TUMAYO na kami at naglakad-lakad. Ngayon lamang ako inabot nang ganitong oras sa labas. Trabaho at bahay lamang kasi ang buhay ko noon, wala akong hilig magliwaliw kung saan-saan kasama ng kung sinu-sino. Kaya siguro. . . isa iyon sa mga dahilan kung bakit napakadali para sa iba ang iwan ako.
Kapag nagmahal kasi ako, sa iisang tao lang umiikot ang mundo ko. Makasama ko lang siya, sapat na sa akin. Kumpleto na ang araw ko. Nasanay ako sa istoryang siya at ako lamang ang bida. Kaya't ngayong wala na siya, hindi ko na alam kung paano pa itutuloy ang istoryang ito.
"Kahit ibuhos mo pala ang lahat ng pagmamahal sa isang tao. . . hindi pa rin sasapat iyon," malungkot kong saad. "Dahil kung hindi ka na niya mahal, hindi ka na niya mahal."
"Ganyan talaga. Hindi lahat ng tao ay tulad mo na handang magbigay ng sobra-sobra. Sabi nga nila, lahat ng umaapaw ay nasasayang."
"Bakit ba ang unfair ng buhay sa akin?"
"Hindi lang naman sa'yo naging unfair ang buhay. Naging unfair din ito sa'kin, sa kanila, sa lahat. Therefore, life is fair!" may kumpiyansa niyang sagot. "Pero, hindi ba, sa bawat maling nangyayari sa buhay natin ay doon naman tayo nagiging matatag?"
Hindi ako sumagot at tiningnan lang siya habang iniisip kung saan niya hinuhugot ang mga sinasabi niya. Pero kahit saang anggulo ko siya tignan, walang bahid ng lungkot akong nakikita.
"Galing kang eskwelahan?" tanong ko mula sa kawalan.
Tumingin siya sa akin. "Mukha ba akong estudyante?"
Pinagmasdan ko ang ayos niya. Suot niya'y white t-shirt, asul na slacks, itim na sapatos, at may backpack siyang sukbit. "Hindi ba uniporme 'yan?"
Umiling siya. "Alam mo pa ba kung nasaang lugar ka na?"
Umiling ako.
"Nasa Mabitac, Laguna ka na."
"Laguna?" gulat na sabi ko. "Hindi pa pala ako masyadong nakalalayo ng Maynila?"
"Anim na oras ang biyahe mula Maynila papunta rito. Sa ganitong oras, wala ka pang masasakyan pabalik ng Maynila. May matutuluyan ka ba?"
Umiling ako. "Sa ngayon, wala ng direksyon ang buhay ko. I used to have plans pero wala eh, nasira na. Kaya ngayon, natatakot ako dahil hindi ko alam kung paano magsisimulang muli."
Napailing siya. "Sabi nila matatapang na tao lang daw ang nagmamahal. Pero habang tinitingnan kita, naisip ko na baka mali sila. Kasi kung talagang matatapang na tao lang ang mga nagmamahal, bakit maraming tao pa rin ang nawawalan ng direksiyon ang buhay dahil sa pag-ibig? Bakit nga ba, Gin?"
Hindi ako umimik.
"Kasi mali ang paraan ng pagmamahal na alam nila," sagot niya sa sariling tanong. "Sa pag-ibig kasi, dapat ay dalawang tao ang minamahal. . . siya at ang sarili mo. Pero ang nangyayari ay nawawala na ang ikaw at puro siya na lang. Kaya nawawalan ng pagkakataong mag-grow ang isang tao dahil nakadepende na siya sa taong mahal niya. Kaya't oras na iwan siya nito, pakiramdam niya'y wala na siyang silbi, wala na siyang pagkakakilanlan. At doon na papasok ang pagpapakatanga. Hahabol-habulin mo 'yung taong iyon dahil naniniwala kang sa kanya mo lang makikita 'yung ikaw na nawala nang umibig ka, kasi binigay mong lahat eh. Wala kang tinira para sa sarili mo. Kaya't naging kadikit na rin ng love ang salitang 'tanga', na akala ng marami, kapag sinabing nagmamahal ka, ibig sabihin ay magpapakatanga ka sa taong iyon. Mali iyon! Hindi ganoon ang love. Tapos ikaw... magpapakamatay ka dahil lang sa nabigong pag-ibig? Anong katangahan 'yan, Gin?"
Hindi ako umimik.
"Tapos kung hindi pa ako dumating... kung hindi pa kita nakita... siguro'y wala ka ng buhay ngayon at nagpapalutang-lutang na 'yang katawan mo sa ilog. Kita mo, sisirain mo pa ang imahe ng lugar namin. Kung namatay ka roon, magmumulto ka. Eh di problema pa namin ngayon."
BINABASA MO ANG
The Policewoman
General FictionMaraming beses nang nabigo sa pag-ibig si Rogin. Kaya't nang lokohin ng huling naging kasintahan ay pinagtangkaan niyang kitilin ang sariling buhay. Ngunit sa 'di inaasahang pagkakataon, nakilala niya ang isang dalagang nagbigay ng panibagong pag-as...