PROLOGUE

16.7K 297 14
                                    




GUMAPANG ang kilabot sa katawan ni Revo nang makita ang poster-sized niyang picture sa loob ng Bonetta Dental Clinic.


And not just one... not two... kundi apat! Apat ang framed pictures niyang nakakabit sa iba't ibang sulok ng naturang clinic! Daig pa niya ang model e ni hindi naman siya endorser kahit man lang ng toothpaste!


"Anong kalokohan ito?!" bulalas niya, sabay sign of the cross. Pakiramdam niya ay nakapasok siya sa kuta ng kulto! Hindi pala nakakatuwa ang maging object ng affection ng isang tulad ni Lotus Bonetta!


"Ay sir, kayo pala!" bati ng receptionist. "May pasyente pa si Doctora Bonetta sa loob. Pero sandali lang yun dahil pasta lang naman ang gagawin sa ngipin. Upo muna kayo sir." Hindi feel ni Revo ang ngiti sa kanya ng receptionist- nakakaloko! Mukhang secretly ay pinagtatawanan siya ng babae!


Pero sino naman kasi ang hindi matatawa sa sitwasyon niya? Isa siyang opisyal ng militar, iginagalang sa kanyang propesyon ngunit eto at ginawa siyang katatawanan ni Lotus, ang luka-lukang dentista na in-love sa kanya!


"Hindi na, sa labas na lang ako maghihintay," aniya sa receptionist. Na-conscious na siya nang makitang nakatingin sa kanya ang isang babaeng may hawak na magazine, then sumulyap sa picture niyang nakakabit sa wall.


Mapapatay talaga kita, Lotus ka! Gigil na tumalikod si Revo at akmang lalabas na.


"Revo, darling! Sandali!" Tinig ng bruha. Nakuyom ni Revo ang kamao at huminga ng malalim.


Panginoon, gabayan Niyo po ako sa oras ng kapahamakan. Lumingon siya. Huwag Niyo po akong hayaang magkasala.


"Tapos na ang ginagawa ko. Huwag ka nang lumabas!" Mabilis na nakalapit sa kanya si Lotus, daig pa ang ipu-ipo.


Hindi na siya nagpatumpik-tumpik. "Ano yang mga yan? Bakit naka-display ang mga pictures ko dito sa dental clinic mo?" Tahasan na niya itong sinita!


Pero imbes na matakot or magpa-sorry, natawa lang si Lotus, mukhang natutuwa pa ito sa paninita niya. Actually mukhang kinilig pa!


"Oh those? Di ba bagay naman? You have such a great smile, darling. Gusto ko lang na ma-inspire ang mga pasyente ko para tuwing nakikita nila ang posters, mas ganahan sila."


"Ganahan silang magpabungkal ng ngipin?" Kung hindi lang kasalanan ang manakal ng babae, baka kanina pa bumulagta ang babaeng dentista! "Ano ba Lotus, sana poster ng toothpaste o breath freshener ang nilagay mo diyan! Tanggalin mo ang mga pictures ko diyan!"


Kung maibabalik lang niya ang oras, hindi na sana siya pumayag na makipag-blind date! Oo, nagkakilala sila ni Doctora Lotus Bonetta dahil sa sulsol ng misis ng isang mistah. May kaibigan daw kasi itong single at professional, wala pang boyfriend at siya ang naisip na ireto. At dahil hindi naman siya makatanggi, pumayag siya. Malay ba naman niyang may tililing pala sa utak ang naturang babae?


In fairness naman kasi ay maganda si Lotus, maputi at mabango. Tawa pa ng tawa ang babae sa mga jokes niya kaya nag-enjoy din naman siya. Nasundan pa ang date nilang iyun- nanood sila ng sine sa Eastwood City at nagdinner din sila. Feeling girlfriend na nga si Lotus sa kanya— which is okay lang naman sana kasi pinapadalhan siya ng kung anu-anong pagkain sa kampo. Ang problema, sumobra na ang babae. Gusto nito ay oras-oras na tumawag sa kanya.


Kaya naman siya nagpunta ngayon sa dental clinic ay para sunduin ito at makapag-usap sila. Nasi-stress na kasi siya sa kakakulit ng babae. Daig pa ang misis na mabangis kung magtanong kung nasaan siya. Pero hindi niya akalain na mas stressful pala ang madadatnan niya sa klinika nito!


"Ikaw naman Revo, palabiro ka talaga kahit kelan," ani Lotus na may hawak pang dental tool. Mukhang pliers!


"Lotus, hindi ako nagbibiro. Hindi nakakatawa na nakakabit dito sa dental clinic mo ang mga pictures ko. Nakakahiya ano ba!"


"Anong nakakahiya dun? E boyfriend naman kita!" padabog na wika ng dentista na medyo itinaas pa ang hawak na pliers!


Napaatras siya ng konti pero hindi nagbago ang expression niya. Kailangang magmukha siyang deadly at seryoso!


"Yun nga ang problema Lotus. Hindi tayo mag-ano. Hindi mo ako boyfriend. Akala mo lang oo, pero hindi, hindi, hindi!" It was a bit harsh, but he needed to say it.


Kaya naman hindi na rin siya nagulat nang makatanggap ng malakas na sampal mula sa dentista!


At least hindi ako sinampal ng pliers, sa loob-loob ni Revo habang papalabas ng dental clinic.


Lecheng lovelife!



The Cavaliers: REVOTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon