Kabanata 13 - Isang Kaibigan

6.3K 184 30
                                    

"BAKIT sa lahat ng trabaho, pagpupulis ang napili mo?" tanong ko kay Winona habang kami'y nasa restawran at sabay na nag-aalmusal.

"Pulis kasi si tatay, 'di ba? Bata pa lang ako namamangha na ako sa tuwing nakikita ang uniporme niya. Kapag suot niya iyon, pakiramdam ko'y isang superhero na walang kapa ang nasa harapan ko."

"So, sinundan mo lang ang yapak ng tatay mo?"

Nagkibit-balikat siya. "Sabihin na nating isa lang 'yon sa mga dahilan."

"Ano pa 'yung ibang dahilan?"

"Gusto ko kasing maintindihan kung bakit ito ang propesyong pinili ni tatay. Kung bakit ganoon na lamang ang pagmamahal niya sa Pilipinas na... kahit ang sarili niyang buhay ay inilalagay niya sa alanganin, mapagsilbihan lamang ito.

"Sabi niya, pinagkalooban siya ng Diyos ng lakas at tapang kaya't nararapat lamang na gamitin niya iyon upang magsilbi sa kapwa. Pero may mga bagay na hindi mo lubos na maiintindihan hangga't hindi mo nasusubukan. Kaya't heto ako... isang pulis. At ngayo'y naiintindihan ko na kung bakit."

"Narinig kong sinabi mo bago tayo umalis sa Laguna na malapit na ang death anniversary ng tatay mo, ano ang ikinamatay niya?"

"Actually kahapon ang death anniversary ni tatay. Limang taon na ang nakararaan nang mamatay siya. Alam mo, hindi na nga niya natunghayan ang pagtatapos ko sa kolehiyo. Tatlong araw na lang sana bago ako tumanggap ng diploma kaso nawala na siya. Malungkot akong umakyat noon sa stage dahil wala si tatay na siya sanang magsasabit ng medalya sa akin. Namatay siyang suot ang kanyang uniporme.

"Ang sabi... sumaklolo sila noon sa isang convenience store na hinoholdap sa Cainta kung saan siya nadestino. Nahuli nila ang holdaper. Ang hindi nila alam ay may kasamahan itong nag-aabang sa labas. Nabaril si tatay... sa ulo."

"Ikinalulungkot kong marinig. Kaya naman pala... ikaw na ang tumayong ama sa mga kapatid mo."

Tumango siya. "Pero alam mo ba, labag sa loob ni nanay nang sabihin ko noon na magpupulis ako. Ilang araw niya akong hindi kinibo noon pero desidido na talaga ako eh.

"Pero siyempre, bilang paggalang, hindi ako umalis hangga't hindi ko siya napapapayag. Ayaw ko kasing umalis nang hindi kami ayos. Awa ng Diyos, naintindihan din niya ang gusto ko."

"Wala ka na bang balak na magpalit ng propesyon?"

Nakangiti siyang umiling. "Masaya ako sa ginagawa ko, Gin."

"Huwag kang magagalit, ha? Kasi alam mo, sa panahon ngayon, iba na ang tingin ng marami sa mga pulis."

Natawa siya. "Alam ko 'yun. Pero ikaw, ganoon din ba ang tingin mo sa amin o... sabihin na nating sa akin?"

Napangiwi ako. "Hhmmm... hindi naman."

"Ang hirap kasi sa mga tao, mabilis silang mapapaniwala sa mga sabi-sabi. Humuhusga sila batay lamang sa naririnig nila at hindi sa nakikita ng kanilang mga mata. Oo, naroon na tayo sa may mga pulis na palpak, mga pulis na abusado. Pero huwag sana nating kalilimutan na sa bawat larangan, sa bawat propesyon, o sa bawat grupo ng tao ay may nasasaling mangmang na siyang nagiging kasiraan ng isang grupo.

"At kahit nag-iisa pa ang mangmang na iyon sa grupo, sa oras na magkamali siya, pangalan ng grupo ang sinisira niya. Kasiraan ng isa, kasiraan ng lahat. Hindi ba nakalulungkot isipin na sa pagkakamali ng isa o higit pa eh... nabubura na sa isipan ng mga tao ang lahat ng mabubuting nagawa ng mga kapulisang tapat sa kanilang serbisyo?"

Tumango ako. "Pasensiya na."

"Ayos lang. Masarap nga sa pakiramdam na naipapahayag ko ang mga saloobin ko."

The PolicewomanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon