Kabanata 25 - Ang Pagtatapat

4.4K 147 31
                                    

HATINGGABI na subalit hindi pa rin ako makatulog. Patuloy pa ring gumugulo sa isipan ko ang mga napag-usapan namin ni tito Ramon. Dalawang choices lang naman ang mayroon ako, magtatapat o hindi. Dalawang choices lang... pero bakit ang hirap pumili? Kung sabihin ko sa kanya, maaaring masira ang pagkakaibigan namin. Pero kung hindi naman, baka mawalan ako ng tiyansang masabi pa ito sa kanya. Mahirap sumugal lalo pa't nag-umpisa kami sa pagkakaibigan. Maaari akong mawalan ng kaibigan, maaari rin naman akong mawalan ng mamahalin. 

Pero bakit kay Claire noon, nagawa ko namang isugal ang pagkakaibigan namin at pumusta sa pag-ibig? Bakit pagdating kay Winona hindi ko magawa iyon? Bakit pagdating sa kanya pinanghihinaan ako ng loob?

Hindi ako mapakali. Nagpaikot-ikot ako sa higaan. Ano ba'ng dapat kong gawin? Mababaliw na ata ako sa kaiisip. Sa inis ko at kagustuhan nang matulog ay pilit kong iwinawaksi iyon sa isipan. Tinakpan ko ng unan ang aking mukha subalit kahit ano'ng pilit kong iwaksi iyon sa isip ay lalo naman iyong nagsusumiksik dito.

"Argh!! Lubayan mo 'ko!" hindi ko naiwasang mapasigaw sa yamot at ihagis ang unan sa may paanan.

"Kuya Gin, ano ba? Magpatulog ka naman oh..." daing ni Mumon.

Naalala kong wala ako sa sariling kuwarto. Paglingon ko'y nakita ko itong nakapikit habang iritableng nagkakamot ng ulo. Paggalaw ni Mumon ay gumalaw rin ang mga katabi niya. Muli kong kinuha ang unan na inihagis kanina at humilig doon. Ipinikit ko na ang aking mga mata. Nagbilang na lamang ako ng tupa sa isip hanggang sa dalawin na ng antok.

***

KINAUMAGAHAN, sinubukan kong sabihin kay Winona ang nararamdaman habang kami na lang ang naiwang nag-aalmusal sa mesa. Akala ko'y ito na ang tamang panahon pero... hindi ko makuha kung paano sisimulan ang usapan. Bad timing.

Nang makita ko siyang nagbabasa ng libro, lumapit ako sa kanya. Sinubukan kong kuhain ang atensiyon niya subalit seryoso siya sa pagbabasa. At sa palagay ko'y nasa magandang parte na siya ng libro kaya't hindi ko na lang tinuloy ang balak. Bad timing.

Nang magbantay siya sa bakery, sinamahan ko siya. Nagkuwentuhan kami ngunit sa tuwing sasabihin ko na ang tungkol sa pagkakagusto ko sa kanya ay may bigla namang sisigaw ng pabili. Bad timing.

Ilang attempts ang ginawa ko pero laging bad timing. Pakiramdam ko'y paubos na nang paubos ang oras ko na parang isang nauupos na kandila.

Gusto. Kita.

Dalawang salita, apat na baybay. Gus-to ki-ta. Ganoon lang kasimple pero bakit hindi ko pa mabanggit? Bakit tila ba sa tuwing sasabihin ko ito ay nauutal ako? Bakit ang hirap kumuha ng tamang timing para sabihin ito?

"Tangina naman oh. Ngayon pa ba ako magpapakatorpe?" bulong ko sa sarili. Nakaupo ako sa isang bangkito sa labas ng bahay habang paulit-ulit na gumuguhit ng bilog sa lupa gamit ang isang patpat. Maya-maya ay may isang pares ng mapuputing paa ang huminto sa tapat ko. Natigilan ako sa aking ginagawa.

"May problema ba, Gin?" tanong ni Winona.

Dahan-dahan kong inangat ang tingin sa kanya. "Ha? Wala. Bakit mo naman natanong?" sabi ko at muling yumuko. Ipinagpatuloy ko ang pagguhit sa lupa. Nilagyan ko ang bilog ng dalawang tuldok na nagsilbing mata at dinagdagan ito ng nakangiting labi.

"Kanina ka pa kasi wala sa sarili. Ilang oras ka nang ganyan. Balak mo bang bungkalin ang lupa gamit ang patpat na 'yan?"

Ngumisi ako at itinapon ang patpat. Nagpakawala muna ako nang malalim na paghinga bago tumayo at maglakad patungo sa bahay. 

The PolicewomanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon