Chapter 34

20 1 0
                                    

"Ready?" tanong ni Timothy Blake habang nakatingin sa akin at tumango ako bilang sagot.

Sabay naming hinila ang pin ng tear gas at ibinato iyon papasok sa bukana ng warehouse. Apat na tear gas ang ibinato namin doon at sunod sunod ang naging pag-ubo ng mga lalaking tauhan na nandoon. Nanatili kaming nagtatago sa labas ni Timothy Blake ng ilang segundo.

Nandito na kami sa warehouse sa Santiago. Hindi pa namin alam kung anong nasa loob pero masyado silang madami kaya kinailangan naming gumamit ng tear gas para sa tahimik na pagpasok. Wala pa kami sa mismong warehouse dahil malayo layo masyado ang pinakagate ng property kung saan namin ibinato papasok ang apat na teargas.

Sabay kaming tumango ni Timothy Blake bago niya sinipa ang gate na gawa sa kawad. Mausok pa rin ang paligid ngunit dahil sa mask na suot namin ay nakakakita pa rin kami. Sunod sunod naming pinaputukan ang mga lalaki habang pilit silang sumasagap ng hangin para makahinga. May silencer ang mga baril namin kaya walang kahit na anong ingay ang lumalabas doon.

Unti-unting nawawala ang usok kaya nakakakita na ang iba. Nagsimula silang sumugod sa amin kahit pa nahihirapan pa ang iba sa kanila na huminga dala ng usok. Akmang kukuhanin ng isa ang baril niya ngunit kaagad ko iyong sinipa. Nawala sa ulirat ang iba at sumugod kay Timothy Blake with their bare fist at tila nalimutan ang gamit ng mga baril nila. Bago pa sila makalapit sa amin ay matagumpay namin silang napapaputukan.

Naramdaman kong may susugod sa likod ko at bago pa ko makalingon ay narinig kong sumigaw si Timothy Blake. "Yuko!" Kaagad akong yumuko at mabilis niyang pinaputukan ang lalaking dapat na susugod sa akin.

Patuloy lang kami sa pakikipaglaban sa mga lalaki. Parang hindi sila nauubos dahil kahit madami nang nakahandusay sa sahig, madami pa rin ang lumalaban. Tuluyan na rin nawala ang matinding usok na dala ng tear gas kaya malinaw nang nakakakita ang mga tauhan na lumalaban sa amin. Gustuhin man naming maglabas ng panibagong tear gas, hindi namin magawa sa ngayon dahil masyadong madami ang mga nakapalibot sa amin at kukulangin kami sa segundo.

Nagkatinginan kami ni Timothy Blake nang makarinig kami ng pagkasa ng baril bago sabay na lumingon sa pinanggalingan niyon. Armado ang mga lalaking bagong dating mula sa loob. Nagpaputok sila sa gawi namin ngunit mabilis naming nailagan ang mga bala na ibinabato nila. Bawat tunog ng baril ay umaalingawngaw sa paligid.

Mabilis kong kinuha ang isang patay na lalaki na nakahandusay malapit sa akin at hinarang ang katawan niya sa katawan ko para gawing cover habang nagtatapon ako ng bala pabalik sa mga lalaki at unti-unting umaatras. Nang makalapit ako sa isang lamesa ay mabilis kong binitawan ang lalaking hawak ko at sinipa ang lamesa na may laman ng mga hindi naubos na alak kaya mabilis na tumagilid iyon bago ako nagtago sa likod niyon.

Napansin kong wala sa likod ko si Timothy Blake kaya bahagya akong sumilip mula sa maliit na butas ng lamesa na patuloy na binabaril ng mga lalaki ngunit hindi iyon natitibag, marahil dahil matatag ang kahoy na ginamit para sa lamesa. Hindi ko nakita si Timothy Blake sa gitna ng battle field pero may pilit na binabaril ang ilang lalaki sa kabilang gawi ng pinuntahan ko.

Nakita ko ang paglipad ng tear gas papunta sa mga lalaki. Mabilis kong kinuha ang maliit na granada at hinila ang safety pin niyon bago ibinato sa mga lalaking armado. Nakay Timothy Blake ang tear gas at nasa akin naman ang mga granada. Hindi nagtagal, umalingangaw ang isang pagsabog, bagaman hindi iyon ganoon kalakas.

Mabilis akong tumayo mula sa pinagtataguan ko at pinaputukan ang mga lalaking bumabaril sa akin kanina. Napansin kong tumigil ang pagbaril nila ngunit ilang saglit lang ay nagpaputok ulit at ang isang bala ay muntik nang tumama sa akin.

Bumalik ako sa pagkakatago sa likod ng nakatumbang lamesa dahil hindi ko inaasahan na may mask na nakahanda ang mga lalaki. Sakto namang naubusan ako ng bala. Hinayaan kong mahulog sa lupa ang magazine ng bala na walang laman habang kinukuha ko ang bagong magazine at mabilis na ikinabit iyon sa baril ko.

Love In A Cruel WorldTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon