Chapter 33

20 1 0
                                    

Ramdam ko ang matinding kaba na bumabalot sa paligid ko habang nakatingin sa mga lalaking alertong nagmamasid sa paligid. Namumuo na ang malamig na pawis sa noo ko habang pinagmamasdan sila pabalik mula sa likod ng makapal na kurtina.

May malamig akong naramdaman sa gilid ko, nakita ko ang isang malaking sliding window sa kanan ko. Ibinalik ko ang tingin sa mga lalaki at unti unti nang lumalapit ang isa sa gawi ko habang nakapalibot ang ibang lalaki sa buong kwarto.

Mabagal at maingat kong inangat ang kanang siko ko habang ang kaliwang kamay ay nakaalalay sa ilalim ng jacket ko para sa mga gamit na inilagay ko sa loob. Pabalik balik ang mata ko sa mga lalaking nasa paligid at sa bintana na unti unti kong tinataas.

Matagumpay kong nabuksan iyon ngunit may mahinang tumunog doon, dahilan upang mabilis kong makuha ang atensyon ng mga lalaki at lumingon sa gawi ko. Kinagat ko ang pang ibabang labi habang mahigpit na nakahawak sa maliit na kutsilyong tanging armas ko ngayon at naghanda sa paglabas sa kurtina.

Nang humangin nang malakas ay nadala niyon ang makapal na kurtina. Sinabayan ko ang paggalaw ng kurtina nang lumipad iyon dahil sa lakas ng hangin. Pigil hininga at mabilis ngunit walang ingay akong tumakbo papunta sa pinakadulo ng kwarto kung saan hindi na umaabot ang mahinang ilaw ng bumbilya sa kisame ng kwarto.

Lahat ng mga lalaki sa kwarto ay nakatuon ang atensyon sa lugar na inalisan ko at walang nakapansin nang lumipat ako. Nakatutok ang mga baril nila roon habang ang isa ay dahan dahan na lumalapit. Sinenyasan pa ng lalaking nauuna ang mga kasama niya at kaagad nilang pinalibutan ang kurtina na patuloy sinisipa ng malakas na hangin.

Tahimik kong isiniksik ang katawan ko sa sulok ng tinataguan ko at halos takpan ko na ang bibig ko para 'wag iyon gumawa ng kahit anong ingay. Masyado silang madami at malakas ang pwersa nila kaya isang maling galaw ko lang, pwede akong magtapos dito.

Nakasunod ang mata ko sa lalaking nangunguna nang makalapit siya sa kinatatayuan ko kanina at mabilis na hinawi ang malaki at makapal na kurtina. Bahagya silang nagulat nang makitang walang tao roon ngunit nanatiling nakahanda ang mga armas.

Sumilip ang lalaking humawi ng kurtina sa bintana na binuksan ko. Pinagmasdan niya ang baba mula habang nakatunghay ang ulo roon. "Natakasan tayo! Sa bintana dumaan!" pasigaw na sabi niya sa mga kasama.

Nakisilip din ang isa pang lalaki. "Malalagot tayo nito kay boss. Mukhang nakalayo na 'yon dahil wala na kong makitang bakas."

"Malilintikan talaga tayo! Hanapin niyo! Hindi agad 'yon makakalabas dito sa mansion!" gigil na sigaw ng nangungunang lalaki bago naunang naglakad palabas ng office.

Kaagad namang sumunod ang mga kasamahan niya pagkatapos ay ni-lock pa nila ang office. Sa lahat ng mga pintuang sinubukan kong buksan kanina, ito ang naiiba at natatanging naka-lock. Wala akong narinig na yabag ng paa palayo gaya kanina bago sila dumating, sa tingin ko ay sound proof ang buong office at walang pumapasok o lumalabas na kahit na anong tunog.

Napansin kong may maliit na kulay pula sa isang sulok sa taas ng kisame, nang titigan ko iyon ay napagtanto kong bumalik na sa ayos ang mga surveillance camera. Nakalabas na si Timothy Blake at bumalik na sa ayos ang system ng mga camera dahil tapos na ang call time na ihinanda namin. And we're moving with plan B now.

Inilabas ko ang isang itim na panyo mula sa bulsa ng pantalon ko at tinupi iyon patatsulok bago itinali sa likod ng ulo ko para matakluban ang kalahati ng mukha ko, tanging ang mata ko na lang ang kita. Inangat ko rin ang hood ng jacket ko at sinuot iyon muli. Sinuguro ko munang nakalagay nang maayos sa jacket ko ang mga nakuha ko sa tagong drawer bago ako lumabas sa tinataguan ko.

Lumapit ako sa pintuan ng office at sinigurong naka-lock iyon. Idinikit ko ang mukha ko sa siwang ng pintuan at pinakinggan ang nasa labas, wala akong ibang naririnig bukod sa mga yapak ng paa na dumadaan lang sa harap ng pintuan.

Love In A Cruel WorldTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon