LABING dalawang taong nakulong si tito Ramon sa kasalanang hindi naman niya ginawa. Sa kanyang pagkakakulong ay makailang beses na ring sumagi sa isipan niya ang akuin na lamang ang paratang upang makalaya na sapagkat sobra pa ang taong nanatili siya sa kulungan, kumpara sa karampatang taon na parusa nito. Subalit, nangibabaw pa rin ang pagpapahalaga niya sa kanyang prinsipyo. At alam niya na sa oras na aminin niya ang paratang, tinanggap na niya ang pagkatalo.
Tumagal ang pagdinig ng kaso sa korte dahil sa paulit-ulit na pagkaka-reset nito. Hindi kasi sumisipot ang mga testigo ng sakdal, ang mga pulis na dumakip sa kanya na siyang tetestigo laban sa kanya. Ilang beses na rin siyang nakiusap sa kanyang PAO lawyer na kung pupuwede ay madaliin ang pagdinig ng kanyang kaso. Pero ang tanging sagot sa kanya nito ay, "Hindi lang ang kaso mo ang hinahawakan ko."
Wala siyang ibang nagawa kundi ang maghintay. At sa loob ng labing dalawang taon na iyon, walang araw na hindi niya naisip ang kanyang mag-ina. Ano na kaya ang ginagawa nila? Nakakakain pa ba sila nang maayos? Nag-aaral na ba si Ramona? Naaalala pa kaya ng anak ang kanyang mukha?
Nang dumating na ang araw na hahatulan siya ay doble sa normal ang kabog ng kanyang dibdib, naghalo ang takot at pananabik dito. At nang basahin ng interpreter ng korte ang desisyon na napawalang-sala siya sa paratang sa kanya, nanghinang bigla ang kanyang tuhod at napaluhod siya sa sobrang galak. Wala siyang pakialam sa mga taong nakakakita. Nagbigay siya ng papuri sa Panginoon sa pagdinig nito sa kanyang panalangin.
Subalit, hindi doon nagtatapos ang kanyang paghihirap. Dahil paglabas niya ng kulungan ay ibang mukha ng mundo ang sumalubong sa kanya. Hindi niya alam kung saan pupunta, kung paanong magsisimula, at kung saan magsisimula. Ni singkong duling sa bulsa ay wala siya. Naiyak siya sa sobrang awa sa sarili. Hindi niya nais umuwi sa mag-ina niya na ganito siya... walang pera, walang trabaho, walang ipagmamalaki.
Ilang buwan siyang namuhay na parang isang pulubi. Dumating siya sa puntong kahit kapiranggot na pagkaing nakitang itinapon ng iba ay pupulutin niya at isusubo, malamnan lamang ang kumukulo niyang tiyan. Nagpagala-gala siya sa simbahan ng Quiapo at araw-araw na nananalangin doon, humihingi ng himala sa Panginoon.
Basurahan ang naging kaibigan niya sa oras na kailangan niya ng makakain. Ito rin ang nagbibigay sa kanya ng pera. Naghahalukay siya sa mga basurahan at iniipon ang mga bote at papel na maibebenta niya sa junk shop. Ang kinikita niya roon ay kulang pa sa pambili ng pagkain niya sa maghapon. Hindi na nga niya maalala kung kailan siya huling nakakain ng tatlong beses sa isang araw, isang himala ang makakain siya ng kanin sa isang araw. Hindi na rin siya nakapaglilinis ng kanyang katawan at alam niya sa sarili na wala nang pinagkaiba ang itsura niya sa mga pulubing iniiwasan at pinandidirihan.
Nang mapadpad siya sa isang palengke ay nakatagpo siya ng trabaho. Naging kargador siya roon ng mga gulay, prutas, bigas, at kung ano-ano pa na iniuutos sa kanyang buhatin kapalit ng iilang barya. At sa gabi'y natutulog siya sa isa sa mga puwesto ng kanyang napagsisilbihan. Tumagal din siya ng dalawang taon roon. Lahat ng kinikita niya ay inipon lamang niya upang makauwi sa kanyang pamilya. Wala siyang balita sa mag-ina niya pero sila ang naging inspirasyon niya upang patuloy na lumaban. Hinihintay siya ng kanyang mag-ina, lagi niyang isinasaisip.
Nang makaipon ng sapat na pera ay umuwi siya ng Laguna. Marami siyang pasalubong na dala para kay tita Felicidad at sa noo'y dalaga nang si Ramona. Labing pitong taon na si Winona at nataon naman na sa pag-uwi niya ay maglalabing walong taon na ito. Pinipinta na niya sa isip ang mukha ng kanyang dalaga at ng asawang matagal na nawalay sa kanyang piling. Naglalaro sa kanyang isipan ang mangyayari sa kanyang pagdating roon, sasalubingin siya ng kanyang mag-ina na halos maiyak sa tuwa nang makita siya. Sabay siyang yayakapin ng mga ito at pagkatapos ay muli silang mamumuhay ng sama-sama. Kakalimutan na nila ang pait ng kanilang pagkakahiwa-hiwalay at mabubuhay nang masaya.
BINABASA MO ANG
The Policewoman
General FictionMaraming beses nang nabigo sa pag-ibig si Rogin. Kaya't nang lokohin ng huling naging kasintahan ay pinagtangkaan niyang kitilin ang sariling buhay. Ngunit sa 'di inaasahang pagkakataon, nakilala niya ang isang dalagang nagbigay ng panibagong pag-as...