DESTINY GAME
by: sha_sha0808 Ash Simon
FINALE
After 3 years...
" Kamusta ka na, Ella?" masayang tanong ni Kim. Nauna lang silang umuwi ni Skyler ng tatlong buwan dito sa Pilipinas.
"Mabuti naman Kim, salamat." Nakatayo sila sa veranda at nakatingin sa mga batang naglalaro sa hardin.
"P-pasensya ka na pala noon, ha. Hindi ko sinasadyang magalit. Wala naman akong alam na... Magkapatid pala kayo nina Skyler," matagal na niyang gustong humingi ng tawad pero nahihiya lang siya. Alam niyang nasaktan din noon ng sobra si Ella dahil hindi lang nila maintindihan no Skyler kung bakit ganun ang kanilang nararamdaman.
"Wala iyon. Kung ako rin sa kalagayan mo, mas sobra pa siguro ang gagawin ko sa magiging babae ni Kevin." Natatawang sagot niya habang nakapamulsa. Suot ang white jeans and black sleeveless ay bakas sa mukha nito ang labis na kasiyahan. Medyo mahaba na rin ang buhok niya na hanggang balikat ang haba.
"Hahaha. Oo nga. Ang ganda na ng buhok mo. Mas lalong lumago."
"Oo nga. Gano'n daw talaga sabi ni doc," napatingin siya sa baba. Umiiyak na si Blue dahil sinuntok ng kapatid. "Pasaway ata si Sky, a. Lagi niyang inaaway si Blue," nakangiting wika ni Ella. Napangiti siya nang makita ang kapatid na halos maubos ang boses sa kakasigaw dahil tumakbo si Sky patungo sa pool.
"Oo. Ganiyan 'yang dalawa. Away bati pero kapag may ibang umaway sa kakambal ay inaaway din nila. Parang sina Skyler at Kyler," sagot ni Kim na napangiti habang nakatingin sa asawa. Naging mabuting ama't asawa si Skyler sa kanila. Sa mga nakalipas na panahong pagsasama nila ay wala siyang maireklamo rito bilang ama. Well, maliban sa hindi nauubos ang enerhiya nito pagdating sa kama.
"Pero mukhang tahimik lang si Black? Yung parang may itinatago?" sambit ni Ella. Noong nasa Espanya sila ay minsan lang niya itong naririnig na magsalita. Laging nasa sulok lang ito at tahimik na naglalaro.
"Oo nga, e. Ako ang nabahala sa batang iyan. Si Keana lang ata ang naging ka-close niya," isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan ni Kimberly habang nakatingin sa anak na ngayon ay kausap na ang pinsang si Keana.
"Okay lang. At least silang dalawa ang magkabarkada. Ako nga, malapit din kay Dylan kahit na malayo na kaming magpinsan." Alam na niya ang nangyari sa tunay na kapatid nito noon. Nai-kwento na sa kaniya ni Kevin.
Napangiti sila nang pumasok ang sasakyan ni Tyron at bumaba si Aira. May kaunting salu-salo sila ngayon dahil sa pagdating nila. Noong isang linggo ay nagproposed ito ng kasal kay Aira. Nabalitaan din niyang nagkarambulan pa raw sa party ang mga bata.
"Let's go, sis. Tinatawag na tayo sa baba," kumakaway na si Kyler sa kanila na buhat-buhat si Kean.
"Gusto ko na ring magka-baby," ani Ella habang pababa sila sa hagdan.
"Kung talagang para sa iyo, ibibigay ni God iyan. Magtiwala ka lang," nakangiting tugon ni Kim. Nakikita niyang sabik na nga ang mag-asawang magkaroon ng anak. Tatlong taon na ang nakaraan kaya't medyo okay na siya. Sabi ng doctor ay pwede na raw siyang mabuntis pero hanggang ngayon ay wala pa rin.
"Oo nga. Huwag lang mawalan ng pag-asa," napag-usapan na nila ni Kevin na kung sakaling hindi siya mabubuntis, aampon na lang sila ng bata. Natatakot siya na baka hindi na siya mabuntis dahil sa pinagdaanang therapy and treatment.
"Tyron, kamusta? Ako ang bestman, ha." Nakangiting sabi ni Skyler habang buhat si Erika.
"Bestman mo mukha mo!" Madilim ang paningin ni Tyron sa kaniya.
"Psh! Hanggang ngayon, galit ka pa rin sa nangyari? Hindi ko nga sinasadya ang nangyari sa proposal mo," pagtatanggol ni Skyler sa sarili.
"Nasaan si Ann, Tyron?" tanong ni Kim nang hindi makita ang kaibigan.
"Nasa mansion ng mga Lacson. Alam mo naman ang lola ni Dylan," napailing na lang si Kim. May pagkamaldita rin kasi si Patch lalo na kay Ann noon. Hindi nga niya alam kung paano napaamo ni Ann ang matanda.
