Mother's Day! Nahalungkat ko 'yong lumang litrato namin ng mama ko noong high school graduation ko. Naroon na naman ang kurot sa dibdib ko habang nakikita ko ang abot taingang ngiti ng nanay ko. Proud mom! Gawaran ba naman ng scholarship ang anak sa mismong graduation. Sayang lang at hindi ko na nasilayan ang mga ngiti niya noong grumaduate ako sa kolehiyo.
Sayang. Isang salita ng panghihinayang na katumbas ay napakaraming sakit. Sampo, isandaan o isang libo't humigit pa.
Napailing ako at nagsimula na naming maluha pero natigil 'yon nang mahulog ang isang naninilaw na papel na nakadikit sa litratong hawak ko. Isa iyong sulat na ginawa ko noong araw na nawala siya. Nabura na ang ilang bahagi no'n dahil sa mga luhang pumatak habang binabalik-balikan ko ang alaala ng yumao kong ina.
Ma,
Hindi mo nabasa ang winning short story ko sa national level noong ako'y nasa kolehiyo. Wala ka tuwing uuwi ako sa isang writing contest o quiz bee competition at may dalang tropeo o medalya. Nakaligtaan mo ang graduation ko. Hindi mo nakita kung ilang medalya at parangal ang ginawad saakin. Hindi kita nalibre sa unang sweldo ko. Hindi ikaw ang una kong binalitaan na pumasa ako sa board exam. Wala ka rin noong oath taking ko bilang isang ganap na guro. At 'yong pangako mong mamasyal tayo kapag ako'y may trabaho na hindi natupad. Nasaan ka noon noong kailangan ko ng masasabihan tungkol sa tagumpay at kabiguan ko?
Naalala ko noong bata ako, lagi mo akong pinapalo. Lagi mo akong pinapagalitan sa tuwing may ginagawa akong kalokohan. Lagi akong top sa klase at laging nananalo sa tuwing may pacontest sa school o kaya sa division office. Scholar din ako mula elementary hanggang kolehiyo. Lagi kong ginagalingan dahil akala ko magiging paborito mo 'rin akong anak kapag nangyari 'yon. Hindi nangyari.
Lumaki akong walang masyadong patnubay sayo. Laging sumasama ang loob sa tuwing pakiramdam ko'y mas pinapaboran mo ang iba kong kapatid. Laging ako ang may kasalanan, ako ang nagrereklamo, ako ang nauna at ako ang hindi makaintindi -ako yata ang black sheep ng pamilya.
Akala mo okay lang ako dahil hindi ako iyakin at laging kayang ipagtanggol ang sarili. Sabi mo nga dati kapag Commencement Exercises at lagi kong nakukuha ang 'Most Dependable' at 'Most Self-Reliant', lalaki akong matapang at may diskarte sa buhay. Kaya siguro lumaki akong ramdam na sa lahat ng mga anak mo, ako ang 'less pampered'.
Hindi ko iyon maintindihan noon. Ang tanging alam ko lang ay hindi mo ako mahal at inakala ko pang ampon lang ako dahil ako lagi ang napapagalitan sa bahay. Nakakatawa nga ma' kasi noong mga twelve years old ako, naisipan kong maglayas at hanapin 'yong tunay kong mga magulang. mga kalokohan ko dati na hindi ko na nabanggit sa'yo kasi alam kong papagalitan mo lang ako't sesermonan. Siguro nga baka sabihin mo pang 'matalino ka kaya alam mo na kung ano ang tama!' Ganoon naman lagi.
Akala ko lang pala ang lahat.
Mali ako. Lahat ng 'yon; lahat ng bagay na kinasama ng loob ko ay paraan ng pagpapalaki mo.
Tama ka ma'. Tama ka noong dinidisiplina mo akong huwag sumagot sa mga nakatatanda. Tama kang huwag kong abusuhin ang kapwa dahil lang sa mas magaling ako sa kanila. Tama ka noong sabihin mong magpakumbaba at huwag mang-aabuso sa kahinaan ng iba. Tama kang huwag lagging iasa ang sarili sa iba. Lahat ng 'yon dala-dala ko hanggang ngayon.
Nanghihinayang ako. Hindi ako nakapagpasalamat sayo dahil pinalaki mo ako sa paraang naayon -sa kung ano ako dapat ngayon; matapang, madiskarte, matalino at may paninindigan. Hindi man lang kita nayakap habang binubulong ko sayo kung gaano kita kamahal kasi noong bata ako nahihiya pa ako at hindi masyadong prangka sa nararamdaman ko. Hindi ako nakahingi ng 'sorry' dahil sobrang tigas ng ulo ko dati. Hindi ko nasabi sayo ng harapan na "Ma, naiintindihan na kita ngayon. Alam kong hindi mo ako kailangang i-pamper at alagaan ng gaya ng pag-aalaga mo sa iba kong kapatid kasi alam mong kakailanganin kong maging matapang at matatag balang araw dahil ako ang sasandalan ng mga kapatid ko kapag wala ka na."
Hanggang ngayon, nadudurog ang puso ko at buong pagkatao ko tuwing naiisip ko kung gaano ko sinayang ang mga pagkakaataong nandito ka pa para makapagpasalamat at sabihin sayo na mahal na mahal kita.
Ang pagsisikap kong makapagtapos na may sabit na medalya, ang patitiis ko sa puyat habang nagrereview para pumasa sa board exam, ang pagtitiyaga ko at papanatiling matapang ruwing sinusubok ako ng pagkakataon at ang hindi ko pagpapariwara. Lahat ng 'yon ay dahil sa pangako ko sayo -na balang araw magiging proud ka saakin.
Alam ko. Na sa oras na 'to habang sinusulat ko 'to at mangiyak-ngiyak ako, nakatingin ka saakin at sasabihang "Kung kailan ka tumanda ay saka ka naging iyakin."
Ilang taon simula nang lisanin mo kami. Ilang taon mo na ring namimiss ang pagbati ko sayo ng HAPPY MOTHERS DAY. Kahit wala ka na, hindi ka kailan man lumisan sa diwa ko. :)
Proud Son,
R.S.M
Titiklopin ko na naman ang sulat na 'to at babalikan kapag nangulila ako. Hindi ko alam kung hanggang kailan mananatili ang sakit sa dibdib ko. Siguro'y hangga't nabubuhay ako. Hangga't laman siya ng puso't diwa ko.

BINABASA MO ANG
Hashtag Balahura
RandomAnong klaseng citizen ka? Taong gusto ng pagbabago pero ayaw magbago o taong ayaw nmagbago para sa pagbabago? Araw-araw ka bang nag-eemote? Hobby mo ba ang mag-inarte o mag-MV sa bintana habang umuulan? Sanay ka na bang lokohin at sanay ka na rin ba...