picnic ang madalas nating gawing libangan. Kapag napagod ka na sa katatakbo, lalapit ka na sa akin at hihingi ng pagkain.
"Pero alam mo ba, mas napapagod ang daddy mo noon kahahabol sa iyo. Ang likot-likot mo kasi. Kung saan-saan ka sumusuot, minsan nga'y nagsusumbong pa sa akin ang daddy mo dahil tinataguan mo pa siya at ginugulat."
"I wish I could remember everything..." tanging nasambit ko at matabang na napangiti.
Naupo kami sa isang bench at ipinagpatuloy ni mommy ang pagkukuwento. "Noong bata ka pa, lagi mong ipinakikita sa aming matapang ka. Ayaw na ayaw mong maging mahina sa mata ng iba. Naalala ko noong pinabunutan ka namin ng ngipin, dalawa pa kami ng daddy mo ang sumama sa iyo pero ang sabi mo pagdating natin ng dentist, 'No, mommy... daddy, stay here. I can manage.' Sabay kaming natawa ng daddy mo dahil hindi namin inaasahang sasabihin mo iyon."
Natawa rin ako sa kuwento ni mommy kahit na hindi ko iyon maalala.
"Kahit noong araw na na-circumcise ka, hindi mo na kami pinapasok sa loob dahil ang sabi mo'y kaya mo at hindi ka natatakot. Pero paglabas mo'y namumula na ang mga mata mo. Nang tanungin ka namin kung okay ka lang, bigla kang humagulgol at sinabing, 'Ang sakit-sakit pala!"
"Akala ko kasi noon, lahat kaya ko," natatawang sabi ko.
"Noon pa man, anak, ayaw mo nang maging burden sa amin ng daddy mo. Gusto mong harapin ang mga bagay na ikaw lang. Kaya nga, hindi na ako nagtataka kung bakit malayo ang narating mo, anak.
"Para kang daddy mo... pareho kayong mataas mangarap. Nakalulungkot lang dahil, hindi ko kinayang sabayan ang mga pangarap niya. Negatibo kasi akong tao, lagi kong naiisip 'yung negatibong kalalabasan ng isang bagay. Kaya ayon, hindi kami nagkasundo ng daddy mo."
"Things happen for a reason, mommy. Maybe you're not just meant for each other. And maybe, isa lang ako sa rason kung bakit kayo nagkakilala. Na baka sinabi ng Diyos na kailangang magkaroon ng Rogin at kayo ang napili niyang maging magulang ko."
Napangiti si mommy at niyakap ako.
***
ISANG buwan ang dumaan bago bumalik sa normal ang buhay ko. Muli akong naging abala sa pagtatrabaho. Madalas na akong gabihin ng uwi at madalas ay nalilimutan ko na rin ang kumain dahil sa sobrang abala.
"Ano ka ba naman, anak..." sabi ni mommy mula sa telepono matapos tanungin kung kumain na ako. "Bakit hindi ka pa kumain?"
Kararating ko lamang sa apartment. Wala akong makain dahil pinabalik ko na kila daddy 'yung katulong na ipinadala niya rito. Naisip ko kasi na hindi ko na kailangan dahil magaling na naman ako. At mayroon namang pumupunta rito linggo-linggo upang maglinis at maglaba.
"Kaya nga paghahanap-buhay ang tawag diyan ay dahil para sa ikabubuhay mo," pagpapatuloy ni mommy. "Eh kung ganyang napapabayaan mo ang sarili mo, aba'y hindi na hanap-buhay ang tawag diyan kundi ay hanap-patay na!"
BINABASA MO ANG
The Policewoman
General FictionMaraming beses nang nabigo sa pag-ibig si Rogin. Kaya't nang lokohin ng huling naging kasintahan ay pinagtangkaan niyang kitilin ang sariling buhay. Ngunit sa 'di inaasahang pagkakataon, nakilala niya ang isang dalagang nagbigay ng panibagong pag-as...