"Hoy! Lintik na bata. Ano ang ginagawa mo sa anak ko?" galit na saway ni Tyron. Lahat sila ay napatingin kay Sky na nakahubad na sa harapan ni Taira.
"Mommy, ihi." Agad na tumakbo si Kim patungo sa anak. Si Taira naman ay inosenteng nakatingin lang sa batang nasa harap at nakatingin sa maliit na pitotoy nito.
"Mommy? Ano po 'yon?" inosenteng tanong ni Taira habang nakatingala sa mga magulang. Si Kim ay itinataas na ang shorts ng anak.
"Huwag mong intindihin iyon, anak. Halika nga rito kay daddy," sabay buhat ni Tyron sa anak at inilayo kay Sky.
"Turuan mo ng maayos 'yang anak mo Skyler. Kung hindi, ikaw talaga ang sasapakin ko!" Pagbabanta ni Tyron habang palayo sa kanila kasa ang asawa at kambal na anak.
"Psh! Bakit ka naghubad sa harapan ni Taira, ha?" tanong niya sa bata.
"Ihi po ako daddy." Nakasimangot na sagot ni Sky.
"May banyo naman. Bakit sa harapan pa niya?" naiinis na tanong niya. Badtrip pa kasi si Tyron sa kaniya dahil nga sa ginawa niya noong isang araw.
"E bakit ikaw po. Ihi ka naman sa harap ni Mommy?" nakasimangot na balik-tanong ni Sky. Si Kim ay nakasimangot din at galit kay Skyler. Naalala niya noong pagbukas ng bata sa CR ay nasa loob sila ng asawa at nag tototot.
"Asawa ko ang mommy mo! Walang masama roon," napasimangot lalo si Sky. May sasabihin pa sana kaso mas pinili na lang nitong tumahimik.
Bumalik na sila sa loob dahil kakain na raw sabi ng katulong.
"Mommy, si Erika may boyfriend na." Sumbong ni Lyn habang kumakain sila.
"Wala po, mommy. Ikaw kaya may gusto sa batang 'yon," pasimpleng kinurot ni Erika ang katabing kapatid.
"Erika! Sino 'yon?" tanong ni Ian na katabi si Sunshine.
"Ala po, grandpa." Nakayukong sabi ni Erika.
"Sumagot ka!" Galit na utos ni Skyler.
Lahat ng mata ay nakatuon sa bata na ngayon ay nakayuko na.
"Erika, sino ang tinutukoy ni Lyn, baby?" pag-aalo ni Kim sa panganay.
"Waaaah huhuhu mommy! Huhuhu" Ang lakas na ng iyak ni Erika.
"Ano'ng nangyari? Putiks!" Tumigil si Skyler sa pagkain. Kinakabahan naman ang bata pero kailangan niyang sabihin sa mga magulang ang tunay na nangyari.
"B-buntis po ako daddy," sabay pahid ng mga luha niya. Lahat sila ay napanganga sa narinig.
"Ulitin mo nga ang sinabi mong bata ka?" hindi pa pumapasok sa isipan ni Skyler ang mga sinabi ng anak.
"Buntis po ako, dad. H-hinalikan po niya ako," namumula ang magkabilang pisngi ng dalaga.
"Hala! Ikaw kaya ang nagkiss sa kaniya." Nakasimangot na sabat ni Lyn.
"Hindi! Siya ang nagkiss sa akin!" Nakasimangot na depensa ni Erika.
"Daddy! D-dapat panagutan po niya," lahat sila sa mesa ay napatulala sa sinabi ng bata. Walang sinuman ang nagtangkang magsalita.
"Sir, may bisita po kayo." Wika ng katulong na kakapasok lang sa dining room.
"Sino?" tanong ni Ryan.
"Sina sir Kiefer, po." Sagot ng katulong.
"Ano na naman ang ginagawa nila ni Allysa rito?" tanong ni Skyler. Naging malapit na sila sa pamilya nito. Kahapon lang ay nasa birthday party sila ng kambal nito.
"Mamanhikan daw po..." Naguguluhang sagot ng katulong.
"Skyler!" Sigaw ni Kim dahil biglang hinimatay ang asawa. Mabuti na lang dahil nasalo niya ito bago matumba.
-----------
"Sweetheart, kailan kaya tayo magkaroon ng anak?" tanong ni Ella.
"Malapit na... Kapag handa na tayo, ibibigay sa atin iyan ni bro!" Nakangiting bulong ni Kevin. Nasa loob sila ng Baclaran church kasama ang buong pamilya.
"Sana nga..." hinawakan niya sa kamay si Kevin at isinandal ang ulo sa balikat nito. Masayang nakatingin siya sa mga kakambal at magulang. Ngumiti siya nang magkatitigan sila ng ina. Hindi niya inakalang ang babaeng nakita niya noon sa lugar na ito ay ang tunay na ina pala niya.
