BIYERNES ng gabi nang mapagkasunduan namin ni Winona na magkita upang gawin ang napag-usapang paghahanap sa kanyang ama. Usad-pagong ang mga sasakyan sa Alabang-Zapote Road, bagay na hindi na bago sa akin.
Nang malapit na ako sa munisipyo ng Las Piñas ay natanaw ko si Winona, nakatayo sa kanto at naghihintay sa akin. Maya-maya'y may isang lalaki ang kumausap sa kanya. Noong una, akala ko ay kakilala niya ito pero nakita ko ang pagkunot ng noo niya matapos magsalita ng lalaki at matalim niya itong tiningnan.
Napangisi ako dahil pamilyar sa akin ang titig na iyon. At hindi nga ako nagkamali. Binigwasan niya sa tiyan ang lalaki. Napaatras ito hawak ang tiyan at parang asong biglang umamo ang mukha. May sinabi pa si Winona rito at pagkatapos ay agad na nilisan ng lalaki ang kinatatayuan. Pag-alis ng lalaki ay nakita ko ang pilyang pagngiti ni Winona.
"Well, that's Winona. Better choose who you are messing with, jerk!" natatawang saad ko. Natigilan ako sa pagtawa nang may kumatok sa bintana ng kotse ko, isang lalaking nakakahel na uniporme. I rolled down my window. "Bakit, boss?"
"Hindi ito parking lot! Kanina pang umusad ang nasa harapan mo oh..." talsik-laway niyang bulyaw.
Pagtingin ko sa harapan ay saka ko lamang napansin na malayo na ang truck na sinusundan ko. Sunod-sunod na pagbusina na rin pala ang ginagawa ng mga sasakyang nakasunod sa akin. Muli akong tumingin sa traffic enforcer. "Pasensiya na, boss."
"Itabi mo," utos niya. Tumalima naman ako.
"Akin na ang lisensiya mo," sabi niya habang naglalabas ng traffic ticket.
"Boss, baka puwede naman nating pag-usapan 'to?"
"Lisensiya mo!" mariin niyang sabi.
Kakamot-kamot kong kinuha ang lisensiya ko at inabot sa kanya. "Ano ho ba ang violation ko?"
"Employing discourteous/ arrogant driver," sabi nito habang sinusulatan ang traffic ticket.
"Ano'ng problema, sir?" narinig kong sabi ng isang babae. Pag-angat ko ng tingin ay nakita ko si Winona. Awtomatiko naman akong napangiti nang magtama ang tingin namin. Hindi siya tumugon sa ngiti ko.
Sumaludo sa kanya ang traffic enforcer. "Ma'am!"
Inakbayan niya ito at nag-usap sila sa tabi. Siguro ay mga dalawa o tatlong minuto silang nag-usap. Maya-maya'y nakita kong nagtatawanan na sila at pagkatapos ay muling lumapit si Winona sa akin.
"Sige, sir, salamat!" sabi niya at sumaludo rito. Pumasok na siya ng kotse at inihagis sa akin ang lisensiya ko. "Sa susunod, dalhin mo ang presence of mind mo, ha? Huwag mong iiwan sa bahay."
Tumango ako. "Salamat... sa pagkuha nito at sa pang-iinsulto."
***
NABIGO kaming makita ang ama ni Winona sa restawran. Alam naman namin na sa isandaang porsyento ay mayroon lamang kaming isang porsyentong posibilidad na matagpuan siya roon dahil ilang buwan na rin ang nakararaan. Sino ba namang baliw ang araw-araw na magpapabalik-balik dito?
Pero ito lang ang tanging lugar na alam namin kung saan siya hahanapin. Nagbaka-sakali kami. Naghintay. Pero hindi siya dumating. Hanggang sa ang paghahanap ay nauwi na lamang sa hapunan. Bakas sa mukha ni Winona ang kabiguan. Labis siyang nalungkot at hindi na nagawang ubusin ang kanyang pagkain. Malalim ang kanyang iniisip, marahil ay iniisip niya kung ano pang hakbang ang gagawin niya upang matagpuan ang ama.
Tumayo na kami. Hinaplos ko siya sa likod. "Huwag kang mag-alala, Nona, hindi pa naman huli ang lahat. Sasamahan kita kahit saan... kahit anong oras kung kinakailangan. Pasa saan ba't magtatagpo rin ang mga landas niyo."
BINABASA MO ANG
The Policewoman
General FictionMaraming beses nang nabigo sa pag-ibig si Rogin. Kaya't nang lokohin ng huling naging kasintahan ay pinagtangkaan niyang kitilin ang sariling buhay. Ngunit sa 'di inaasahang pagkakataon, nakilala niya ang isang dalagang nagbigay ng panibagong pag-as...