INIMBITA ko si Winona sa kaarawan ng bunso kong kapatid sa ama, si Joshua. Bukod tanging bilin kasi sa akin nito ay ang isama ko ang aking nobya at ipakilala sa kanila. Sinabi kong wala na akong nobya pero mapilit pa rin ito. Kaya't ang sabi ko ay magsasama na lamang ako ng kaibigan at iyon nga ay si Winona.
Noong una ay nag-alangan si Winona sa imbitasyon ko. Nakakahiya raw. Ano raw ba ang dapat niyang isuot kapag ganoon. 'Yun daw kasi ang unang pagkakataon na naimbitahan siya sa bahay ng isang lalaki. Sinabi ko na kahit ano namang suotin niya ay maganda siya, bagay na nagpakalma sa kanya. Kaya't sa huli ay pumayag na rin.
Plano ko na daanan muna sina Regina at Roger sa Cavite bago siya sunduin sa Las Piñas. Nais ko rin kasing magkakilala ang mga kapatid ko sa ama at sa ina kahit na wala silang relasyon sa dugo. Bilang kuya, nais kong magturingan rin sila bilang magkakapatid. Hindi ba't napakaganda noon?
Nagtanong si Winona tungkol sa mga pangalang binanggit ko kaya't ikinuwento ko sa kanya ang lahat tungkol sa pamilya ko. Labis ang tuwa at pananabik niya na makilala ang pamilya ko, lalo na ang mga nakababata kong mga kapatid na sina Regina at Roger. Nami-miss na rin kasi niya ang mga nakababata niyang kapatid.
***
DUMATING na ang kaarawan ni Joshua, bumili ako ng regalo at pagkatapos ay nagmaneho na patungong Cavite. Ipinagpaalam ko sina Regina at Roger. Agad namang pumayag si mommy at tito Jun.
At matapos kong ipaliwanag sa dalawang bata kung saan kami pupunta ay nagtatatalon sila sa tuwa na ani mo'y ngayon lamang makakapamasyal sa ibang lugar. Pagkatapos mananghalian ay bumiyahe na kami patungong Las Piñas. Pagdating doon ay naghihintay na si Winona sa labas ng kanyang dorm. Simple lang ang suot niya-- isang kulay rosas na t-shirt, denim pants, at sneakers.
"Hi, kids!" nagagalak na bati niya pagpasok ng kotse. "Ang ku-kyut naman ng mga kapatid mo, Gin," sabi niya at pinagpipisil sa pisngi ang dalawang bata.
"It runs in our blood," nakangiting saad ko.
Natawa siya at pinisil din ako sa pisngi. "Talaga lang, ha?"
"Aww," daing ko dahil parang kurot na ang ginawa niya, hindi na pisil.
Natawa ang mga kapatid ko. At bago pa kami abutin ng siyam siyam ay pinaandar ko na ang sasakyan. Sa buong biyahe namin ay walang ibang ginawa si Winona kung hindi ang kausapin ang mga bata. Para rin siyang bata na tanong nang tanong ng kung anu-ano. At ang dalawang bata nama'y nagpapabibohan sa pagsagot. Walang gustong magpatalo sa kanila kahit ang tanong lang naman ni Winona ay kung nag-aaral ba sila nang mabuti. Pati mga grado nila sa iba't ibang asignatura ay binanggit na nila.
"Ang dadaldal pala nitong mga kapatid mo, Gin. Anong nangyari sa'yo?" natatawang tanong niya. Natawa ako dahil alam kong hindi nga ako kasing daldal ng mga ito. Nagiging madaldal lang naman ako kapag siya ang kasama ko. Nahahawa kasi ako sa kadaldalan niya.
***
ALAS tres na ng hapon nang kami'y makarating sa Quezon City. Natahimik lamang sina Winona at ang mga bata nang sabihin kong naroon na kami. Sabay-sabay silang sumilip sa bintana ng kotse at napa-wow.
"Ang laki naman po ng bahay ng daddy mo, kuya Gin!" namamanghang sabi ni Regina.
"Dito ba talaga tayo?" tanong ni Winona. "Parang hindi naman babagay ang suot natin diyan."
Natawa lamang ako sa komento nila. "Maniwala man kayo sa hindi, malaki lang ang bahay na 'yan pero mga simpleng tao lang din ang nakatira diyan. Oh... Ano pang hinihintay ninyo?"
Hindi na sila nagsalita at bumaba na ng sasakyan. Bumaba na rin akong kasunod nila, bitbit ang regalo para kay Joshua. Nakita ko na nag-aabang na ang isa sa mga kasambahay ni daddy sa gate ng bahay at nakangiti kaming sinalubong. Lalong namangha sina Winona at ang mga bata nang pumasok kami sa loob ng bahay. Lahat sila'y walang imik na inililibot ang kanilang paningin.
BINABASA MO ANG
The Policewoman
General FictionMaraming beses nang nabigo sa pag-ibig si Rogin. Kaya't nang lokohin ng huling naging kasintahan ay pinagtangkaan niyang kitilin ang sariling buhay. Ngunit sa 'di inaasahang pagkakataon, nakilala niya ang isang dalagang nagbigay ng panibagong pag-as...