Tapos na ang mesa pero mas pinili nilang manatili muna rito sa loob dahil marami pa ang mga tao sa labas. Taimtim na nananalangin siya sa poong Maykapal at nagpasalamat dahil isa siyang cancer survivor.
Isa siya sa mga taong muntik nang mawalan ng pag-asa pero dahil sa lakas ng loob na ibinibigay at pinakakita ng buong pamilya ay lumaban siya. Siyempre, hindi nawala ang kaniyang butihing asawa, si Kevin.
"Tara na, guys. Labas na tayo!" Yaya ni Kyler. Inalalayan siya ni Kevin para tumayo.
"Ang ganda mo, Sweetheart." Napangiti siya sa ibinulong ni Kevin. Halos araw-araw, kung hindi man nito sabihin ay ipinapakita at ipinaparamdam ng asawa na maganda siya at kung gaano siya nito kamahal. Napatunayan na niya na hindi lang ganda niya ang minahal ng binata. Kundi ang buo niyang pagkatao lalo na noong walang-wala talaga siya.
"Ikaw rin, gwapo." Bulong niya.
Paglabas nila ay napatakip siya sa mukha. May mga nagkikislapang camera kaya napahigpit ang pagkakahawak niya sa kamay ng asawa.
Pagmulat niya ay nagtatanong ang mga matang tiningnan niya ang asawa. Nasa likuran nito ang dalawang kakambal. "K-kevin ano ang ibig sabihin nito?" naguguluhang tanong niya pero ngumiti lang ang asawa.
"Ella, Kyla, naalala mo pa ba ang araw na una tayong magkakilala sa lugar na ito?" tanong ni Kevin. Napatango siya at kusang tumulo ang mga luha. Hinding-hindi niya makakalimutan ang araw na iyon. Ang araw na binigyan siya ng ice cream ni Kevin noong panahong nagugutom siya habang nangangalimos. Iyon din ang araw na nagproposed ang kanilang ama kay Sunshine sa mismong kinatatayuan nila.
"Dito nagsimula ang lahat. Kaya rito ko rin wawakasan para makapagsimula tayo," umiiyak din na wika ni Kevin habang nakatingin sa luhaang mga mata ng asawa. Napangiti siya nang maalala ang nakaraan. Walang pagbabago. Mula noon hanggang ngayon, ito pa rin ang Ellang minahal niya at pinangako niya sa sariling papapakasalan niya balang araw. Ang Ellang gusgusin, pulubi at walang-wala. Walang makakain, saplot at tunay na magulang.
Lumuhod siya sa harapan nito at dinukot sa bulsa ang isang maliit na velvet box.
"Sweetheart, for the second time around... Sa harapan ng mga magulang, kakilala, mga tao at sa harapan ng tahanan ng ating Panginoon, Will you, marry me?" madamdaming tanong niya nang binuksan ang kahon. Sina Sunshine ay umiiyak na nakatingin sa dalawang anak. Si Kevin na ang tunay na ama ay ang lalaking kay Ella pero ito rin ang kumupkop, nag-aruga at bumuhay sa tunay na anak nila. Wala nang mas sasaya pa sa isang magulang na makitang mahal na mahal ng lalaki ang kanilang anak. Napangiti siya.
"Kapag maglaro nga naman ang tadhana," bulong ni Sunshine habang nakatingin sa dalawang anak. Ang ampon at ang tunay na anak niya.
Kahit pasaway ang triplets ay nakatagpo pa rin ang mga ito ng tunay na magmamahal sa kanila hanggang wakas. Pagmamahal na kahit kailan ay hindi matutumbasan ng kahit anumang halaga. Pagmamahal na wagas at hindi mapapantayan.
"Y-yes! Pakakasalan kita ng paulit-ulit, Kevin." Umiiyak na sagot ni Ella habang isinusuot ni Kevin ang singsing sa kaniyang mga daliri. Alam niyang ito na ang simula ng kanilang magandang buhay.
"I love you," tumayo si Kevin at mariing hinalikan sa mga labi ang asawam habang pumapalakpak ang mga tao sa paligid.
"I love you, most. Since yesterday, today and FOREVER!" masayang sambit ni Ella at pasimpleng tumingala sa langit.
"Thank you, Lord." buong pusong pasasalamat niya.
"The most important gift that God puts in our lives are the people He places around us to lead us closer to Him."----------- ---------WAKAS-----------------
A/N:
May special chapter pa po... Bali "ENDING" ng buong series na ito pero kung hanggang dito na lang ang pagbabasa ninyo, okay na rin po. Hehehe. Tapos na ang story nina Kevin-ELLA.
![](https://img.wattpad.com/cover/323245704-288-k634084.jpg)