"REMEGIO VICTORIO ANDRES?" tawag ng babae sa may counter.
"Yes ma'am, ako po yun," mabilis na sagot ni Revo. Agad na iniabot sa kanya ng babae ang isang bagong-bagong passport. "Naku, salamat ma'am." Nasa DFA siya para mag-renew ng pasaporte.
"Military po pala kayo sir." Napansin ni Revo na nagpapa-cute na ang babae sa kanya.
"Halata ba?" Bakit ba ang bilis din niyang magpa-cute? Parang automatic na lang.
"Hindi nga sir e. Para lang kayong ano..." napahagikhik pa ang babae.
"Ano?" Naisip ni Revo na hindi naman siguro siya mukhang artista. Pero papasa naman. Napangiti siya.
"Pahinante," narinig niyang wika ng babae.
Nawala ang ngiti ni Revo. Mukha na ba siyang biyahero ng mga gulay? Napatingin tuloy siya sa kanyang balat na nangitim sa kakababad sa tubig.
"Sige miss, okay lang na pahinante. At least, marangal na trabaho," nakangiti niyang sagot.
Napahiya yata ang intrimiditang babae sa may counter dahil sa sinabi niya. Napayuko ito at nagkunwaring busy. At bago pa uli ito makahirit ay tumalikod na siya at umalis. Paglabas niya ng DFA ay dumiretso na siya sa loob ng kanyang kotse pero aircon lang muna ang pinaandar niya. Tiningnan muna niya ang kanyang cellphone kung may text message. Meron nga at galing kay Winona, ang kanyang current girlfriend. Imbes na mapangiti ay napakunot ang noo niya.
Bks n tyo mgkta dr, nsa odisyon kz k ngyn, jejeje Lb u. Ilang beses pa niyang binasa ang message bago tuluyang na-gets kung ano ang ibig sabihin nun.
Bukas na tayo magkita dear, nasa audition kasi ako ngayon, hehehe. Love you. Napailing na naman siya. Ilang beses na niyang sinasaway ang nobya sa klase ng pagtetext nito pero hindi nakikinig. Para siyang nagbabasa ng alibata tuwing nakakatanggap siya ng text kaya mas madalas siyang tumawag.
Jejemon na nga, hindi pa maintindihan. Hindi naman siya sa nagmamagaling pero mano ba namang ayusin ang pagtetext? Naka-unlimited text naman siya, bakit kailangang mag-short cut, sa loob-loob pa niya.
Hindi kasi siya mahilig mag-short cut ng mga words sa text o kapag nagsusulat. Nakasanayan na kasi niya ang tamang spelling at grammar. Siguro ay dahil parehong teachers ang kanyang mga magulang- at mga strikto. Science and Math teacher ang kanyang mamang at ang kanyang papang naman ay English teacher na naging Principal kaya wala siyang lusot. Siguro kung hindi siya pumasok sa PMA ay baka nagtuturo na rin siya ngayon.
O kaya ay scientist. Napangiti si Revo nang maalala ang kanyang ambition noong bata pa. Pinaandar na niya ang kanyang kotse. Since hindi rin lang pala sila magkikita ni Winona ngayon, naisip niyang manood na lang ng sine sa Gateway Mall, tutal ay naka-leave naman siya ng araw na iyun.
SA TONDO, Manila ipinanganak at lumaki si Revo. Ang mismong lolo niya sa ama ang nagbigay sa kanya ng kanyang palayaw. Dala-dala daw kasi ng apelyido nila ang pangalan ng Ama ng Rebolusyon na si Andres Bonifacio kaya mas maganda kung 'Revo' ang palayaw niya. Kesa nga naman Remi o kaya ay Toryo.
BINABASA MO ANG
The Cavaliers: REVO
ChickLitKilala siya bilang mistah nina Drix, Brey, JD, Tristan and Drew. Pero alam nyo bang isa siyang mathlete? Yes, a math wizard and an athlete. Matalino, guwapo, sporty at habulin ng babae. Kilalanin si Revo.